Lumipat kami ng bahay.
Pangatlong beses ko na ito na lumipat ng bahay simula ng nagkatawang tao ako at natutong makipagsapalaran sa mundo. hindi naman ako nagrereklamo sa kung paano ang naging buhay ko ngayon pero pwede ba akong magsumbong sa inyo?
Yung unang sweldo ko naubos lang na pang down payment sa bagong apartment.
Gusto ko makatulong sa pamilya ko, lahat naman siguro–iyan ang unang bagay na kinokonsidera sa pagtratrabaho pero hindi ko naman akalain na ako na ang sasalo sa obligasyon na buhayin kaming maganak. Ang akin lang naman, bente uno anyos pa lang ako. marami pa akong gustong gawin sa buhay. Marami pa akong luho na gustong bilhin. Marami pa akong bagay na gustong mangyari. kung patuloy na magiging ganito na ako ang sasalo sa resposibilidad na hindi naman talaga dapat sa akin, hindi lang ako magkakandakuba sa pagtratrabaho, kundi magiging isang tigang na matandang dalaga pa ako.
Magaaral na ako maggantsilyo at mangausap ng mga halaman sa hardin.
Siyempre gusto ko rin maganak pero mukhang magiging napakalabo.
Wala nga akong nabili na luho para sa sarili ko. Hindi ko man lang nalasap ang katas ng sarili kong paghihirap. Hindi man lang nga ako nakabili ng bagong sapatos o kahit cheek tint man lang. nauubos yung pera ko sa pagkain at pamasahe. Nakakalungkot dahil ang laki ng gutom ko kaya tumaba tuloy ako.
Masaya dahil petiks lang ang trabaho sa gerbis. Akin ang oras at parang nasa bahay lang. ang kinagandahan, binabayaran ako per ora. Ang mahirap ay yung oras ng trabaho at kung paano pumunta sa trabaho.
Tigasan ka? Sa mga taga mandaluyong diyan, pakibahay ako.
Mainam na rin siguro na lumipat na kami ng bahay. ayaw ko kasi na para kaming nasa ilalim ng anino nung matapobreng matandang hukluban na kasera namin. May respeto ako sa matatanda pero siya yung tipo ng magulang na dapat talaga bastusin. Kahit posibleng tarantaduhin ko siya, siyempre hindi ko ginawa at magagawa yun—muntik lang, sa hinagap.
Ang plastik kasi nung matanda. Kapal ng mukha. kunwari nagaalala sa kalagayan naming maganak—neknek mo kang gurang ka. basta marami pa akong reklamo sa kanya.
Ayos naman dito sa bago naming bahay. nasa loob kami ng isang compound. up and down tapos dalawang kwarto—akin yung isa. Pangarap ko magkaroon ng sariling kwarto at ngayon na meron akong matatawag kong akin, saka naman kutson lang at electric fan ang laman nito. Kakalog kalog.
Ang gwapo nung anak ng mayari. Yes. pero hindi ko pa siya nakikita mula ng lumipat kami. No.
Kung kailan na kami nagkaroon ng maluwag na lugar para makapagestima ng bisita saka naman ako nawalan ng kaibigan na pwedeng papuntahin. Hindi, mali kayo sa akala niyo na loner ako–sadyang wala lang ako talagang balita sa mga tropa ko nung highschool at college. Kasalanan ko rin naman, hindi ko binigay ang contact number ko sa kanila. Wala lang. ayaw ko kasi.
welkam sa bahay ko. welkam sa buhay ko. Have a nice life.
alam ko na sikreto mo
13 comments

