Friday

Namamangha talaga ako sa mga vendo machine.

Napakainosente ng mga vendo machine. obligado sila na maging mga piping saksi dahil wala silang kamuwang muwang sa mga nagaganap sa kanilang paligid.

Sabi ko sa sarili ko kapag yumaman ako, gusto ko may sarili akong vendo machine at photo booth sa bahay. Ano naman kung magmukhang pantry ang bahay ko? kung makapanghusga ang mga ito, huwag kayong makapunta punta sa bahay ko—hindi ko kayo iimbitahin. Masyado kayong maselan at malinis, hindi kayo bagay na maging kaibigan ko.

ang tikas pa kasi kapag nagutom yung mga bisita ko, ituturo ko na lang yung vendo machine. bahala na sila pagsilbihan ang mga dakila nilang mga sarili–napagkakitaan ko pa yung mga useless friends ko. hitting two mother fucking birds in one mother fucking stone.

kung may tv room, ako gusto ko may vendo machine room ako. bakit ba? kahit mawalan na ako ng banyo basta may vendo room ako, hindi maghahalo ang balat sa tinalupan.

siyempre bilang diyosa meron at merong mga dukhang mangagagawa ang handang magalay at magsakripisyo ng paglilingkod nila para sa akin. Nasanay ako na may nagsisilbi sa akin pero dahil napagpasyahan ko na magpaalipin sa gerbis wala ng maaaring maglingkod para sa akin. Walang mas bababa pa sa katayuan ng alipin, pwera na lang kung makumbinsi mo ako na mikrobyo mong maituturing ang sarili mo. pwes ako pa ang magpupumilit sa iyo na mangamuhan ka sa akin.

Dati kasi, sanitary napkin lang binibili ko sa vendo mechine. Ngayon, mataray na ako—chocolate na halagang sampung piso na. topilaks. binibili ko rin yung ube macapuno na blu iskays ata yun? basta yun. Naaliw pa ako kasi may canton sa vendo machine. Sabi ko sa sarili ko: bakit may canton? Paano kakainin yun? May bumibili ba nun? Bakit ko kinakausap sarili ko? yes.

Atin atin lang ito. tayo tayo lang naman ang nandito kaya sasabihin ko na hindi ako marunong kung paano bumili sa vendo machine.

shut up mofos.

Hindi naman sa ayaw ko matutunan kung paano gamitin ang vendo ng hindi kami parehong nagkakapisikalan–may takot lang talaga ako na baka pumalpak ako sa paggamit ng vendo machine at higupin nito ang dalisay kong kaluluwa. Hanggat maaari, iniiwasan ko ang kahit anong uri at klase ng machine na pwede pumasok sa kapiranggot mong kokote.

ang pinakamainam na ginawa ko? Pasimpleng magobserba. kala nga ng mga tao na bumibili sa vendo machine patay gutom ako na nagaabang ng mga tira tirang barya na malalaglag dispenser. tanginang yan. may foods kaya kami sa bahay, duh? Hindi kasi ako teknikal na tao. Kahinaan ko ang magmanipula ng mga makina. kahit yung sa mga ticket dispensing booths sa mrt? mas gugustuhin ko na lang pumila ng pagkahaba haba sa counter kesa makipagsapalaran pa ako. tapos yung sa atm? eto talaga yung pinakamalala dahil hindi na ako mukhang pulubi kundi mukha na akong kasabwat ng isang malaking sindikato na nagaambang na dukutan ang bawat magwiwidro ng pera.

gusto ko patunayan na mayaman ako kaya 100peso bill ang ipinipilit kong kong isaksak sa vendo. di pala pwede yun. baka naman pwede pero tanga lang ako? kung ganun kalimutan niyo na lang na mayroong xienahgirl. ang mga dukhang maralita na may tigbente at singkwenta pesos lang ang maaari nilang pagsilbihan. yuck.

may melamine nga ba yung cream sa coffee vendo machine? kaya lang naman ako natuto uminom ng kape ay dahil sa libreng inirarasyon ito sa gerbis. tanginang yan times, two.

