can opener

can opener




kablogstugan

Welcome to the Philippine Bloggers Conference.

Buong galak akong binati ng lalakeng nakapostura na sumalubong sa akin sa event. tinanguan ko siya at nagpakawala ng ngiti. kawawa naman siya, baka sabihin hindi ko siya pinapansin. pero ibang klase ito. Himala talaga. Wala akong hilig pumunta sa mga ganitong klase ng pagtitipon lalo na kung tungkol sa pagiging blogger. hindi ko nga sineseryoso ang pagiging blogger ko. Hindi ko alam kung anong klaseng masamang hangin ang pumasok sa maliit na kokote ko pero kung ano man yun, sigurado akong ito lang ang bagay na naguudyok sa akin para subukan ang ganitong klase ng kabaliwan.

Kindly register your name here. Thank you.
Lumapit ako sa isang mesa at iniabot sa akin ang isang ballpen. Kinuha ko ito at ginamit para ilagay ang aking pirma sa tabi ng pangalan ko. Hindi naman ako sikat para ikubli ang totoo kong pagkatao. Wala akong kahit anong imahe na pinoprotektahan para itago ko ito sa nakakaintrigang alyas.

Here is your name tag. Just put it somewhere so everybody can see your name. by the way, the event will start at exactly 3pm. so while waiting, I suggest you take time to see the laptops provided by our sponsors. You can either check your blog or browse the internet. Thank you and happy surfing.
kinuha ko ang kapirasong papel na iniabot sa akin ng babae at sinundan ng tingin ang itinuturo ng kanyang kamay, patungo iyon sa lugar kung saan pwedeng gamitin ng libre ang kanilang mga laptop. Lahat ng units ay bakante pa.

Teka, sandali nga.
Alam ko madami ang dadalo sa pagtitipon na ito ng mga bloggers pero bakit kakaunti pa lang ang tao? Siguro nga masyadong maaga ang alas dos para sa isang event na magsisimula ng alas tres. Hindi naman sa sabik ako na makakita ng bloggers, umiiwas lang talaga ako sa traffic papunta rito.

Idinikit ko ang name tag sa kaliwang bulsa ko–sa may bandang dibdib, habang pinupuntahan ko ang laptop na nasa dulo. ang laptop na pinakamalayo mula sa pasukan ng event. Kaya ito ang napili kong pwesto ay dahil sa nahihiya ako na makita ng iba na nagmumukhang tanga dahil sa hindi malaman ang pipindutin ko. Oo, inaamin ko—matagal na akong hindi nakakahawak ng laptop, lalo na ang ganitong bagong modelo. nagaalala lang talaga ako dahil baka kapag ginamit ko ito at masira ko–pagbayarin pa ako o di kaya mas malala, ilathala pa ako ng mga sikat na blogger bilang isang banong inutil na hindi marunong gumamit ng laptop. Bahala na.

Ano nga ba ang pwedeng gawin?
Matagal kong tinitigan ang monitor, nagbabakasakali na biglang may pumasok na ideya sa isip ko sa kung ano ang gagawin ko sa libreng internet connection—kahit kailan hindi ako binigo ng utak ko, ngayon lang. hanggang sa maisip ko agad ang site ng isang blogger.

Tama, siya nga.
hindi ko pwedeng makalimutan ang site ng blogger na ito. Sa katunayan, bago ko puntahan ang blog ko, site niya muna ang dinadaanan ko. Paborito ko kasi siyang blogger. Hindi ko maiwasan na mapangiti sa tuwing naiisip ko ang mga nakasulat sa blog niya. minsan nga kapag hindi ko makayanan ang sobrang tuwa, ikinukwento ko pa ang nababasa ko sa mga kaibigan ko. hindi ko lang talaga maiwasan na hindi maging masaya kapag nasa isip ko ang pangalan niya. Hindi ko alam kung paborito ko siya o higit pa doon ang nadarama ko para sa kanya pero sigurado ako—magaan na agad ang loob ko sa may ari ng blog na ito.

Walang bago.
Alam ko naman na ilang beses lang siya sa isang buwan kung maglabas ng entry. ewan ko ba at hindi ako nagsasawa dahil hindi ko lang talaga alam kung ano ang binabalik balikan ko dito sa site na ito. Hindi naman ako naka link sa kanya. Pero siya, kasama sa blogroll ko.

