bigyan mo nga ng masaya yan
gusto kong isipin na ulilang lubos na ako. wala na akong magulang na magaasikaso sa akin.
mag-isa na lang ako ngayon dito sa bahay. kutson, laptop at ako na lang ang laman nitong apartment kasi nailipat na sa bagong bahay na rerentahan namin yung ibang gamit. pinoproblema ko nga kung ano yung susuotin ko mamaya papuntang opisina kasi wala na yung mga damit ko dito. isa pang problema ay yung hindi ko alam kung papaano pagkakasyahin yung mga kasangkapan namin–mas maliit kasi yung bagong apartment. pangatlong lipat ko na ng bahay. sa parehong lugar pero sa ibang kanto. lumilipat ako ng bahay na hindi ako nakikilala ng mga kapitbahay ko.
naaawa nga ako sa kapatid ko dahil siya yung nagaasikaso ng lahat. ako yung panganay, ako yung dapat na gumagawa pero baliktad pa ang nangyari. ayos lang daw sa kanya kasi bakasyon naman at wala naman siyang pinagkakaabalahan. ang totoo, siya pa nga itong naaawa sa akin kasi pumapasok ako sa trabaho at umuuwi lang ako para matulog at gumising para pumasok lang ulit sa trabaho. ulit ulit lang. nakalimutan ko na may edad na nga pala yung kapatid ko. mas malaking tao pa nga siya sa akin kung tutuusin. akala ko bata pa siya na kailangan antabayanan at lagyan ng tuwalya sa likod dahil sa pinapawisan siya sa kalalaro, hindi na pala. iniisip pa pala ako ng kapatid ko kasi natuwa siya nung makita niya na yung kwarto na paglalaanan niya sa akin ay pwede raw magphotoshoot. gusto ko siyang batukan tapos yakapin pagkatapos. kilala nga talaga niya ako. ang dami na kasing nagbago simula ng nagtrabaho na ako. madami na akong nakakalimutan. madami na akong nakakaligtaan. ano na nga ba yung tawag sa kulay ng buhok ng nanay ko? ano na nga ba yung sigarilyo na binibili ng tatay ko? ano na nga ba yung size ng paa ng kapatid ko? masyado akong naging abala sa wala naman talaga. tapos hindi na ako nakabawi. nawala na lang silang lahat ng hindi ko man lang sila napasaya.
may ibang pamilya na yung tatay ko. 24 na taon akong hindi naman talaga nagpapasko at nagbabaging taon na kasama siya. yung nanay ko naman, may sakit tapos hindi siya pumabor sa paglipat namin ng bagong bahay kaya nandon muna siya sa tiyahin ko. ewan ko ba. palagi kong sinasabi na gusto kong magisa pero ngayon na magisa na ako parang nalungkot naman ako. hindi ko rin maintindihan. handa na akong mabuhay ng magisa pero ibang usapan naman yata yung iwanan ka ng mismong pamilya mo.
ayoko pa naman ng naglalaba. tambak na yung labahin dito sa kwarto ko. nanay ko ang naglalaba ng mga damit ko. isipin niyo na kung ano ang gusto niyong isipin, bahala kayo. alam ko pwede naman na ako na yung maglaba, ewan ko ba kung bakit ayaw nila na gumagawa ako dito sa bahay. siguro kasi alam nila na pagod ako galing ng trabaho o kaya naman kilala lang talaga nila ako bilang tamad. ayun pa ang isa, nagugutom na ako. hindi ko nga rin natutunan kung papaano ang magluto. parang border ako sa sarili kong bahay. prinsesa daw ba ako kasi parang matutunaw yung kamay ko kapag hinawakan dahil sa sobrang lambot. hindi ko alam kung matutuwa ako o malulungkot dahil wala akong alam sa bahay at wala rin akong alam sa buhay.