Ayaw ko magmarunong. sino ba naman gusto mapahiya sa simpleng paggamit ng vendo, diba? Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag nangyari na mapahiya na naman ako. Dadalhin ko hanggang kamatayan ang kahihiyang iyon.

matagumpay akong nakakain ng meryenda. sabi ko nga, kakanin na lang ang dapat na binili ko saka kendi na dos tatlong piraso. ayos naman at nabusog ako sa libreng sabaw kasabay ng mga kasamahan kong mga bihag ng gerbis. masarap yung egg soup. alam niyo naman ako–basta maalat, masarap para sa akin. nasabi ko rin ba na masarap rin lahat ng libre? parang ang saya saya kaya nun kung yung egg soup nakalagay sa vendo.

henyo.

tapos ang galing pa parang astig lang na may kasamang wow kasi laging may laman ang vendo diba? parang di nauubusan. may nakita na ba kayong vendo na walang laman? ok. ako lang pala ang may problema at hindi pa nakakakita ng vendo na simot. gusto ko nga minsan bantayan yung vendo–para kasing magic. bigay lang siya ng bigay.

teka. magkano nga ba ang isang vendo machine? ang angas kasi. makabili na nga ng maitapon na ang refrigerator namin.

Monday

person: nagkaboyfriend ka na ba?

xienahgirl: hindi pa.

person: as in ever?

xienahgirl: oo.

person: so, single ka ngayon?

xienahgirl: hindi.

person: paanong nangyari iyon kung wala kang boyfriend pero hindi ka single?

xienahgirl: im taken, taken for granted.

Thursday

Ito yung mga pagkakataon na gugustuhin niyo na lang umiyak kaysa sa magalit dahil wala na kayong lakas para maghuramentado—nakakatamad.

Natutuwa akong makita ang reaksiyon ng mga taong nagtatanong dahil interesado silang malaman kung ano ang mga naging karanasan ko pagdating sa pagtatrabaho. Oras na pumanting sa kanilang mga tenga ang pangangamuhan ko sa gerbis, hindi nila maiwasan na mapabilib. bukod pa riyan, nagugulat din sila sa ideya na sa napakabatang edad kong ito, ang tapang ko dahil sa ganitong klase ng trabaho ako napadpad.

Wow.

Hindi ako perpekto at mapapatunayan ko iyan sa pamamagitan ng mga pagkakamali ko sa gerbis. Nakakaramdam ako ngayon ng pagkadismaya. Alam ko sa sarili ko na magaling ako. gustong gusto ko yung sinusubukan ang galing at tatag ng pagkatao ko pero sa trabahong ito? mukhang marami pa talaga akong kakaining bigas at iinuming libreng kape—drink number 7 mula sa vendo machine.

Hindi naman sa pagmamalaki ng bayag pero masasabi ko na mas may brilyo ako ng kaunti kaysa sa mga naging kasabayan ko. Magagaling kami pero meron talagang lalabas na mas magaling at isa ako sa kanila. konting galing lang naman ang agwat ko. Hayaan niyo na ako magyabang ng maiangat ko naman ang aking moral sa sarili kong paraan. Kahit ngayon lang, please?

Hindi ko maipaliwanag kung bakit nangangati ang kanang kamay ko habang tumitipa sa keyboard. Magkakapera nga ba ako o sadyang nalimutan ko lang maghugas ng kamay?

Mabalik tayo sa aking pangungumpisal sa inyo pagdating sa aking bagong tuklas na kahinaan. hindi naman ako ungas na maituturing na walang silbi sa gerbis—hindi ganun at hindi magiging ganun kahit kailan. Ang akin lang, ako kasi yung tao na alam ko na magaling ako. tama ka. nasabi ko na yan kanina pa, inulit ko lang. hindi kasi ako marunong humingi ng tulong. Pakiramdam ko inutil ako. nasanay kasi ako na marunong ako sa mga bagay bagay, pero pagdating dito sa trabaho ko sa gerbis? para akong bagong hango na isda mula sa dagat na itinapon sa banyera na puno ng yelo ng walang awang mangingisda. nakakaabala para sa iba ko pang kasamang mga isda ang sapilitang pagkislot ko. Hindi nakakatulong.

Alam niyo yung kantang booty music ng the deep side? Naaliw ako. kulang na lang mapaos o di kaya naman ay sumabog yung vocal chords ng mga bokalista na yan. napapaindak talaga ako kapag naririnig ko iyang tugtog na iyan. sige, ganito. humanda at magabang na kayo dahil malapit niyo na akong makita na sumasayaw sa saliw ng kantang iyan.

Pangalawang off topic na ba iyon?

