magkaroon lang ng update

matagal ko ring hinintay yung tamang pagkakataon kung kailan ako maglalabas ulit ng blog entry. hindi naman dahil sa abala ako sa mga pinagdadaanan ko sa buhay dahil kung tutuusin, lahat naman tayo may pinaglalabang mga problema–depende nga lang yun kung blogger ka at kung gaano ka kasipag isulat iyon para maging published post.

isa pa, ayaw ko lang din naman bumalik sa pagsusulat kung mabigat lang din yung loob ko kasi alam ko sa sarili ko na hindi lang magiging maganda yung mga sasabihin ko. mabuti na itong medyo nakapahinga ako ng konti para makapagmunimuni naman ako soa buhay.

bilang masyado kang cool para simplehang pindutin yung like button sa facebook page ko, hayaan mong balitaan na lang kita ng mga kaganapan sa buhay kong ito–yun ay kung interesado ka lang naman.

-nagaalinlangan ako kung kailangan ko pa manatili sa kasalukuyan kong trabaho. minsan kasi parang nagbubulagbulugan na lang ako na ayos lang lahat dito opisina. pakiramdam ko, bukod sa pagkakaibigan na meron ako sa opisina, yung dahilan na lang para hindi ko iwan yung ginagawa ko ay yung rason na tinatamad ako maghanap ng bagong trabaho. alam mo yun? ayoko yung babalik ulit sa simula. kung tutuusin, hindi ka nga sa babalik sa simula, kundi babalik ka sa wala. nganga. tumaas nga pala yung posisyon ko, promoted na ako. yun lang, hindi kasabay ng pagiiba ng titulo ko yung sweldo ko. ayun, ganun pa rin. yung binabayad sa akin kulang doon sa bigat at dami ng trabaho na pinapagawa. hindi kasi ako yung tao na mahilig magkawang-gawa na tipong ayos lang sa akin na kaligayahan lang yung napapala ko. aba, may pangangailangan din ako saka yung pamilya ko. may bituka kami na kailangan palamunin. ewan ko. hindi naman ako ingrata. oo, mabuti nga ako may trabaho samantalang yung iba wala. salamat. marunong naman ako magpasalamat dahil may trabaho ako pero kaya lang, napakarami kong ginagawa na alam kong hindi na ako magiging masaya kapag pinilit ko pa.

-nakulong nga pala yung tatay ko. mana mana na lang siguro yan. paano, yung huling nabalitaan ko dinemanda daw siya ng estafa. alam ko na ngayon kung kanino nagmana yung ate ko. ito yung mga pagkakataon na gusto ko na talagang sumuko dahil parang tinodo na ng diyos lahat ng pwedeng pagsubok na ibigay. all in. all out. hindi ko napaghandaan na akuin yung responsibilidad ng pagiging padre de pamilya. hindi ko alam kung paano ko kakayanin. wala akong mapaghingahan ng problema ko dahil masyadong mabaho.

-ganun pala yung pakiramdam na makatikim ng luto ng diyos. pwede na akong mamatay.

-kung hindi mo pa alam, dalawa ang blog ko. matagal na at huli ka na sa balita. yung http://anti.chiksilog.com ay isang feature blog kung saan sinusubukan ng lahat ng makakaya ng sarili ko na maglahad sa wikang ingles dahil na rin sa kagustuhan kong maintindihan ako ng pekeng intsik gawa ng hindi na nga epektibo yung manikluhod ako sa harapan niya para mamalimos ng pagmamahal. dadaanin ko na lang sa kung saan ako tunay na magaling at iyon ay ang kunin ang kalooban niya sa pamamagitan ng pagsusulat ng tungkol sa buhay ko–sa kung gaano katindi ang dating awesomeness ko.

