P entry [repost]
Sa piling niya, walang paghuhusga. Kapag kasama ko siya, hindi niya batid kung sino ako at ano ang naging nakaraan ko sa piling ng iba. Sa kanya, hindi ko na kailangan pang mamalimos ng pagmamahal dahil wala siyang ibang hinangad kundi ang mapaligaya ako sa kabila ng mapait kong pinagdaanan.
Minsan kaming dalawa ang nagsasalo sa dilim pero mas madalas marami sila. Hindi ko sinasabi na gusto kong pagtulungan nila ako pero iyon ang tanging paraan na nakakapagpaginhawa sa akin at aking nakagawian ko na. Walang maaaring umagaw sa kanya mula sa akin pero maaari akong makisalo sa iba. Wala rin naman siyang pinipiling oras o lugar dahil sa tuwing nararamdaman ko ang kagustuhan, agad siyang bumibigay.
Ang pagpasok ko sa kanyang silid ay ang nagsisilbing hudyat na siya at ako ay muling magniniig para maging isa. Naeenganyo akong magkaroon ng kamunduhan sa tuwing nakikita ko siyang nakahiga sa kanyang kama—mapangakit. Nagpupuyos sa silakbo ang aking damdamin. Handa akong pagsaluhan ang init naming dalawa kahit na magdulot pa ito ng ipinagbabawal na kaligayahan. Magkasala man ako ay maligaya kong gagawin iyon sa piling niya. Ang pantasya ko ay sa wakas maisasabuhay naming dalawa.
Pinatay ko ang mga ilaw dahil gusto kong nakawin ang mga sandali sa piling niya. Humiga ako at tumabi sa kanya habang dahan dahan na hinahaplos ang kanyang katawan. Ang pamilyar na amoy niya ang nakapagpapagaan sa aking pakiramdam. Agad agad na napapawi ang aking pagod sa tuwing dumadampi ang aking mga labi sa kanya. Binasa ko ng aking dila ang aking labi para namnamin ang kanyang kabuuan. Doon pa lamang naramdaman ko na ang kasabikan ko sa kanyang piling. Hinimas ko ang kanyang katawan habang ganun din siya sa akin. Hanggang sa naramdaman ko na ang kanyang hawak sa aking dibdib. Hiningal ako at biglang bumilis ang pintig ng aking puso. Ang mahigpit na yakap ang tanging maigaganti ko sa kasiyahang dulot niya. Hayok kong pinagapang ang aking mga kamay pababa sa kanyang katawan para hawakan at pisilin ang kanyang laman. Napapapikit ang aking mga mata at napapakagat ako sa aking mga labi dahil sa hindi ko maipaliwanag na kaligayahan. Pigil na pigil ang aking mga ungol dahil ayaw ko na malaman ng iba ang nagagawa niya sa akin sa tuwing sumasapit ang ganitong eksena. Heto na ang pinakahihintay ko, nararamdaman ko siyang pumpupwesto sa pagitan ng aking mga hita. Hindi ko mapigilan ang sarili ko na yumakap sa kanya at itulak ang katawan niya papalapit sa akin. Kakaiba ang pakiramdam na naibibigay niya kaya muli kong ibinuka ang mga binti ko para umakma ang hubog ng kanyang katawan sa akin. Ang matigas niyang parte ang nakapagpapalambot at nakakapagpahina sa aking murang katawan. Sa sobrang sarap na dulot niya hindi ko matiis na maibaon ang aking mga daliri sa kanyang likuran. Kasabay ng paglalim ng gabi ay ang pagindayog ng aming mga katawan. Sinasalubong ko ang bawat galaw niya. nais ko mang lubusin ang pagkakataon sa piling niya at gustuhin ko man na sumuko mula sa dulot niyang kamunduhan ay hindi ko magawa dahil alam ko na ito lamang ang makakapagpaligaya sa akin. Gustuhin ko mang romansahin siya buong magdamag ay di maaari dahil sa nauubos na ang aking lakas sa kanyang mga karino. Sa pagkakataong iyon ay nakatulog ako sa langit ng kasarapan.