Bayanihan ang tema ng gerbis. Hindi niyo lang alam kung gaano ako kasaya ng malaman ko na may mga taong ipinanganak na may mahabang pisi ng pasensiya para turuan ako sa kung ano ang tama na dapat kong gawin. Walang masama sa paghingi ng tulong, kaya lang–hindi kasi ako iyon. Hindi ako marunong humingi ng tulong. Kaya siguro ako nadidismaya dahil naninibago ako sa konsepto na ako yung nagbibigay ng saklolo. Hindi ako ang bida—sa ngayon. Huwag niyong isipin na impyerno ang gerbis dahil ang totoo, mababait ang mga tao doon—ako lang talaga ang may problema at kailangan ko magayos ayos ng buhay.

ako ay inosenteng biktima ng kamangmangan. may tamang lugar para magkamali at hindi gerbis ang isa sa mga lugar na iyon. ako? nagawa kong baguhin iyon dahil sa dami ng beses ko ng nakagawa ng pagkakamali pero katumbas nito ang ilang bagong tuklas na kaalaman na hindi ko matutunan sa ordinaryong silid aralan.

blog ang solusyon sa pagod ko at mapapansin niyo na sobrang napapagod na ako sa ginagawa ko sa dalas ko maglabas ng lathala sa datkom. Bongga. Hindi na masama ang tatlong beses sa isang linggo. Kung kelan walang internet sa bahay at napakasobrang ubod ng abala ko sa buhay, doon ko naman nakuhang asikasuhin itong kalokohan na ito. Oo, pangatlong off topic na iyon.

Kung sino ang xienahgirl na nakilala niyo sa internet, ganun din siya sa totoong buhay. Walang pinagkaiba. Ipinapakita ko kung ano ang nadarama ko. Umiyak ako sa harapan ng amo ko. Huwag niyong isipin na masama ang ugali ng amo ko dahil sa katunayan sobrang bait niya. Hula ko nga mapupunta siya sa heaven tapos makikita niya si father god—ngayon din, ora mismo. Huwag na kayong magano ano diyan para ipaalam sa akin na nakakahiya ang ginawa ko dahil alam ko na yun bago pa ako humingi ng permiso mula sa amo ko na pupunta ako sa banyo para huminga ng malalim. Kailangan mapuno ng pagasa ang nanliliit kong baga at maibuga ko papalabas ng aking sistema ang panghihina ng kalooban ko. Hindi ako napaluha dahil sa masamang karanasan o sa mga pagkakamali na nagawa ko kundi dahil sa pinaghalo halong kaartehan ko sa katawan at sa rason na baka hindi ko malagpasan o maabot man lang ang inaasahan ng grupo ko mula sa akin.

ako nga na itinuring na magaling dinadaga pa ang dibdib, paano pa kaya yung walang galing? magpakamatay na sila.

Saka ko na lang siguro sasabihin yung pangapat na ofttopic, na ang bobo ko na ngayong gumamit ng microsoft word kaya mas tiyatiyagain ko ang makipagplastikan sa inyo gamit ang internet browser. ewan ko kung ako lang pero hindi gumagana yung mga shortcut keys sa ms word.

Kaya ko ito. kesehodang bata pa ako o una ko itong trabaho kaya ito nangyayari sa akin. Maraming dahilan para umayaw pero mababalewala ang alinlangan na iyan ng isang matinding rason para magpatuloy: ang tiwala ng grupo ko na may maiaambag ako para sa ikabubuti ng lahat. patutunayan ko na hindi sila nagkamali. Paniniwalain ko sila sa parehong paraan kung paano ko pinaniwala ang sarili ko.

Magaling ako. magaling ako. magaling ako. confident positive self recitation. Ewan. ako lang nagimbento niyan.

Pustahan tayo, 4 buwan lang ang itatagal ko sa ganitong klase ng paninilbihan sa gerbis. Biro lang, pero pwede niyo rin seryosohin.

Sunday

Imitation is a form of flattery.

Naniniwala ka talaga diyan sa kasabihan na iyan? Kung gayon, binibigyan kita ng pagkakataon na lokohin ako basta huwag mo lang lolokohin ang sarili mo.

Palagi kong pinapaalala sa inyo na inggitera ako. hindi ko ikinakahiyang sabihin na likas sa akin ang mainggit pero ito lang ang sinisigurado ko sa inyong lahat: hanggang doon na lang iyon. Hindi ako umaabot sa punto na kailangan makapanakit ako ng damdamin ng iba para lang magkaroon ako ng bagay na wala ako. ako yung tipo na kapag nainggit, gagawa ako ng paraan para makamit ko ang gusto ko. trying hard pero sariling sikap.

