Feb
14th

to all the boys i love

ang baduy humingi ng vacation leave sa araw ng linggo pero alam mo ba kung ano pa yung mas babaduy kesa diyan? yung humingi ka ng vacation leave sa araw ng linggo dahil valentine’s day.

katarantaduhan.

bakit ka nga naman hihingi ng vacation leave sa araw ng linggo? linggo nga diba? wala talaga dapat pasok yung mga manggagawang pilipino sa araw na yan dahil araw ng pahinga. diyos nga nagpapahinga, tayo pa kaya mga nilalang niya? wala tayong karapatang higitan ang pagiging workaholic ng bathalumang sinasamba natin. kaya lang, hindi naman ako manggagawang pilipino kaya hahayaan ko na lang na malunod ako sa trabaho kesa naman intindihin ko pa kung gaano ako kaawaawa dahil wala naman talaga akong ibang dahilan para magdiwang ng araw ng mga puso.

23 taon ko na itong ginagawa pero bakit parang pabagobago ako dahil hindi pa rin ako sanay?

dahil katulad ng hindi naman talaga ako obligadong humingi ng vacation leave sa araw ng linggo, hindi rin naman talaga ako obligado gumawa ng lathala tungkol sa araw ng mga puso pero dahil sa ikalawang taon ko na ito dito sa datkom, minarapat ko na rin na simulang ipakita sa lahat na marunong ako magpakabobo sa pagmamahal. atsaka parang mas katanggaptanggap naman ito kesa malaman ng buong opisina namin na meron akong kinakalantaring wala naman.

naguluhan din ako sa sinabi ko.

maraming gustong makaalam kung ano na nga ba ang totoong pinagdaanan ng puso ko nitong mga nakalipas na taon. kahit maraming nakakaalam sa mga kaibigan kong tsismoso ang tungkol sa mga kalokohan ko, hindi pa rin talaga kasi ako naging bukas sa ideya na magkwento ng tungkol sa buhay pagibig ko dito sa datkom–kahinaan ko ito. siyempre naman, bakit ko ipapalam sa inyo kung saan ako nagpapakatanga? alam ko kahit paano, mataas ang tingin ng ilan sa akin tapos biglang malalaman nila kung gaano karupok yung puso ko.

good luck.

naniniwala kasi ako na merong tatlong kanto ang bawat kwento: sa akin, sa kanya at yung sa aming dalawa. magiging napakadaya ng gagawin kong ito dahil anggulo ko lang yung ikukwento ko. istorya ko lang yung malalaman ninyo. hayaan niyo, alam ko naman na nagbabasa yang mga kupal na yan ng blog ko kaya maging mapagmatyag tayo sa kung paano nila ilalahad yung kwento ng kalandian nila sa akin.

abangan niyo yung kwento ng pagkakaroon ko ng malisya sa 4 na lalake. 7 nga sana ito pero 4 na lang muna dahil nakakatamad magkwento. isa pa, hindi rin naman ako sigurado kung minahal nga rin nila ako. basta, sa dinamidami ng lalakeng dumaan sa buhay ko–4 lang ang masasabi kong minamahal ko pa rin.

mukhang mapapasubo ako nito, bahala na.

Jan
20th

pacific hub

pangkaraniwang araw na sa akin yung pumapasok ako sa trabaho ng hindi nakakapagayos. tipong gigising ako, magbibihis, magsisipilyo tapos sabay sibat na parang adik na nakahithit ng sinunog na alpombra. noon ko pa problema ang palaging kinakapos sa oras at wala akong balak gawan iyan ng paraan. sa palagay ko kasi mas epektibo akong tao kung palagi akong nagagahol sa oras na para bang mas nailalabas ko pa yung husay at talento ko sa pakikipagsapalaran ko sa buhay.

nagmamadali akong naglakad mula sa MRT papuntang trabaho habang inaayos ko yung buhok kong nagkabuholbuhol dahil nga sa wala na akong oras na makapagsuklay ng biglang may isang lalake na umistorbo sa ginagawa kong multitasking abilities.

lalake: miss anong oras na?
xienahgirl: quarter to 9.
lalake: ano? 8?
xienahgirl: quarter to 9.
bingi lang? hindi ata relo kailangan niya kundi palito na may naka balot na bulak sa dulo para panghinuli. gusto ko rin sanang sabihin na oras na para bumili siya ng relo pero wag na lang dahil wala akong panahon makipagdebate habang kumakandirit ng lakad sa bangketa ng ortigas.