-katulad ng naipangako ko, mamimigay talaga ako ng CHKSLG SHIRT oras na maging 500 yung likes ng facebook page ko. gustong gusto ko na talaga ulit mamigay. hindi ko na nga alam kung ilan pang blogista ang kailangan kong plastikin at bolabolahin ang ulo para matapos yung natitirang 97 likes. oo nga pala, total medyo galante naman ako at alam kong karamihan sa inyo ay mga astang pasosyal kuno, hayaan ninyo na samahan ko ang CHKSLG shirt ng 5 pirasong 100php worth gift certificate galing Starbucks. depende sa pangangailangan. kung gusto nung nanalo na halagang 1000php galing sa SM department store yan o puregold, walang problema dahil gagawan natin ng paraan. kahit pa sa avon yan o sundance, keri lang.

mahaba at madami pa ang kwento ko. abangan niyo yung iba kasi aminin na natin, wala ng ibang nagsusulat ng ganito sa blogosphere kundi ako lang. ang mature ko diba? thanks.




bakit kasi hindi mo papasukin sa loob?

ang hirap talagang maging anak sa labas. isipin mo, gaano ba karami sa nagbabasa ng blog ko ang anak sa labas na makakapagsabi sa akin na ayos lang kami?

higit isang buwan ko din pinagisipan kung kailangan ko bang balikan yung buong 24 na taon ng buhay ko. pinipilit kong alalahanin yung kung paano ako nakarating sa araw na ito, kaya lang puros masasakit na alaala lang yung namumukod tangi kong matandaan. tinigil ko na lang kasi baka mabaliw ako.

minsan iniisip ko kung nagplano ba ang nanay ko na ipalaglag ako nung mga panahon na nalaman niya na meron siyang anak sa lalakeng may asawa na? sana nga hindi na lang niya ako pinanindigan na buhayin baka kasi mas naging maayos pa ang buhay ng nanay ko kapag nagkataon. tanggap pa siguro siya ng mga kapatid niya. nakakilala pa siguro siya ng taong magmamahal sa kanya. nakapagtapos siya ng kolehiyo at nakapagtrabaho siya sa magandang kumpanya. nakakapagdiwang siya ng kaarawan, bagong taon, pasko at mga araw na walang pasok na buo ang pamilya niya. para kasing ipinagkait ko yun sa nanay ko nung oras na naipanganak niya ako. alikabok pa lang ako, alam mo na napakasama kong tao.

bata pa lang ako alam ko na anak ako sa labas at may ibang pamilya yung tatay ko. ipinaliwanag sa akin ng nanay ko kung bakit hindi ko kasama yung tatay ko sa gabi para basahan ako ng maikling kwento ng gaya ng mga mag-ama na nakikita mo sa mga pelikula. hindi nagkulang yung nanay ko sa pagpapaintindi sa akin ng mga maliliit na bagay sa kung bakit wala kaming family picture. sa kung bakit kaming dalawa lang ang nasa bahay. sa kung bakit puros laruan lang ang nakikita ko sa kwarto at hindi yung tatay ko ang sumasalubong sa akin sa tuwing umuuwi ako galing sa eskwela. sa kung bakit pumupunta si papa sa bahay hindi para umuwi kundi para lang magbigay ng pangsustento para sa linggo.

apat na taon na akong nagsusulat pero ngayon ko lang talaga napagdesisyunan na sabihin ito. walang nakakaalam sa mga kabigan ko at lalo na sa mga malalapit na tao sa buhay ko. hindi ko pa rin kasi alam ang isasagot ko sa kanila kapag naitanong nila kung nasaan ang tatay ko samantalang hindi pa naman siya patay. hindi naman sa natatakot ako na malaman nila na bastarda ako kaya hindi ko sinasabi yung totoo. siguro kasi, hindi ko naman nakikitang mahalaga yung ganung klaseng katotohanan para sa kanila. oo, magbabago yung pagtingin nila sa akin pero hindi naman na mahalaga iyon kasi ako mismo sa sarili ko iba ang tingin ko sa akin. minsan may mga pagkakataon na pakiramdam ko hindi ganap yung pagkatao ko, na tipong may kulang sa sarili ko. hanggap sa naisip ko na magrebelde. pero bakit ako magrerebelde para makakuha ng atensyon at para mapatunayan sa lahat na tama sila sa ideya nila na wala akong patutunguhan at wala akong kwentang tao? para saan ba na sisirain ko ang buhay ko kung pwede ko naman ipakita sa lahat na kaya kong maging maayos at matino? pinagigihan ko. wala na nga akong sa balikong landas pero may napala nga ba ako sa pagiging matuwid? talunan pa rin ako. habang buhay ko na yata kailangan galingan sa buhay para lang mapagtakpan ko yung pagiging anak ko sa labas. balewala na ako ang pinakamagaling, pinakamatalino pinakamaganda dahil hindi uuwi ang tatay ko sa amin para piliin niya kami bilang pamilya niya.