Ayaw ko lahatin pero merong mga tao na wala talagang talentong magisip para sa sarili nilang kapakinabangan kaya kinakailangan pa nila tignan ang kung ano ang mayroon ang kapwa nila. Binabalaan ko kayo, hindi basta makakita tayo ng kaaya aya ay pwede na nating gayahin iyon. Hindi lahat ng maganda sa paningin natin, dapat gayahin pero kung alam natin na magiging mainam ito para sa atin–huwag na tayong magatubili na magpatumpik tumpik pa. gora lang ng gora.

Ano nga palang kalokohan yung tinatagalog yung mga english na kanta? Uso ba iyon? para akong timang na tawa ng tawa sa bus nung marinig ko yung katangahang iyon. Kung sino mang nilalang ang nakaisip na gawin iyon, gusto kong ipaalam sa iyo na ang bobo mo. anong kapakinabangan ang naidulot sa kanya nito? Huwag kang magpapakita sa akin dahil susuntukin kita gamit ang buong lakas na natitira sa katawan ko.

Hindi totoo na likas sa mga pinoy ang manggaya dahil lahat ng nilalang, kahit anong uri man ng kultura, basta makita nila na maaari nilang mapakinabangan ang bagay o gawaing iyon, natural–pipiliting kopyahin. Kapag may nakita tayo na alam nating makakabuti para sa atin, hindi na tayo magdadalawang isip pa kunin ang konsepto na iyon. ipokrito ang tao na nagsasabi na kahit kailan hindi siya nanggaya. alam ko hindi tayo dapat magalit sa mga taong nangongopya para sa sariling kapakinabangan pero merong mga pagkakataon na masasabi natin na umabot na sa sukdulan at kailangan na natin umapela.

Napansin ko na talamak ang ganitong gawain dahil may ilan sa mga bloggers na kung makaasta sila kala nila orihinal ang konsepto nila. Ang titikas, akala mo kung sinong magaling samantalang kumopya lang naman. kailangan ko pa bang utusan ang mga kokote nila na gumana naman kahit ngayon lang? subukan kaya nila magisip, hindi ba nila alam na makakabuti iyon sa lipunan? Walang masama sa pangagaya lalo na kung bibigyan mo ng pagkilala ang tao na kinuhanan mo ng konsepto pero ang angkinin ang lahat ng papuri? Sumalangit nawa ang iyong kaululuwa.

click

Ayos lang sa akin na gayahin niyo ako. Kung nakikita naman ninyo na kapakipakinabang ang mga bagay na ginagawa ko, libre kayong manggaya. nakakatuwa lang dahil kahit ako, hindi nakaligtas dahil bukod kay XienahGirlish, nadiskubre ko na may mga gumagaya sa akin lalo na sa paraan ko ng pagsulat. Hindi ko na lang pinapansin noon pero ngayon, hindi ko na mapapalagpas ang pagkakataon na ito.

Kilala mo kung sino ka dahil nagbabasa ka dito. Anong tinitingin tingin mo sa katabi mo? ikaw ang pinariringgan ko, nagmamaangmaangan ka pa. Iyan na nga lang ang gagawin mo, hindi mo na nga kailangan magisip dahil gagayahin mo na lang ang ginagawa ko tapos hindi mo pa pinaghusay. Ayusin mo. kokopya kayo tapos kapag pumalpak, ako pa yung mali. Ako nahihiya para sa mga taong tulad niyo.