paano ko kakayanin ang magisa? mamatay akong mangmang. ang lakas ng loob ko na bumukod samantalang wala naman akong alam. hindi pala lahat nadadaan sa pera. hindi pala totoong nabibili ng pera ang kaligyahan. kung pwede nga lang bumili ng kasama na hindi ako iiwan, baka nga ginawa ko na. hindi ko nga alam kung bakit hindi pa ako sumusuko sa buhay kong ito.
ang milagro ng pagkuha ng credit card
ginawa ko ang entry na ito sa kagustuhan ko na maging inspirasyon sa mga tao na nangangarap na magkaron ng credit card.
ako lang ba o ang yabang pakinggan nung kasasabi ko lang?
hindi ko naman talaga gusto magkaron ng credit card. sa katunayan, may nalalaman pa nga akong pasumpa-sumpa noon at sinabi ko na kaya ko mabuhay ng wala niyan.
daig ko pa yung pinakakuripot na ilokanong kilala mo sa sobrang sarado ng palad sa pagtitipid ng pera. hanggat maaari ayokong gumastos. kung pwede pa gamitin, pagtyatyagaan. kung pwedeng lakarin, susubukan. kung kakayaning magutom, pagbibigyan. kaso simula nung naospital ako, hindi na ako nagpagutom at naging galante na ako pagdating sa pagkain kaya naman medyo nadagdagan yung timbang ko. mabalik tayo sa usapang credit card–dahil sa bobo pa ako noon pagdating sa pera tinatago ko lang yung pera ko sa ilalim ng unan ko. kung hindi naman sa secret pocket ng bag ko o kung hindi naman sa loob ng vase. kontento naman ako sa ginagawa ko kaya lang nung nagsimula na akong magtrabaho, hindi na kasya yung sinusweldo ko sa vase na pinaglalagyan ko. kailangan ko ng ligtas na mapagtataguan ng pera kasi ang lakas makapangupit ng mga tao dito sa bahay kala mo piso lang yung kunukuha nila mula sa alkansya. naisip ko na magbukas ng savings account kaya lang akala ko ganap na yung pagkatao ko kasi meron akong debit card. may kasama kasing atm card kapag nagbubukas ka ng savings account diba? sabi ko yesssss, tangina tao na ako! kaso nagkamali ako. nalaman ko na hindi naman pala tumatanggap yung mga online stores ng debit card. muntanga lang ako kasi hindi ko maintindihan kung bakit pa naimbento ang debit card kung hindi mo rin naman pala siya magagamit sa mga panahon na gusto mong magmukhang mayaman.
sige, ok lang. nagtimpi muna ako kasi sabi ko paninindigan ko talaga yung sinabi ko na ayaw ko magcredit card. hanggang sa isang araw, nangailangan ako magbook ng ticket. ano pa nga ba? credit card ang kailangan. ako yung tipo ng tao na ayaw humingi ng tulong. masyadong mabigat yung timbang ng bayag ko para magpatulong sa iba. kinapalan ko na lang talaga yung mukha ko at nanghiram ng card. nakipagusap ako doon sa kaibigan ko sa opisina. sabi ko kung pwede bayaran ko siya pagkabook niya ng flights. hindi ako manggagantso, ok? money down oras na ibook niya yung inaabangan kong flight. kaya lang masyadong kupal yung kaopisina ko. hindi niya ako pinagamit ng card niya. isipin mo yun? tangina. magkaibigan kami at kilala niya kung gaano ako kaistrikto sa pera. ayoko yung nagmamakaawa ako pero ginawa ko pa rin kasi ganun kahalaga yung flight na inaabangan ko. hindi tumalab. sa palagay ko tatalab yun, kaya lang masyadong kupal lang yung kaopisina ko na yon. ano pa nga ba? edi friendship over. gago pala siya e. simula noon, sabi ko ko na hindi ko na ibababa ang pagkatao ko para lang sa credit card.