Shit, ano nangyayari?
Biglang hindi na lang gumalaw ang cursor at nagblack out ang screen. Ito na nga ba ang sinasabi ko—baka nawasak ko na ang unit na ito. Kailangan ko kumalma. Hingang malalim. Hindi ko ito nasira, pero mukhang sira talaga. Iwan ko na lang kaya itong laptop ng ganito? Malamang hindi kakayanin ng konsiyensiya ko. Nakita na nung babae na ako ang gumamit nito kaya madali niya matutunton na ako ang may kasalanan. Hingin ko kaya ang tulong ng mga tauhan sa event? Tama, ganun na nga lang talaga gagawin ko.

Excuse me po, paki assist lang po ako dito.
Umatras ako at itinaas ang isang kamay para makuha ang atensiyon ng kahit sinong pwedeng tumulong sa akin pero walang nagabalang lumapit dahil lahat ay abala na sa pagdagsa ng mga bloggers.

Aray ko! Ano ba ginagawa mo?
Naku pasensiya ka na. hindi ko sinasadya.
Natamaan ng siko ko ang balikat niya. Hindi ko siya nakita na dumarating. Bigla na lang siya sumulpot sa likod ko. nasaktan talaga siya ng sobra sa pagkakatama ng siko ko sa balikat niya base sa reaksiyon ng kanyang mukha. Wala na. palpak na talaga ang araw na ito. Uuwi na lang ako.

Joke lang. haha.
Nasaktan ka ba? Sorry talaga.
Ayos lang ako. Dahan dahan ka kasi.
oo nga e
kung makawagayway ka naman kasi ng braso parang wala ng bukas.
Nakakaloko. Hindi ko alam kung tatawa ako o matutulala. Akala ko talaga nasaktan ko na siya. Masisiraan na talaga ako ng bait sa paiba iba ng emosyon ko ngayong araw na ito. Tinawan niya lang ako. Tama siya, karapat dapat lang pagtawanan ang mga tangang katulad ko.

Mabuti naman at hindi ka nasaktan.
Ok na yun sa akin
Nginitian niya ako at dahan dahang inilapit ang mukha niya sa dibdib ko. Ano ginagawa niya? Teka, kakapusin yata ako ng hininga. Mahihimatay na yata ako. Yung puso ko ang bilis ng tibok. bigla kong ipinatong ang kanang kamay ko malapit sa puso ko. Para na kasi talagang gusto niya kumawala. Kinakabahan ako.

Bakit mo tinatakpan? Titignan ko lang naman ang name tag mo.
Sinigurado ko lang na nakadikit ng maayos ito.
Tangang sagot. Oo nga naman. Titignan niya lang ang pangalan ko sa name tag. Ang bobo ko para maging eksaherado ang reaksiyon sa ginagawa niya. Talaga naman. Nahihiya na talaga ako sa mga pinaggagagawa ko sa araw na ito.

ang ganda naman ng pala pangalan mo.
wow. salamat.
Teka, may kasama ka ba?
Yun nga. Wala akong kasama dito.
Tumayo siya ng diretso, nakita ko ang mukha niya—maaliwalas. May mainit na liwanag na nagmumula sa likuran niya. Masyado siyang cool para sa isang blogger–para maging blogger lang. merong kakaiba sa dating niya, sa tikas niya. Alam ko na hindi siya basta basta blogger lang. napansin niya na pilit kong kinukuha ko ang tingin niya kaya pilit niyang iniiwas iyon at napalingon bigla sa monitor ng ginagamit kong laptop. Mukhang interesado siya. Walang kahit sinong tao ang hindi makakapansin sa site ng gusto kong blogger.

Aba, ang ganda ng layout. blog mo yan?
Hindi yan sa akin.
Kanino?
Sa paboritong blogger ko yan.
May ganun ka pang nalalaman.
Oo, isa siya sa mga sinusubaybayan ko pagdating sa blogging.
Ano naman ang dahilan?
Nakakatawa at nakakatuwa siya–sapat na yun para hangaan.
Nakahinga ako ng malalim ng makita na bumalik na sa dati ang screen ng laptop na ginagamit ko pero hindi pa rin ganap ang aking pagkakakampante dahil may kasama na akong blogger at hindi ko alam ang pangalan niya. Inililingon ko ang mga mata ko sa kung saan niya pwede ilagay ang name tag niya pero wala talaga—hindi pa nakadikit o kung nakadikit man, saang parte naman yun? Ayaw ko naman tumingin ng todo sa kanya dahil baka mailang siya at mapagkamalan pa akong masamang tao.