Tuesday

sirmamboss: kindly close your monitors and go back to your table.
gerbis people: ok.
sirmamboss: i would like to inform the group that if ever somebody fails this training i will just have that person endorsed to the other department. the HR will call you in a few days to let you know of your new schedule.
gerbismate: uh oh.
sirmamboss: the reason why a person fails this training is that he didnt meet the company’s requirements. by the way, to those who will successfully make it through, you will be regular employees and the 5day transition will start on monday.
gerbismate: homaygadnes.
sirmamboss: wait a sec. i will just go back to the trainor’s pod to get your scores so that we will know the people who will be transferred.
gerbismate: ibig sabihin totoo pala talaga na may bumabagsak dito.
xienahgirl: …
gerbismate: hindi naman niya sasabihn yun kung walang bumabagsak. nakakatakot.
xienahgirl: …
sirmamboss: ok. so how do you want me to do this? do you want an individual evaluation or lets just announce the results to the class?
gerbispeople: just announce it to the class.
sirmamboss: as i call your name, approach me and get your certificate which proves that you have passed the training. dont forget to sign the employee contract.
gerbismate: hala bakit hindi pa tayo tinatawag?
xienahgirl: …
sirmamboss: gerbismate and xienahgirl, did you recieve your certificate?
xienahgirl: no
sirmamboss: do you know why you dont have your certificate?
xienahgirl: …
sirmamboss: how about you, gerbismate?
gerbismate: well, i dont have something in mind.
sirmamboss: xienahgirl, cant you think of a reason?
xienahgirl: i cant think of any reason why i cant have my certificate.
sirmamboss: you did get a perfect score in the knowledge check, didnt you?
xienahgirl: …
sirmamboss: then, what is in your mind?
xienahgirl: …
sirmamboss: who were the top graduates before this training?
gerbispeople: gerbismate and xienahgirl
sirmamboss: xienahgirl, give me a reason why you think you dont have the certificate.
xienahgirl: [late ako dumating nung second day, nagiinternet ako gamit ang computer ng kumpanya, hindi ako sumusunod sa dress code, hindi pa ako nakakapagpasa ng papeles sa HR, mali ang paggamit ko ng time keeping system, ginagamit ko ang vernacular language sa loob ng kumpanya, sobra ang oras ng breaktime ko]
sirmamboss: what? answer me.
xienahgirl: actively participating during discussions?
sirmamboss: uh huh. since gerbismate and xienahgirl cannot give me any rebuttals on why they havent received their certificates, ill just probably be honest and tell you that… that… i forgot to get your certificates in the trainer’s pod.
gerbispeople: *groupmwahugzzz*

kongkatsumaleyshuns, xienahgirl. im very proud of herself.

kinilabutan ako. kamuntik na ako makasapak. hindi dahil niloko ako ni sirmamboss kundi dahil sa dinamba ako ng yakap ng isa sa mga gerbispeople ng malaman niya na pumasa ako. mahigpit yung yakap. sobrang higpit. ayos na sana kaya lang–bakla siya. wala akong anumang masamang tingin sa mga bakla dahil sa katunayan babaeng bakla ako pero ang pinupunto ko lang, mas masarap siguro kung tsansingan ako ng tunay na lalake. sige na nga. para hindi na tuluyang mabagabag ang inyong damdamin, sa susunod na yayakapin niya ako ay mataimtim na lang akong pipikit at iisipin ko na may malisya siya sa akin.

tama ang nasaksihan ninyo–bukod sa maituturing akong isa sa mga powerplayers ng grupo dahil sa nakakakuha ako ng matataas na grado sa mga sobrangubod ng dali na mga pagsusulit ay palagi rin akong nagiging tampulan ng powertripping ng mga trainors. hindi na bago sa akin ito. hindi ko naman sila masisisi kung pakiramdam nila mas magmumukha silang magaling kapag naipahamak ako sa madla. hindi ko talaga alam kung bakit ako ang laging napipisil na ipahiya para pagtawanan ng klase.

tama, humor blogger ako pero humor employee? putanginamoka.

oo, masaya yung makita ako na magmukhang tanga sa maraming tao. bakit? kasi bihira lang iyon mangyari. dakilang matatawag ang mga taong makakaisa na mabilog ang ulo ko. alam ko, mukha talaga akong weakling sa totoong buhay–yung tipong pwede malinlang ng mga acting roles. malas nga lang dahil praktisado na ako sa mga scheupeed shtayls na yan. huwag kayong magalala, inaanyayahan ko pa rin kayong lahat na tarantaduhin ako. asapakayo.

maganda ang pasok ng buwan ng oktubre para sa akin dahil ikinagagalak kong sabihin sa inyo na ganap na ang pagkaalipin ko sa gerbis. kung bakit ipinagmamalaki ko ang aking pangangamuhan sa gerbis? sa parehong dahilan kung bakit ginisang munggo ang ulam tuwing biyernes. WALANG NAKAKAALAM. ang dapat na 1buwang training ay ginawang 15araw. sa isip ko: einubehnemenyen! imbes na magpetiks, trabaho agad. tsk tsk. mahirap yung pinagdaanan naming mga gerbispeople pero balewala lang dahil nasisiyahan naman ako sa mga kagaguhan ko sa trabaho. ngayon pa lang ay hayaan ninyong kundisyunin ko ang inyong dalisay na sarili para ihanda ito sa mga umeeksenang gerbis kronikels.

pahabol sulat:
ang pangit ko sa company id ko. thanks.


« Previous PageNext Page »