sweldo na naman?

15 Comments »

hindi ko talaga alam kung ano ba talaga silbi ko dito sa opisina kung empleyado ba ako o financier. pare-pareho lang naman kaming sumusweldo sa kumpanya at sa katunayan, mas malaki pa nga ang sweldo na nakukuha ng mga indiong ito kesa sa akin pero bakit naman sa dami ng pwedeng utangan ako pa ang lalapitan?

maniwala ka, lahat na lang yata ng dahilan nadinig ko na–kesyo pambili ng gamit, ultimo sanitary napkin sa akin pa iaasa. pangmatrikula ng kapatid, pambayad ng amilyar ng lupa, pamasahe pauwi, panggatas ng anak. teka, may dede ka naman bakit hindi mo pasusuhin yung anak mo? panginom, pangbayad renta, panlibre sa syota. your emergency is not my emergency. huwag mo sa akin iasa ang kakulangan mo ng pagasa sa pera.

dati, maluwag ako sa pagpapaluwal ng pera. nakakaipon naman ako at wala naman akong masyadong pinagkakagastusan dahil kadalasan ako ang ginagastusan. kaya lang, isang araw naisip ko na panay palusot na lang yung isa kong kaopisina dahil hindi siya makapagbayad. isipin mo, iwan ba naman ng sadya yung atm niya para lang masabi na hindi niya maibabalik yung perang hiniram niya sa araw na iyon? sa kagustuhan kong makatulong, yung iba natututong umabuso. pautangin mo ng isang beses, sa susunod na linggo uutang na naman. aba, meron nga diyan kakasweldo pa lang uutangan na agad ako. gusto ko magtanong kung saan niya dinadala yung pera niya kaso kapag ginawa ko yun parang hindi naman matatapos yung diskusyon at ang malala, ikaw pa magmumukhang madamot.

isa pa, ayaw ko nung hindi tumutupad sa pangako. kapag sinabi mo sa ganitong araw mo ibibigay, aasahan ko na sa ganitong araw mo ibibigay. paano mo naman pauutangin ulit yung mga ganyang klase ng tao? may pangangailangan din ako na pinaglalaanan ko, hindi ba nila naiintindihan na ganun din ang kalagayan ko tulad nila? maswerte nga sila hindi ako nagpapatong ng interes o humihingi ng kahit ano pang kapalit. sana man lang yung tanawin nila yun bilang pakunswelo ko sa kanila. mabuti kung bente pesos lang yan, trenta, singkwenta pwede ko na kalimutan yan pero kung ang pinaguusapan dito limang libo, sampung libo, parang iba na yun.

nakakatawa pa nga kasi meron akong isang kaopisina na hindi ko naman talaga kinakausap kasi ang bigat ng pakiramdam ko sa kanya. nakakatakot siya kasi nakilala siya sa opisina dahil nangangain siya ng tao, rason kung bakit hindi ko siya pinapansin. magugulat na lang ako bigla akong nilapitan para lang umutang. gusto kong sabihin na ‘hindi tayo close, mam’ kaya lang gusto ko pa sanang manatili akong buhay dahil hindi pa ako nakakatikim ng luto ng diyos kaya wala na akong nagawa at pinautang ko na lang. kahit pa sa backpay o 13th month pay ko na lang matanggap, ayos lang. basta wag na muna niya ako kausapin.

minsan napipilitan na lang yung mga tao gumawa ng mga bagay para sa pera. kapit kung kapit sa patalim. hindi mo naman pwedeng turuan ang mga yan na maging responsable sa pera kasi baka sabihin naman na minamasama mo yung panghiram nila ng pera. hindi ko na alam minsan kung saan ako lulugar basta alam ko ayaw ko ng pakiramdam ng may utang. paano kaya sila nakakatulog sa gabi? paanong may mukha pa silang naihaharap sa mga taong pinagkakautangan nila? yung ipapambayad mo sa utang mo, inutang mo lang din.

kita mo, sweldo na naman. dadaan lang yung pera sa palad nila at bukas makalawa may lalapit na naman sa akin. walang katuapusan.

« Previous Entries