Sa umaga ko na lamang nalaman na nilabasan pala ako at hindi ko maiwasan na mabasa ko siya. natuluan ko siya ng aking laway kaya pinunasan ko ng aking kamay ang aking pisngi kasabay ang pagmulat ng aking mga mata. Huwag kang magalala–tulad ng mga ibang unan, baka sa ibang araw ay mapapalitan din kita ng punda.
operator
up. up. up.
tatlong beses ko pinindot ang up button. tumingala ako at nakita ko na nasa 5th floor pa ang elevator. wala naman talagang magagawa kung higit pa sa isang beses ko pipindutin ang up o kahit na ang down button. trip trip lang. basta magbukas yung pinto, ayos na.
4.. 3.. 2.. G.
narinig ko na ang tunog–hudyat na nasa floor ko na ang elevator. bumukas ang pinto, walang tao. gustong gusto ko talaga kapag magisa lang ako sa elevator. akin ang mundo, tahimik. malayo sa ingay ng totoong buhay. sa sandaling maglalagi ka sa maliit na kwartong ito, madaming papasok sa isip mo. binibigyan ka ng panahon para mag-isip. magmuni. susugurin ka ng mga nakaligtaang alaala na bumalik mula sa nakakatakot na nakaraan.
wait, hold the elevator please.
narinig ko ang tinig na iyon mula sa kinalalagyan ko. pinipindot ko na ang open button pero sumasara pa rin ang pinto ng elevator. nagdadalawang isip ako kung pipigilan ko ba ang mga pinto gamit ang aking kamay. natatakot ako, naipit na kasi ako dati. natuto na ako mula sa katangahan kong iyon at ayaw ko ng maulit pa. pumikit ako kasabay ng pagsasara ng pinto. buntonghininga. hindi ko sinasadya na maiwan at masarhan siya. alam ko iisa lang ang elevator sa building pero, ayaw ko yatang mabuhay na gamit ang isang kamay lang. dahan dahan kong iminulat ang mga aking mga mata–himala, muling bumukas ang pinto.
salamat, akala ko iiwanan mo talaga ako.
nginitian ko siya habang nagtataka sa kung paano ako nagagawang paglaruan ng elevator na ito. pinasalamatan niya ako para sa wala. pumasok siya. teka, parang nakikilala ko na siya. tama, siya nga. matagal ko rin siyang hindi nakita, ngayon na lang ulit at masasabi ko na maaliwalas ang mukha niya. nararamdaman ko na masaya ang disposisyon niya ngayon. pinindot ko ang 19, hindi ako maaaring magkamali dahil alam na alam ko na doon ang floor niya.
alam mo ang floor ko?
oo, nakasabay na kasi kita dati.
ah, ganun ba? salamat.
oo nga naman. bakit nga ba pinangungunahan ko siya sa pagpindot ng floor niya? napaghahalata tuloy ako. inuna ko pa siya bago yung sarili ko. napapailing na lang ako habang iniisip ko sa kung bakit bigla ko na lang napindot iyon. ang mga daliri ko talaga, may sariling utak.
sumara ang pinto. umakyat ang elevator. katahimikan.
alam ko maliit ang elevator pero maluwag iyon para sa aming dalawa. tinitigan ko siya sa gilid ng aking mga mata at napansin ko na mahigpit ang kapit niya sa hand railings. ang maaliwalas niyang mukha ay biglang napalitan ng pamumutla. nanginginig ang katawan niya. nararamdaman ko dahil nakasiksik siya sa akin.
ok ka lang?
sorry, sorry talaga.
bakit, anong meron?
bumukas ang pinto sa 7th floor at sumakay ang barkadahan ng 4 na babae. maiingay sila. nakakairita ang mga boses. kung makaasta akala mo sila ang nagmamayari ng bawat turnilyo na bumubuo sa elevator na ito.
11th floor.
huh?
what? arent you going to push the button that says 11?
ah kasi ano..
its the number between 9 and 10, in case you didnt know.
ang..
hush. i am never excited by moronic excuses. just push it.
mataray na sinabi ng babae sa akin. hindi na ako umangal. nakakailang ismid na siya sa akin pero hindi ko siya pwede patulan. kung lalake lang siya baka hinamon ko na ito ng suntukan. hindi ko na lang talaga papansinin para walang away. nakakairita. ang iingay nila. parang walang silang ibang taong kasama. nakakailang bato sila ng tingin sa akin, kasabay ng hindi mabilang na hagikgikan. hahayaan ko na lang talaga.
you dont have manners.
excuse me?!
im talking to you, bitch.
what are you saying?
dont you know that you are not supposed to talk if your in a confined space?
but..
you and your friends’ saliva is all over the fucking place
you know..
here is my doctor’s calling card, you can use some medical advice–for halitosis.
