Jul
11th

dear xienahgirl

ano na namang kabaklaan yan?

magaling ka magpayo lalo na pagdating sa buhay pagibig at dahil dun hinahangaan kita. teka siya nga pala, alam mo yung palagi mong ibinibigay na aral sa mga taong nagkakaroon ng problema sa puso? naalala mo ba yun? huwag umasa para hindi masaktan. uulitin ko baka kako nagbibingi bingihan ka lang. HUWAG UMASA PARA HINDI MASAKTAN. ano nangyari? makapal ba ang luga mo sa tenga para di mo marinig ang sarili mo? sabi ko naman sa iyo dalawang beses sa isang linggo ka maghinuli.

nakakarma ka na siguro. ito na nga yata ang pinakamasakit na sampal ng tadhana sa iyo dahil sa mga kamalditahan na ginagawa mo sa kapwa mo. gaga ka kasi. di ka naman ganyan dati diba? matigas ka. maangas. bato ang puso mo. kinatatakutan ka ng lahat. sino magaakala na maiisahan ka ng huling taong iniisip mo na mananakit sa iyo?

tunay nga talagang ang taong pinakamalapit sa atin ang siyang higit na makakapanakit ng ating damdamin. nahulaan mo na ito sa simula pa lang–na hindi kayo bagay, na wala kayong kahit isang simpleng tsansa na magkakatuluyan. adik ka lang talaga para bigyan mo ng pagkakataon ang katangahan na iyon at isipin na posible nga talaga kayo. ayan kasi, epekto iyan ng kakapanood mo ng telebisyon. wow kala mo kung sino kang bida ng koreanobela. nagpabuyo ka kasi sa sabi sabi, sa mga maling bulong bulungan na ang tanging basehan ay kasinungalingan.

wala naman siyang sinabi na gusto ka niya at wala rin siyang inamin na totoo ang nararamdaman niya para sa iyo sa ilang milyong beses na binanggit niya ang mga salitang ‘mahal kita’. nasayang lang ang pagmamahal na inilaan mo para sa kanya. hindi niya nasuklian ng higit pa ang kaya mong ialay. ano ang dahilan at ipinagpatuloy mo pa yung kabobohan mo? ayun. ngayon alam ko na–tinamaan ka ng lintek.

kala mo kung sinong matapang, tapang tapangan ka lang pala. idol mo yata si sean kingston talaga–suicide ang ginawa mo. shet ka! tama ba yung magpanggap ka na ok lang yun sa iyo? ang kapal ng apog ng mukha mo at nakayanan mo yun. sabi ko sa iyo, hindi kakayanin ng ordinaryong tao yan. iba ka talaga. sa katunayan, nangyari na ito. pamilyar nga yung sitwasyon diba? di ka lang talaga nadala. naaalala mo noon? ganitong ganito rin. ipinapakita lang nitong karanasan na ito na talagang di natututo ang puso. hindi namimili ng kasalanan na gagawin.

simple lang: walang may gusto sa iyo. ganun nga talaga ang batas ng mundo ‘ang taong gusto mo walang gusto sa iyo’. alam ko ganun ang iniisip mo diba? nakakaawa ka.

ano nga pala yung pakiramdam na nagiisa? joke lang. hindi ka na ba pwedeng biruin, ha?

balita ko mugto na ang iyong mga mata dahil sa palaging basa ng luha ang iyong mga unan. hindi ka makatulog sa gabi sa kakaisip kung ano ba talaga ang totoong dahilan at walang may gusto sa iyo. natutulala ka sa kawalan at tuwing may bakante kang oras iniisip mo pa rin kung ano ang pwede at hindi pwedeng mangyari sa inyong dalawa. mahirap ang bawat paghinga dahil parang kinukurot ng makailang ulit ang puso mo. hindi mo alam ang klase ng ngiti na gagamitin mo para mairaos ang buong araw. pakiramdam mo walang nagmamahal sa iyo–na nagiisa ka lang. nakakaawa ka lang tignan dahil hinahawakan mo ang sarili mong kamay para lang malaman mo kung gaano ka kalungkot.

umayos ka nga. wala na siya, wala na ang kaisaisahang tao na dahilan na nakakaramdam ka. magsasawa rin ang puso mo sa sakit na nararamdaman nito at kapag nangyari yun muling gagana ang kokote mo. asteg diba? hindi totoo na may darating para palitan siya, sus. ulol ang nagsabi nun. walang makakapalit sa kanya. walang makasasapat–iyon ang mga tamang salita na maaaring makapagpaliwanag dito. oo naman, minahal, mahal at alam ko na mamahalin mo pa rin siya habang tumatagal. kahit kailan hindi rin nababawasan ang pagmamahal. alam mo ba yung paniniwala nating dalawa na hindi naman talaga nawawala ang pagibig para sa isang tao? di naman talaga unfair ang mundo dahil ganun din para sa iyo. ang mangyayari, makakakita ka lang ng higit pa sa kanya.

