ganun pala yung pakiramdam

Comments Off

ngayon alam ko na.

mapapakain mo ako ng menudo pero hindi mo ako mapapalunok ng pasas. mapapatagay mo ako ng beer pero hindi mo ako mapapainom ng softdrinks. mapahihithit mo ako ng rugby pero hindi mo ako mapipilit magsigarilyo.

parte kasi ng kultura sa opisina namin yung sabay sabay silang mga trabahante na bababa kapag oras ng break para lang makapagusap ng ibang bagay bukod sa trabaho tulad halimbawa ng buhay ng kapwa katrabaho nila. hindi kasi ako sumasama sa kanilang bumaba ng building at naiiwan lang akong nagtatrabaho sa pwesto ko parati. alam ko mukha talaga akong tanga sa personal pero kasi ayaw ko naman magpanggap na interesado ako sa drama nila–hindi ko style yun. hindi ko talaga ugali na interesado ako sa drama ng mga tao. kaya ano pa nga ba? siyempre may hindi nasusulat na batas na kung sino yung wala, siya ang taya ng usapan.

magiisang taon ko na silang kasama sa kwarto pero hindi ko pa rin sila makagaaangan ng loob. hindi ako ipinanganak kahapon. nakakaramdam ako. hindi ako bobo. alam kong pinaguusapan nila ako kapag nakatalikod ako at tinatago ako sa mga pangalan na akala nilang hindi ko alam. pinagtatawanan dahil nawiwirduhan sila sa akin dahil hindi ako nagdadala ng bag sa opisina. isa pa, hindi pwedeng tawaging inside joke ang isang biro kung nalaman ng taong tinutukoy niyo sa joke na yun ang tungkol doon dahil sa maliit lang ang opisina at napakalakas ng boses nila para isipin na sila lang ang nagkakaintindihan. kinukutya dahil hindi naman ako palaayos kapag pumapasok. kumakain ako magisa. maaga akong umuuwi. meron dung isa, brodkas ng brodkas ng kamalian ng iba. yung isa naman gatong ng gatong para lumaki yung isyu. yung iba, sawsaw ng sawsaw para kunwari kasama sa grupo. galing na ako diyan at alam ko na ang pasikot sikot na magiging kalabasan ng mga halang na bituka na iyan–tae. hindi naman porket hindi ko sila kaibigan, wala na akong kaibigan at hindi ako marunong makisama sa iba.

ayaw ko lang silang gantihan at pagsalitaan ng masama kasi 1)maliit ang mundo namin sa opisina 2)araw araw kami nagkikita 3)dumedepende ang trabaho namin sa isat isa. kasinungalingan yung magsasawa sila na pagusapan ka kasi ang totoo? magiingay lang sila hanggat di mo sila kinokompronta. tatanungin mo ako kung ano ang gagawin ko? bigay hilig, hahayaan ko lang na umikot yung mundo nila sa akin. hindi ko sila aawayin kasi mga katrabaho ko iyan, mga kaibigan ko iyan. hindi ko inaaway ang kaibigan ko.

pagsalitaan na nila ako ng masasama pero hindi sila makakarinig sa akin. taklesa akong tao pero alam ko kung kailan ako bubuntong hininga lang para tumahimik.

ganun yata talaga kapag akala mong dakila ka: magsasabi ka ng ganito, magsasabi ka ng ganyan. panginoon ka ng salita mo kasi ang dami mong alam. ang dami mong sinasabi. tama ka palagi. ang talino mo. alam mo kung ano yung nakakatawa? hindi naman talaga tungkol sa opisina ko yung pinaguusapan ko–kinakarma na ako doon sa mga dating ginawa kong kagaguhan sa internet. umiikot na itong lahat papunta sa akin. katulad din nila ako dati, kasama nila dati na tumatarantado sa iba kaya lang natutunan ko ng tanggalin sa sistema ko. kaibigan mo sila dati pero dahil wala ka na sa grupo, ikaw na tinatarantado.siguro kailangan ko na lang tanggapin ng maluwag na karapatdapat ako sa parusang ito.

sweldo na naman?