i dont need this.
well society doesnt need you either. its the 11th floor, slither away!
whatever
by the way, go back to gradeschool. 11 is the number between 10 and 12.
bumukas ang pinto at nagmamadaling lumabas ang magbabarkada. nakatikim sila. nasampolan din ako. grabe yung tensiyon na yun. hindi ko siya napigilan at naawat sa walang prenong pangangaral niya. parang gusto ko ng lamunin ng mga pader. ang kawawang pader na naging piping saksi sa mga naganap.
pababa ba ang elevator?
hindi, paakyat po.
sige balikan niyo na lang ako
15th floor bumukas ulit ang pinto. may isang matanda na naghihintay na sumakay pero dahil sa paakyat nga ang elevator hindi naman namin siya pwedeng pasakayin muna. nagsarang muli ang pinto. kaming dalawa na lang muli sa aking munting mundo.
napapagkamalan kang elevator operator
hindi na nga ako nagreklamo.
ayos lang yun, ang boring kasi sa elevator.
oo, tama. saktong eksena lang.
natatawa siya. natatakot ako. parang gusto ko ng umalis at maghagdan na lang. napansin ko na makailang ulit ng pumapalya ang pagsara at pagbukas ng pinto ng elevator at ang mga ilaw? hindi sing liwanag ng dati.
whats that noise?
hindi ko alam.
may kakaibang ingay na nagmumula sa itaas ng elevator. sabay kaming tumingala at hinahanap kung saan nagmula ito. bumabagal ang takbo namin. unti unti siyang lumalapit sa akin at hinawakan ng mahigpit ang braso ko. nangyari na nga ang kinatatakutan ko. blackout. trapped kami. malakas na hiyaw ng pagkatakot ang sumunod. nanginginig siyang yumakap sa akin.
ano nangyari sa iyo?
nahimatay siya. ang pagkataranta ang huling bagay na dapat kong gawin sa ganitong pagkakataon. tama, kailangan ko humingi ng tulong. tangina, naiwan ko pa pala yung phone ko. wala na akong ibang magagawa kundi antayin na lang na bumalik ang suplay ng kuryente para muling gumana ang elevator o di kaya naman ang pagkabulok namin. ayos lang kung ako lang ang naiwan dito, kamalas malasan naman na may kasama pa ako. ayos na rin siguro, hindi rin ako mapapanatag kung malaman ko na nagiisa lang siya na nakulong dito.
sandali nga.
dahan dahan akong umupo sa sahig. inaalalayan ko siya. mahirap na, baka kung ano ang mangyari sa kanya, ako pa ang mapagbintangan. kinuha ko ang panyo ko mula sa aking bulsa at sinubukan siyang paypayan para mahimasmasan. kahit madilim ang paligid, nararamdaman ko ang liwanag niya. ang liwanag na nagmumula sa kanya na nagbibigay sa akin ng pagkakataon na mangarap. kung iisipin, maswerte pa rin ako. ang maiwan kasama ang tao na lubos mong hinahangaan ay pangarap ng mga torpeng tulad ko. ito na yata ang pinakamatagal na panahon na nakasama ko siya. ang pagkakataon na pinakamalapit ako sa kanya. hindi naman sa hinihiling ko ang mapahamak siya, gusto ko lang ang makasama siya sa kahit anong pangayayari sa buhay ko.
im sorry.
ok lang yun sa akin.
im claustrophobic.
ikaw si santa claus?
hindi!
pinapatawa kang kita.
im not that comfortable being in closed spaces.
nagising na siya. tinakpan niya ang kanyang mukha sa sobrang pagkahiya at bumangon na mula sa pagkakahiga sa aking nangangalay na balikat. kanina ko pa nga talaga napapansin na natatakot siya. sino ang magaakala na ang matapang na nakita ko kanina ay takot pala na makulong magisa?
sa wakas.
thanks again.
walang anuman.
muling umandar ang elevator paakyat sa 19th floor. hindi siya makatingin sa mga mata ko. naiintindihan ko naman siya. malamang, ito na rin ang huli naming pagkikita. bumukas ang pinto. sa pagkakataong ito, may lalakeng nakatalikod at biglang humarap sa amin.
surprise xienah, happy monthsary!