Sa palagay mo ba darating yang blogger na yan dito?
Sana, pero hindi naman kasi siya nagpapakita sa mga ganitong klase ng events.
Mukhang sikat. Siguro mayabang ito?
Hindi naman siguro. Alam ko mabait siya.
Minsan lang ang mga ganitong pagkakataon. Kailangan ko tanungin ang pangalan niya dahil kung hindi, hindi ko mapapatawad ang sarili ko para mapakawalan ang ganitong klaseng pangyayari.

Ano gagawin mo kapag nakita mo yang blogger na yan dito?
Magpapakuha ng litrato kasama niya? Haha.
Talaga? Angas.
Hindi ko alam baka matulala na lang ako at hindi makagalaw kapag nandiyan siya.
Itong tao ngang katabi ko, hindi ko kilala pero kinakabahan na ako, ano pa kaya kung makita ko yung mismong paborito kong blogger na halos nasubaybayan ko na ang buong buhay? Hindi maganda ang isinagot ko sa kanya. Para akong isang adik na panatiko na hindi nabibigyan ng pansin.

Kapag nakita mo siya tawagin mo ako
Haha. Oo ba.
Tapos ako hahawak ng camera para sa iyo.
Sige, aasahan ko yan.
Napapakamot na lang ako sa ulo ko. Hindi ko alam kung mapagbiro lang talaga siya o alam na niya kaagad na mahina ang loob ko. Ang bait bait naman niya. Alam na niya kung paano ako pakikisamahan. Nahuli na niya kaagad ang loob ko.

Sandali lang, check ko muna ang blog ko.
Sige, mamaya na lang ulit
Ok lang ba na iwan muna kita diyan?
Oo naman, sige salamat.
Tinapik niya ako sa braso at humakbang papalayo. Doon siya pumunta sa kabilang dulo, sa malapit sa entrance para gumamit ng laptop. Sayang lang dahil hindi ko man lang nalaman ang pangalan niya.

Hala. Saan siya pupunta?
Sandali lang siya gumamit ng laptop at pagkatapos ay umalis na rin at lumabas ng entrance. Pasaway talaga. Sa entrance siya lumabas samantalang nandito yung exit malapit sa tabi ko. Sinubukan ko siyang habulin pero huli na dahil nakalayo na siya. Ayaw ko naman gumaya sa pagkapasaway niya at sa entrance pa ako lalabas. Napabuntong hininga na lang ako sa kagaguhan ko. Habang naglalakad pabalik sa laptop ko napatingin ako sa ginamit niyang laptop. Pinuntahan niya rin ang site na nakita niya sa akin. Sabi ko na nga ba, lahat talaga ng tao hindi maiiwasan na hindi mapansin ito.

Naiwan niya ang name tag niya.
Kinuha ko ang kapirasong papel na nakalapag sa tabi ng laptop. Sa wakas, malalaman ko na rin ang pangalan at site niya dahil yun ang inilalagay ng mga organizer sa name tag. Dahan dahan kong ibinuka ang papel mula sa mesa para basahin ang pangalan doon.

XienahGirl

http://chiksilog.com

Totoo ba itong nakikita ko o baka naman namamalikmata lang ako? Hindi ako makahinga. Blangko ang utak ko. Ibig sabihin ba nito na ang paborito at sinusubaybayan kong blogger at ang babae na kausap ko kanina ay iisa? kung tao lang ang pagkakataon, malamang nasuntok ko na siya sa mukha. tama ang hinala ko, matutulala ako at hindi makagalaw. Hindi ako makapaniwala sa mga biglaang nangyayaring ito sa buhay ko. Halong lungkot, saya at pangihinayang ang nadarama ko ngayon. Sayang ang pagkakataon na pinalagpas ko. Ayos na siguro yun dahil masasabi ko, isa na ako sa mga pinakamapalad na tao at nakita ko siya sa personal. Hindi ko makakalimutan ang event na ito o ang ipagpalit ito sa kahit anong materyal na bagay sa mundo.




  Next Entries »