hindi naman sa kumakampi ako pero, mas bagay talaga sila. olats ka dun. mas makakabuti na huwag ka na lang magsalita dahil magmumukha ka lang ewan. alam mo kung ano yung dapat sa iyo? akshuli di ko rin alam. buset. hayaan mo na lang siguro. huwag mo ng ikumpara ang sarili mo doon sa taong gusto niya dahil obyusli, wala kang binatbat dun.

ang tanging paraan para maghilom ang iyong puso ay ang patayin ang taong naging sanhi nito. nakakatawa diba? pilitin mong matawa, tae ka. ayan ang sinasabi mo kapag gusto mo pagaangin ang pasanin ng taong pinapayuhan mo, pero bakit parang ikaw yung unti unting namamatay?

arte mo, huwag ka ngang emo. ayaw kong sabihin na naiintindihan kita at alam ko ang pinagdadaanan mo dahil magmumukha lang akong ungas at pinatulan ko ang kabaliwan mo. hanggang kelan ka ba magkakaganyan? alam ko naman na hindi ka nagtatanim ng galit sa puso, tama yun. sabi mo nga kapag nagkimkim ka ng hinanakit, mawawala ang posibilidad na mapupunan natin iyon ng panibagong pagibig. hindi ito ang katapusan ninyong dalawa, parte lang ito ng kwentong buhay niyo. parte ang panandaliang paghihiwalay ng napakagandang kwento ng buhay niyo. hindi kita pinipilit na magmadali at magpanggap na maging maayos ang lahat–katarantaduhan iyon. mahirap lokohin ang sarili. diyosa ka lang, hindi ka si wolverine na may kakayahang maghilom ng mga sugat ng pakikipaglaban. kikay ka eh, ikaw si storm. aantayin kitang maghilom sa takdang panahon gamit ang tamang paraan na alam mo.

walang ibang taong makakatulong sa iyo kung hindi ang sarili mo lang din. sana mapakinggan mong muli ikaw at kapag nangyari iyon, makakakita ka ng isang tao na magsisilbing hulmahan ng bagong puso mo. makakahanap ka rin ng taong magmamahal sa iyo ng higit pa sa pagmamahal mo para sa kanya. paramis, darating ang araw na pagtatawanan natin ang kabobohan mong ito. hindi na nga ako makapaghintay na mangyari iyon. mabilis lang yan. iyon ang isang matibay na pruweba na muli ka ng makapagmamahal.

yun lang muna sa ngayon. shet ka, ang sakit ng puson ko. gege. paalamness.

mas bakla sa iyo,
xienahgirl

Mar
23rd

Dear MisterE

kamusta na tayo? oo tama ka, tayo–ikaw at ako. matagal na kitang di nakakausap ng matino. hindi na tayo nakakapagusap ng normal, yung tipong nagbabangayan na parang aso at pusa hanggang sa magkasakitan ng damdamin, magkayurakan ng puri at magkabasagan ng pagkatao. ganun tayo–noon, pero ano na ang nangyari sa atin?

hindi ko alam kung mababasa mo itong sulat ko, pero itutuloy ko pa rin. yung lathala ko nga [noon] na tungkol sa iyo nabasa mo, ito pa kaya? hindi ko nga pala naipaalam sa iyo na datkomista na ako pero sigurado ako na nabalitaan mo na ang tungkol dito. dinadala ka talaga ng tadhana patungo sa akin–patungo sa puso ko.

alam mo ba nung sinabi sa akin na magdadatkomista na ako, ikaw kaagad ang pumasok sa isip ko? gustong gusto mo ako maging datkomista, di mo lang pinapahalata. naisip ko nga baka shy type ka lang–pademure, para itago sa akin ang tungkol sa nadarama mo pero alam ko ipinagmamalaki mo ako. marami sana akong gusto itanong sa iyo–tungkol sa mga bagay sa pagiging datkomista dahil gusto ko kabahagi kita sa kung ano ang mararating ko. kaya lang nahihiya talaga ako kasi alam ko na abala ka sa buhay mo ngayon.