nagulat siya. hindi niya alam ang gagawin niya ng sumalubong sa amin ang lalakeng may dalang mainit na ngiti at mga bulaklak. nangingilid ang luha sa kanyang mga mata, hayun–napaiyak na nga ng tuluyan. masakit man sa kalooban ko na pindutin ng matagal ang open button, ginawa ko pa rin. kahit may mga luha na pumapatak papunta sa mga pisngi niya masasabi ko na masaya siyang makita ang lalakeng iyon. hindi ko makayanang makita ang mga ngiti niya na para sa akin na napupunta lang sa iba–sa totoong mahal niya. ang katauhang nakita ko sa labas ng elevator ang kanyang kaligayahan. lumabas na siya sa elevator at niyakap ang lalakeng nakaabang sa kanya. sa pagkakataong iyon, hindi ko pa pinipindot ang close button, nagsara na lang basta ang pinto. kapag mahal mo ang tao, hindi ka matatakot na makulong sa mga bisig niya, kung maari lang–gugustuhin mo na matunaw na lang sa mga balikat niya. lumiliit ang mundo kapag kasama mo ang taong mahal mo at umiikot na lang iyon sa inyong dalawa.
salamat.
para saan?
nasabi niya sa akin ang nangyari sa inyo sa elevator.
ah yun ba?
salamat, kung wala ka baka kung ano na ang nangyari sa kanya.
wala yun.
hindi ko alam kung paano na ako kapag nawala siya.
may kamay na pumigil sa pagsasara ng pinto ng elevator. matapang siya. hindi siya natatakot na maipit ang kamay niya sa pinto ng elevator. hindi ko kayang gawin yun. nung mga panahong iyon, nalaman ko na–magiging masaya siya sa kanya. hindi ko pa kayang ibuwis ang kahit ano sa buhay ko ngayon para sa pagmamahal pero darating ang tamang panahon na gagawin ko yun. kinamayan niya ako, tanda ng kaniyang pakikipagkaibigan.
sa huling pagkakataon, muling sumara ang pinto ng elevator. sa sandaling iyon, naging akin siya, nahawakan ko siya–ang taong hinahangaan ko. masaya ako at nakasama ko siya. ang nakakalungkot na parte, babalik na naman ako sa pagiging magisa–magisa sa elevator, sa munting mundo ko.
21st floor.
yellow line
sir pambabae po dito, dun lang po tayo sa panlalake
hindi ko alam kung sino ang kinakausap ni manang guard. hindi siya nakatingin sa akin nung nagsalita siya pero alam ko na ako ang tinutukoy niya. lumipat ako sa kabilang linya para pumila. nang ako na ang papasok, agad na sumenyas si manong guard–pwede na raw ako pumasok kahit hindi man lang niya tiningnan ang bag ko, pati ang mukha ko.
araw araw naman ganito rito, masyadong madaming tao lalo na kung ganitong oras. sawa na siguro si manong guard sa iba ibang mukha na nakakasalamuha niya. umakyat ako sa hagdan kasabay ng mga nagmamadaling kung sino man habang kinukuha ko ang phone ko sa aking bulsa at ikinakabit ang earphones sa aking tenga.
shit naman, low batt yata ako.
ito na nga ba ang sinasabi ko–kung kailan naman ako bibyahe ng matagal saka naman ako hindi nakapaghanda ng baterya. ayos lang. papatayin ko muna ang phone ko at bubuksan ko na lang mamaya para magamit ko kapag nakasakay na ako sa tren. ibinalik ko na ang aking phone sa kaliwang bulsa at dumukot na lang ng bente pesos sa kanang bulsa.
isang single journey
mahaba ang pila pero mabilis naman ako nakakuha ng ticket. sinuklian ako ng aleng nakasimangot na nasa likod ng salaming binta ng 5 piso habang iniaabot ang magnetic card. habang naglalakad ako papunta sa machine, minasdan ko ng maigi ang card kung nasaan ang itim na arrow–yun kasi ang palatandaan sa kung anong parte ng card ang una mong ipapasok sa machine. medyo kupas na nga nakasulat sa card pero kabisado ko na yun at ipinagmamalaki kong sabihin na kahit kailan, hindi pa ako nagkamali sa paggamit nito.
ipinasok ko ang card at lumabas yun sa kabilang parte ng machine. pumasok na ako sa mismong istasyon ng tren–monumento station. dulo ito ng lrt kaya madami talaga ang tao, sayang gusto ko sana kumuha ng Libre kaya lang paparating na ang tren. hindi na ako pwede magpatumpik tumpik pa dahil ayaw kong maghintay para sa susunod na biyahe.
