wala naman talagang kinalaman itong bidyong ginawa ko sa babasahin mo
maiba lang naman ang ihip ng hangin dito sa datkom ko.
isa sa mga dahilan kung bakit ako naging punong abala noon ay dahil sa nahikayat ako ng kaibigan kong direktor na tahakin ang isa pang landas para mahasa ang iba pang talentong meron ako. nakumbinsi niya akong gumawa at bumida sa dalawang pelikula–indie film, para naman medyo sopistikado pakinggan. kung hindi niyo pa nababalitaan, nagkalat sa internet ang dalawang indie film kung saan ako lumabas pero siyempre hindi ko sasabihin kung ano yung mga pamagat ng nasabing obra dahil malaki ang posibilidad na kutyain niyo ako oras makita niyo kung gaano ako kabanban makipaglaro sa lente ng kamera.
mapangahas ang modernong kabataan at kahit mahirap gumawa ng ganitong klase ng timpla ng mga pelikulang lumilihis sa nakagawiang kamalayan ng lipunan dahil bukod sa ako ang nagdala ng sarili kong damit at ako na rin ang nagayos sa sarili kong maganda, wala kaming pera at kakaunti lang kaming nagtulungan sa proyektong ito. abilidad lang ang puhunan. wala kasing nakuhang sponsor yung kaibigan kong direktor at sariling pera niya yung ginamit niya para dito kaya limitado lang ang nagawa namin. kahit ganito, naging inspirasyon namin iyan at pinaganda namin ang kalidad ng pelikula sa makakaya ng paraan na maaabot namin. hindi rin naman mawawala sa isip ko na siguro kung may magpopondo sa amin baka nagamit namin iyon para mas lalong mapaganda yung ginawa naming proyekto. dapat kasi pinagtutuunan ng pansin ng gobyerno ang ganitong klaseng sining, bigyan ng karampatang alokasyon sa budget para sa ikauunlad ng makabagong kultura natin.
kakaiba pala yung pakiramdam na umarte kasama yung totoong artista. parang nakakahiya naman kung magkakamali kaming mga birhen pa sa tanghalan. pekeng artista kasi ako pero kaya lang aaminin ko na kahit huwad akong aktres ay masasabi ko naman na one take actor ako. ganito ako kayabang.
maarte talaga ako dati pa at ito ang paborito kong gawin–ang magpapansin. sa palagay ko nga baka hindi mo namalayan na vlogteaser3 ang dapat na nilagay mo sa textbox para mapanood mo yung bidyo sa itaas. naalala ko dati pinayuhan ako ng amo ko sa trabaho na baka pagod na ako kaya dapat kong balikang gawin ang mga bagay na nakakapagpasaya sa akin, na gusto kong ginagawa. parang siya daw, manunulat daw siya nung kolehiyo at balak rin niyang gumawa ng pelikula dahil napupundi na rin siya sa ginagawa niya sa opisina. sabi ko kunin niya akong artista kasi mabilis ako umiyak. naisip ko, baka akala niya pinaglalaruan ko lang siya at umaarte lang ako sa harap niya para lang payagan niya akong umalis sa trabaho. naiyak kasi ako sa harap ng amo ko habang sinagot ko siya ng hindi na ako masaya sa tanong niya na bakit ka mageresign? kapag emosyonal ka, hindi maiwasan na mababaw ang luha mo at madali kang tutuluan ng sipon.
ito yung tinatawag ng maraming hitting 2 birds with 1 stone. dalawang pangarap ang natupad dahil bukod sa nangyari ang pangarap kong umarte sa pelikula ng may mga kahalikang lalake habang nakikipaglampungan sa kama, nakatulong din ako sa pagtamo ng pangarap ng kaibigan kong direktor na gawin ang pelikula niya. ang totoo, tinanggap ko ang mga iyon kahit walang kapalit. yung tipong kawang gawa, ang bait ko talaga. kaya kung sino man diyan ang gusto akong kuning artista, pameryenda lang ayos na ako.
oh eh kayo na bahala maghanap kung sino yung direktor ko at kung ano yung pelikula at onga pala, kaya kailangan ng password nung bidyo sa itaas kasi nakita na don yung mukha kong pinagkatago tago ko ng 3 taon.
teka magkalinawan nga tayo–itong bidyong ito ay hindi ang trailer ng pelikulang ginampanan ko.
aeroglider
hindi talaga dapat nagdadala ng video camera kapag biglang nagkaroon ng yayaan sa isang social networking site para maginuman kasama ang mga kapwa bloggers.
bitin diba? hindi ko pa talaga maisip kung ano ang pwedeng maging karugtong nitong minifilm na ito. salamat kina kirk at gugol, sana magkakaibigan pa rin tayo pagkatapos nito. sana makagawa tayo ng karugtong para dito.
happy chiksilog day
akalain mo yun? isang taon na tayong naglolokohan, nagbobolahan at nagplaplastikan dito sa chiksilog.
hayaan ninyo na ipabatid ko sa lahat ng patuloy na tumatangkilik sa blog na ito ang aking taos pusong pasasalamat sa pamamagitan ng paggawa ng kakaiba–kapag sinabi kong kakaiba, ang ibig kong sabihin dito ay isang tumataginting na video blog.
kinikilabutan ako. eew.
maligayang unang anibersaryo sa ating lahat. kampay para sa mas madami pang taon, kaaway, kaibigan, pera at pagmamahal na darating.