ito lang naman talaga kasi ang paliwanag sa napakaraming bagay–sa kung bakit naging ganitong klase akong tao ngayon. sa kung bakit hindi ako mahusay makitungo sa mga lalake. sa kung bakit wala pa rin akong syota, sa kung bakit hindi ako mabuting tao. sa kung bakit pakiramdam ko parati na lang na may kailangan akong patunayan. wala kasi talaga akong tatay na matatawag. merong sumusuporta sa pinansyal na pangangailangan ko, pero wala talaga akong masasabi na tinulungan ako para maging buo yung pagkatao ko.

alam mo kung ano yung makapagbibigay solusyon sa lahat ng ito? yung malaman kung paano mawawala yung mga pinagdadaanang pighati na naranasan ng nanay ko.

matalino akong tao pero hindi ko alam kung paano ko masasagot ito.




magkano na ba ang dolyar?

pagkatapos ng mahigit sa dalawang taon na nagtrabaho ako dito sa kumpanya namin, sa wakas! naging number 1 din ako.

sa mga hindi nakakaalam, nagtratrabaho ako bilang account manager sa isang financial institution. alam ko, malayong malayo ang trabaho ko sa kursong nursing na tinapos ko noong kolehiyo pero kinailangan ko magtyaga. alam naman nating lahat na ang oportunidad ng mga nurse ay nasa ibang bansa at wala sa pilipinas. napakalaking isyu niyan dahil kailangan mo muna kumuha ng karanasan dito sa pilipinas bago ka lumipad sa ibang bansa. paano ka nga naman pa papasok sa trabaho dito pinas bilang nurse kung wala naman may balak tumanggap at magpasahod ng tama? ang nangyayari pa nga ay ikaw pa ang dapat magbayad para makapasok. katarantaduhan.

nung una, 6 na buwan lang talaga dapat ako dito sa trabaho ko. balak ko kasi mag ipon lang para may pangtustos ako oras na maisipan ko na kumuha ng masters degree. ayun nga, hanggang sa nakuha ko na kung paano yung teknik dito sa opisina. naging magaling ako sa bagay na hindi ko naman pinagaralan talaga. pwede pala yon, ano? siguro, magaling lang talaga yung HR na kumuha sa akin dahil sa tamang lugar niya iniligay ang profile ko.

sa una lang pala talaga mahirap ang lahat pero oras na nagkaroon ka ng kusa na matuto, magiging maayos rin ang takbo dahil sa makakasanayan mo na. madaming beses na akong kinakantyaw ng dapat na bagong boss ko–tanggapin ko na raw yung offer ng promotion at lumipat na raw ako sa department niya. sabi ko hindi pa ako handa. ngayon ko pa lang talagang natututunan mahalin ang trabaho ko. ayaw ko muna na kunin niya sa akin yung kaligayahan na yon. alam ko mas malaki ang matatanggap kong incentives sa bagong department, kaya lang hindi pa talaga ako handa. kontento na ako muna sa ngayon sa bonus na natatanggap ko sa pagiging top employee. kontento na rin ako ngayon sa respeto na nakukuha ko sa mga katrabaho ko kasi alam nila na magaling ako. yung mga hindi ko naman talaga kinakausap, binabati ako. yung mga nakakasalubong ko lang sa pantry noon, nginingitian na ako. masarap sa pakiramdam yung minsan maranasan ko na importante pala ako. ganap ang kasiyahan ko kasi alam ko na naghirap ako at wala akong tinapakan na tao para marating ko ang pagiging number 1 sa opisina.

oo, malaki ang sweldo ko dito sa trabaho ko at hindi ko itinatanggi iyon. sobrang laki nga kahit nagpapalamig lang ako sa opisina. bakit ko ipagpapalit yung ganitong kakumportableng buhay? wala muna akong balak magtrabaho sa ibang bansa kagaya ng mga kaklase ko nung college na ngayon ay puros nakabalabal ang mga mukha sa litrato na nakabalandra sa facebook dahil nga sa nurse sila sa saudi at kung saan pa mang maladisyertong kaharian na meron ang mundo. mas gugustuhin ko pa na pumunta sa ibang bansa para bumyahe kesa magtrabaho. bakit ako maiinggit sa kanilang napalayo sa mga mahal sa buhay at nakikipagsapalaran para mabuhay sa bansang hindi mo naman kilala? edi kayo na.




« Previous Entries   Next Entries »