hindi maiwasan na magkatulakan ng likod dahil sa paguunahan kung kanino tatapat ang pinto. siyempre nakisiksik na ako, sakto lang ang dami ng tao kaya hindi ako gaanong nahirapan. parang walang katapusan ang pagaantabay sa kung kanino bubukas ang pinto. ilang segundo matapos huminto ang tren, sa wakas bumukas na rin ang pinto. unahan sa pagpasok ang mga tao dahil ayaw nila magpalamang sa upuan.
sir, doon lang po tayo sa kabilang tren.
sir? ako nga yata yung tinutukoy niya. tinuro ni manong guard sa pamamagitan ng kanyang batuta ang pinto ng sumunod na tren. napangiti na lang ako at napailing kay manong guard. hindi na ako pumalag. nakakapagod. sa araw araw na ginawa ng diyos, palagi na lang ako sinisita para lumipat sa kabilang tren. nagmadali akong bumaba sa unang tren at tumakbo papunta sa pinto ng kabilang tren. narinig ko na ang buzzer–hudyat na magsasara na ang pinto at papaalis na para bumyahe.
sandali lang. huwag niyo muna isasara.
nakaabot nga ako, pero huli na dahil wala ng bakanteng upuan. umaandar na ang tren pero naglalakad pa rin ako para maghanap ng metal hand railing na pwede ko mapagpwestuhan–nagbabakasakali na baka may bumaba kaagad para makaupo ako.
approaching 5th avenue station
doon pa lang ako nakakita ng kumportableng lugar. habang lumalayo ang tren, dumadami ang mga taong sumasakay kaysa bumababa. minamasdan ko ang mga tao sa paligid, lahat sila nagmamadali na parang hinahabol ang sarili nilang oras. nalingat ako sandali at hayun tumayo ang lalakeng nasa tabi ko.
ang tamad naman nito, 5th avenue station pa lang bumaba na?
naisip ko, nakakatawa. pangalawang istasyon pa lang bumaba na siya? sana nagjeep na lang siya ng nakatipid pa. pero kanya kanyang trip lang yan.
upo ka na dito
sabihin man nung lalake na yun o hindi, uupo talaga ako. kamuntik pa ako maunahan nung isang babae sa pwestong nabakante. malas niya, mahaba ang paa ko at mabilis akong kumilos. nang kumportable na akong nakaupo, inilabas ko ang aking phone at ipinasak ang earphones sa tenga ko para makinig ng mga paborito kong kanta–ito lang naman ang pwedeng gawin bukod sa tumingin tingin at magobserba ng mga taong sasakay at bababa.
papalapit na, R. Papa station.
menu. down. down. down. extras. sounds. play.
sana talaga umabot ang baterya ko hanggang sa dulo ng biyahe. hindi ako mahilig matulog sa sasakyan at ayaw ko magmukhang tangang nakatulala lang sa hangin habang nakasakay sa lrt.
song: temperature
artist: sean paul
napapaindak talaga ako sa tuwing nadidinig ko ang kantang ito. hindi ko maiwasan na maigalaw ang mga paa ko kasabay ng pagtugtog ng kanta.
ay sorry po.
sa kakaindak ko–nasangga ko ang paa ng lalakeng ito. ngumiti naman siya. siguro nagtataka siya kung ano ang ginagawa ng baliw na yun sa harapan niya. teka lang, siya ba yung nagbigay sa akin ng upuan? kala ko ba bumaba na siya 5th avenue station? akalain mong meron pa pala talagang kagaya niya sa panahon ngayon. ano naman ang problema nitong lalakeng ito, bat tingin ng tingin? kasasabi ko pa lang na maginoo pero kung makatingin naman parang may malisya.
abad santos station, approaching abad santos station
bumaba na ang katabi ko kaya napaupo ang lalakeng naunang nagbigay sa akin ng upuan sa tabi ko. hindi niya iwinawaglit ang kanyang mga titig sa akin. naiilang na talaga ako.
pota naman talaga.
at nawalan na ng tuluyan ng baterya ang phone ko. tapos ang maliligayang araw ko. tinanggal ko na ang earphones ko at itinabi ang phone ko sa loob ng bag ko. seryoso ako, ang sarap talaga sikuhin itong lalakeng katabi ko, kanina pa tingin ng tingin.
blumentritt station, blumentritt station
nakikita kita na laging sinisita ni manong guard
ako?