mahirap kumuha ng credit card sa klase ng trabaho na meron ako. hindi katulad ng pilipinas ang america na bigay lang ng bigay ng credit card. sa mga hindi nakakaalam, nagtratrabaho ako bilang account manager sa isang financial institution. tunog mataas yung posisyon pero maniwala ka, empleyado lang din ako. ang punto ko lang kasi, alam ko kung paano ang kalakaran sa credit card. alam ko na qualified ako sa lahat ng requirement pero masyado lang talagang bulag yung mga bangko pagdating sa kredibilidad na meron sa propesyon ko. isipin mo, 5beses ako nagapply ng credit card pero ni isa ay hindi man lang ako natanggap. ang kapal nga ng mukha ng bangko na ito kasi kahit sa kanila ako nagbukas ng savings account, hindi pa rin nila ako binigyan ng credit card. malamang dahil nga sa trabaho na meron ako. kalokohan talaga.
rejected na nga ako sa pagibig pati ba naman sa putanginang credit card na yan?
kaya kayo diyan na mga walang credit card, ang gawin ninyo para makakuha kayo ay ang magapply muna ng secured credit card. hindi ko maipapaliwanag ito ng maayos at detalyado pero hayaan niyong bigyan ko kayo ng ideya. ang konsepto kasi nito ay yung magbubukas ka ng account at lalagyan mo ng pera na magsisilbing credit limit mo. parang prepaid credit card. ang kagandahan nito, kapag ipapaputol mo na yung linya ng credit card ay makukuha mo pa rin yung pera na nasa account na binuksan mo. matalino naman kayo. maiintindihan niyo yun. walang diskriminasyon sa credit card na ito–kahit wala kang trabaho, ayos lang. basta may kakayanan ka na bayaran yung bill mo, bibigyan ka nila.
sobrang saya ko lang talaga nung malaman ko na dumating na yung card. isang linggo lang meron na. sana matagal ko na pala ginawa yon. kaya lang siyempre kung may ligaya, may lungkot din at yun ay nung magbabayad na ako ng bill ko. napunta yung kalahati ng sweldo ko bill ng credit card. hindi nakakatuwa yon. masyadong maaga para madala ako sa pagkakaron ng credit card kaya minabuti ko na gamitin lang yun kapag kailangan. yung tipong nagugutom ako tapos gusto ko magpadeliver ng pizza. mga ganung bagay.
paikutin niyo lang ng paikutin yung pera. mas maigi na gamitin mo yung pera ng iba, hindi ba? hanggang sa magkaron ka ng magandang credit card history at kapag nakita iyon ng mga bangko, hindi na sila magdadalawang isip pa na bigyan ka ng card at pwede mo na kunin yung pinambayad mo doon sa secured credit card mo.
pakiramdam ko, bigla akong nagkaroon ng pinagkatandaan. ang bigat ng responsibilidad na meron kapag may credit card ka. ginusto ko naman ito kaya walang pakealamanan.
yung humingi ka ng hotdog at hindi tender juicy ang ibinigay
ewan ko kung ako lang ito pero ilan ba sa inyo ang nakaranas na ang madinig yung mga magulang niyo na magpataasan ng boses habang nagtatalo sa kung ano ang dahilan at kung sino ang dapat sisihin sa kung bakit nagkasiraan ang pamilya niyo?
pambihira lang talaga kasi pagkatapos mong marindi sa walang kwentang away, biglang itutuon sa direksyon mo ang atensiyon para pagbuntunan ka ng galit. kapag hindi sila nakuntento na sigaw-sigawan ka, magkakasundo na lang sila na palayasin ka sa bahay na ikaw naman ang nagbabayad ng buwanang renta.
walang hiyang buhay naman ito, oh. hindi ko kailangan ng ganitong klaseng drama sa bisperas ng kaarawan ko. dinaig pa nga ng buhay ko ang lahat ng magasin sa dami ng isyu. ang malas lang kasi tuloy tuloy pa rin ang takbo ng buhay. saka na ako maghahanap ng maliit na kwarto na matutuluyan dahil sa ngayon, kailangan ko itagay ito.
magpapainom ako.