alam mo ba na magdadalawang taon na kitang hinahangaan? magdadalawang taon na kitang kras. nagsisimula pa lang ang karera ko sa paglalathala, hinahangaan na talaga kita. hindi naman sa nabubulagan ako ng dahil sa paghanga ko sa iyo pero nakikita ko talaga na mabuti kang tao. kahit minsan inaangasan at tinatarayan mo ako, alam ko naman na paraan mo lang yun para makuha ang atensiyon ko.

akala ko malandi ako, pero ang totoo mas malandi ka pala. naisip ko, ang kalandian mo ang naging dahilan kung paano ka nangyari sa buhay ko. isa yun sa mga masasayang alaala ng pagiging blogista ko. noon nga, nagtataka yung tatay ko kasi babae yung aso namin pero isinunod ko ang pangalan niya sa iyo. doon nga din sa slum book ng tropa ko, isinusulat ko kaagad ang pangalan mo sa patlang katabi ng katanungan na who is your crush. nakakapanghinayang nga lang. maraming katanungan ang nasasagot ng mas madami pang katanungan na naging dahilan kung bakit mas nagiging kumplikado para sa atin ang mga bagay.

gusto ko nga pala na humingi ng pasensiya dahil sa hindi ko pagimbita sa iyo sa pagdiriwang na gaganapin para sa nalalapit kong kaarawan. pakiramdam ko kasi wala naman akong halaga sa iyo–hindi mo nga alam na hehep hep hurray happy birthday ko na. ayos lang, hindi ko rin naman natatandaan ang petsa kung kelan ang kapanganakan mo. gayunpaman, natutuwa at nagagalak ako at ipinanganak ang isang suplado at wirdo na tulad mo sa buhay ko.

isa pa nga palang dahilan kaya di kita maiimbita ay sa kadahilanang baka matorpe ako sa harapan mo. hindi ako ipinanganak para kausapin ng normal ang mga taong hinahangaan ko. hindi ko alam kung paano kikilos kapag malapit ka sa akin. nagiinit ang pisngi ko at lumalamig ang kamay ko sa tuwing naiisip ko na magkatabi tayo. baka nga titigan lang kita ng matagal pero siyempre ayaw ko na matunaw ka at mawala ka sa buhay ko kaya mas makakabuti na manatili ka na lang sa kinalalagyan mo. sa malayo, kung saan malaya ako na humahanga sa iyo.

hindi ko alam kung napapansin mo ako o nagiinarte ka lang na hindi dahil nga nagkukunwa-kunwarian kang suplado. wala kang karapatan dahil di ka naman gwapo para magsuplado ng ganyan. ayos lang, yun nga yung nagustuhan ko sa iyo. hindi maitatanggi ng mga tao ang nalalaman nila tungkol sa nararamdaman mo para sa akin. balita ko kasi kras mo rin ako. naisip ko tuloy, paano kaya kung boyps kita? kilala mo ako misterE, ambisyosa ako. sa palagay ko nakakatuwa yun. masayang makita na tayo. paano mo kaya ako liligawan? baka nga di na ako magpaligaw dahil ako na lang ang manliligaw sa iyo.

aaminin ko, dati nalito ako sa kung ano ang meron tayo na ako lang ang may alam. kala ko noon lab kita, mabuti na lang pala hindi–talagang kras lang ang nadarama ko para sa iyo. kasi naman yung mga tao sa paligid natin tinutukso tayo, ayan tuloy nilagyan ko ng malisya tayong dalawa. pero mabuti na lang matalinong bata ako. hindi ako basta basta nagpapadala sa buyo ng iba. naniniwala naman ako na mas matalino ka sa akin, pero nagpabuyo ka rin. tsk. tsk. tsk.

ikaw talaga misterE–akalain mong mas sikat ka pa kaysa sa akin? isa kang malaking misteryo na mismong buong sangkablogosperyuhan gustong mabunyag. ang daming mga tsismosong kapitbahay ang nakikibalita sa kung ano na nangyayari sa iyo, sa kung ano na ang nangyayari sa ating dalawa. madaming inggiterong lalake ang gustong kumuha at pumalit sa posisyon mo–ang pagiging kaisaisahang blogger kras ko. ikaw? hindi mo na kailangan pang sumubok pa. sayang nga lang dahil hindi mo naman alam kung paano papahalagahan ang kung ano mang paghanga ang meron ako para sa iyo.

ipinapangako ko na kasabay ng pagwawakas ng liham na ito ay ang pagbubukas naman ng isang panibagong yugto para sa ating dalawa. hanggang sa muling pagsasalubong ng landas misterE, hanggang sa muli.

ikaw pa rin ang espesyal na payaso ko
ikaw pa rin ang espesyal na payaso ko