oo, ikaw. lagi ka kasing sumasakay sa pambabaeng tren.
ganun ba? agaw eksena na pala ako.
manyak ka siguro ano?
ano daw? kung makangiti naman itong lalakeng ito parang nangungutya. ako? manyak? siya kaya kung makatingin parang holdaper. patawarin naman sana niya ako kung lagi ako pumapasok sa pambabaeng tren ng lrt. sinusubukan ko lang naman si manong guard kung gaano katalas ang pakiramdam niya. malas ko lang dahil ginagawa niya talaga ang trabaho niya.
papalapit na, Tayuman station
maganda yung gupit mo, anong tawag diyan?
nakita ko lang ito sa magazine ang pangalan the convertible
panlalake yung gupit na yun diba?
oo nga, bagay naman sa akin.
huwag ka na babalik dun sa pinagpagupitan mo
pakiramdam niya close kami para magbigay siya ng payo? hindi porket ibinigay niya sa akin ang upuan niya may karapatan na siya sa kung ano ang mga dapat kong gawin. pero ngayon ko lang napansin, gwapo pala siya. kaya lang antipatiko,
bambang station, huwag po natin salubungin ang mga bumababa–hindi po natin sila kamaganak.
hindi ko talaga maiwasan na matawa sa tuwing binabanggit yun ng train operator. isang istasyon na lang, bababa na ako. sa wakas makakalayo na rin ako sa lalakeng ito. nakakainis na kanina pa ngiti ng ngiti. kala niya madadala niya ako sa pagpapacute niya.
doroteo jose station, doroteo jose station
boy, yung panyo mo nalaglag.
ay, hindi po sa akin yan.
tumayo na ako at naglakad papalapit sa pinto. kakaunti na lang ang tao kaya hindi ako nahirapan. huminto na ang tren at bumukas ang pinto nito. ilang hakbang pa lang ay napahinto na ako dahil hindi ko makita kung nasan ang magnetic card.
yung magnetic card, nasan na?
kinakapa ko sa jacket ko. wala. sa bulsa ko, wala rin. sa bag ko, wala pa rin. ayaw ko magbayad ng multa para sa kapiranggot na piraso ng card. di bale na nga. kakausapin ko na lang ang manegement ng lrt baka sakaling maawa sa akin at pauwiin ako ng buhay.
miss ganda, sandali lang! miss ganda!
napalingon ako sa direksiyon kung saan nanggagaling ang boses. siya na naman? kelan ba ako lulubayan ng lalake na ito? nagmamadali siyang tumakbo papunta sa akin para iabot ang card.
naiwan mo ang magnetic card mo
naku, salamat nakuha mo pala
oo nga, galing ko ano?
paano mo nalaman na
na babae ka?
oo
lumingon ka nung tinawag kitang miss ganda.
aaaaah.
ang kapal ng mukha mo ano?
hahaha. gago ka rin.
nakita ko ang screen saver mo bago nawalan ng baterya ang phone mo
screen saver?
oo, ang ganda nung babae na nasa screen saver.
ganun ba?
oo, pero mas maganda siya sa personal.
biglang tumigil at tumahimik ang magulong mundo ng lrt station. wala na akong ibang nadidinig kundi ang tibok na lang ng puso ko habang nakatitig sa kanya. nakakailang na pagkakataon ito. hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko–ang isasagot ko sa mga ngiti niya. ang ikikilos ko, pati paghinga ko hindi ko alam kung ititigil ko na.
ayan na yung buzzer.
magsasara na yung pinto
sige mauna na ako sa iyo
sige babay
bye miss ganda, ingat ka.
gusto ko ng matunaw. lahat ng mata ng mga usiserong pasahero nakatingin na sa akin para hanapin kung sino ba si miss ganda na tinutukoy ng lalake na iyon. mukhang nadismaya sila dahil ang tanging nakikita nila ay isang babae na kumportableng magsuot ng damit na panlalake. habang siya ay kumakaway, unti unti naglaho ang kanyang imahe sa likod ng pinto ng lrt kasabay ng pagasa na mas makilala ko pa siya. kakaibang lalake, bibihira lang ang nakakasigurado na babae nga talaga ako kahit na sinusubukan kong magdamit ng panlalake. mas kumportbale kasi ako kapag ganito, sa pagiging magaslaw at hindi pino, pero hindi maikukubli ng mga katangiang ito ang totoo–na babae pa rin ang isip at puso ko.