14 Comments »

hindi ko talaga alam kung ano ba talaga silbi ko dito sa opisina kung empleyado ba ako o financier. pare-pareho lang naman kaming sumusweldo sa kumpanya at sa katunayan, mas malaki pa nga ang sweldo na nakukuha ng mga indiong ito kesa sa akin pero bakit naman sa dami ng pwedeng utangan ako pa ang lalapitan?

maniwala ka, lahat na lang yata ng dahilan nadinig ko na–kesyo pambili ng gamit, ultimo sanitary napkin sa akin pa iaasa. pangmatrikula ng kapatid, pambayad ng amilyar ng lupa, pamasahe pauwi, panggatas ng anak. teka, may dede ka naman bakit hindi mo pasusuhin yung anak mo? panginom, pangbayad renta, panlibre sa syota. your emergency is not my emergency. huwag mo sa akin iasa ang kakulangan mo ng pagasa sa pera.

dati, maluwag ako sa pagpapaluwal ng pera. nakakaipon naman ako at wala naman akong masyadong pinagkakagastusan dahil kadalasan ako ang ginagastusan. kaya lang, isang araw naisip ko na panay palusot na lang yung isa kong kaopisina dahil hindi siya makapagbayad. isipin mo, iwan ba naman ng sadya yung atm niya para lang masabi na hindi niya maibabalik yung perang hiniram niya sa araw na iyon? sa kagustuhan kong makatulong, yung iba natututong umabuso. pautangin mo ng isang beses, sa susunod na linggo uutang na naman. aba, meron nga diyan kakasweldo pa lang uutangan na agad ako. gusto ko magtanong kung saan niya dinadala yung pera niya kaso kapag ginawa ko yun parang hindi naman matatapos yung diskusyon at ang malala, ikaw pa magmumukhang madamot.

isa pa, ayaw ko nung hindi tumutupad sa pangako. kapag sinabi mo sa ganitong araw mo ibibigay, aasahan ko na sa ganitong araw mo ibibigay. paano mo naman pauutangin ulit yung mga ganyang klase ng tao? may pangangailangan din ako na pinaglalaanan ko, hindi ba nila naiintindihan na ganun din ang kalagayan ko tulad nila? maswerte nga sila hindi ako nagpapatong ng interes o humihingi ng kahit ano pang kapalit. sana man lang yung tanawin nila yun bilang pakunswelo ko sa kanila. mabuti kung bente pesos lang yan, trenta, singkwenta pwede ko na kalimutan yan pero kung ang pinaguusapan dito limang libo, sampung libo, parang iba na yun.

nakakatawa pa nga kasi meron akong isang kaopisina na hindi ko naman talaga kinakausap kasi ang bigat ng pakiramdam ko sa kanya. nakakatakot siya kasi nakilala siya sa opisina dahil nangangain siya ng tao, rason kung bakit hindi ko siya pinapansin. magugulat na lang ako bigla akong nilapitan para lang umutang. gusto kong sabihin na ‘hindi tayo close, mam’ kaya lang gusto ko pa sanang manatili akong buhay dahil hindi pa ako nakakatikim ng luto ng diyos kaya wala na akong nagawa at pinautang ko na lang. kahit pa sa backpay o 13th month pay ko na lang matanggap, ayos lang. basta wag na muna niya ako kausapin.

minsan napipilitan na lang yung mga tao gumawa ng mga bagay para sa pera. kapit kung kapit sa patalim. hindi mo naman pwedeng turuan ang mga yan na maging responsable sa pera kasi baka sabihin naman na minamasama mo yung panghiram nila ng pera. hindi ko na alam minsan kung saan ako lulugar basta alam ko ayaw ko ng pakiramdam ng may utang. paano kaya sila nakakatulog sa gabi? paanong may mukha pa silang naihaharap sa mga taong pinagkakautangan nila? yung ipapambayad mo sa utang mo, inutang mo lang din.

kita mo, sweldo na naman. dadaan lang yung pera sa palad nila at bukas makalawa may lalapit na naman sa akin. walang katuapusan.

« Previous Entries