lalake: ang hirap pumasok sa trabaho ng ganitong oras ano?
xienahgirl: sanayan lang
lalake: diyan ka ba sa kanto nagtratrabaho? ako kasi sa kabilang kanto
xienahgirl: ah oo
pagkatapos, dinedma ko na yung lalake. akala ko nga wala na siya at naghiwalay na kami para bumalik sa mga kanya kanya naming buhay pero huwag ka, ang kulit niya at talagang gusto pa makipagusap sa akin.

lalake: ako nga pala si (insert name here) taga (insert company name here)
xienahgirl: shella, gerbis
lalake: balita ko mahirap yung trabaho dun pero maganda kasi madaming incentives
xienahgirl: ahkei
hindi ako nakikipagusap sa mga taong hindi ko kilala at lalo na sa mga hindi mukhang tao. akala mo kung sinong gwapo umasta. nasobrahan ata sa pambobola ng mga magulang niya ito kaya akala niya talagang magandang lalake siya. ano ba bigas na kinakain nito at nagkaron siya ng lakas ng loob para magpakilala sa akin? dapat ipagbawal na sa pilipinas yan. hindi naman sa nanlalait ako pero mas malala pa kasi yung gusto kong gawin–gusto ko pa sana yurakan ang pagkatao niya pero parang ayaw ko na lang sabihin na ang liit niya at mukha siyang tanga–hindi siya bagay sa kahit sinong nilikha ng diyos dahil ang pangit niya.

lalake: pwede ko ba makuha ang cellphone number mo?
xienahgirl: HINDI KO DALA AT HINDI KO KABISADO
lalake: pansin ko nga wala kang bag
xienahgirl: mahirap na sa panahon ngayon dahil napakadelikado
akala ko kapag sinabi ko yung mga piling impormasyon ko, titigilan na ako pero, de puta naman! dumodonromantiko si gago. hindi niya ba alam yung salitang swabe? ang bulok talaga ng style niya na parang gusto ko lang manuntok ng panga ng lalakeng may hawak ng selpon nung mga panahon na iyon. malas lang kasi siya pala yung tinutukoy ko. hindi ako nagsisinungaling sa parteng ito ng usapan namin: hindi ko dala ang selpon ko at hindi ko kabisado ang selpon number ko. ewan ko. parang naisip ko na lang na iwan yung selpon ko sa bahay dahil ginagamit ko lang naman ang selpon ko para gawing alarm clock. isa pa, wala namang premyo kung makabisado ko yung numero ng sim card ko. iyan lang ang mahirap kapag wala kang bag na dala dahil wala na silang ibang makukuha mula sa iyo kundi ang puri mo. asa naman sila na makukuha nila yun agad?

lalake: sige dito na ako shella, nice meeting you.
xienahgirl: …
first name basis? kunwari feeling close. ayaw ko maging bastos pero hinihiling ng pagkakataon kaya ako ganito. wala akong interes sa mga usapan na tulad nito. wala akong balak na magkaron ng emosyon sa mga eksenang tulad na ito. nahalata siguro nung lalake na iniisip kong masama siyang loob kaya nilubayan na ako.

naisip ko, may selpon siya. bakit hindi siya tumingin ng oras dun?

ano ba? 2010 na. nasa bagong dekada na tayo yan pa rin ang mga linya? ang luma. uso pa pala yung mga ganitong klase ng punchline. sanay na ako sa mga ganitong pangyayari. maniwala kayo, ang dami ko ng beses na nakaranas ng mga ganitong klase ng bagay. partida, wala pa akong make-up niyan. pupungas pungas pa ako. hindi ako nakakuntodo postura pero ang lakas pa rin ng dating ko.

proof that im mothafucken gorgeous.

natuto na ako: aalis ako ng maaga sa bahay para hindi ko siya makita at makakasabay sa paglalakad papuntang trabaho.

Oct
30th

XXVIII discombobulated

Comments Off

sa mga alam at hindi ko alam.
sa mga gusto at hindi ko gusto.
sa mga mahal at hindi ko mahal.

nandito ako ngayon sa isang madilim na kwarto at nagsusulat ng tungkol sa wala akong ideya kung paano ko ipapaliwanag. inuudyok ako ng pagkakataon na maging masalimuot at maging miserable kaya hinayaan ko ang sarili ko na lamunin na lamang ng karimlan. mahirap talikdan ang ganitong bugso ng emosyon. meron akong mga bagay na gustong sabihin sa mga tao sa personal pero mukhang matatagalan at mahihirapan ako, kaya dito ko na lang siguro itatagubilin ang lahat ng aking nadarama.

sa iyo, na alam kong relihiyosong sumusubaybay sa talambuhay kong ito, gusto kong iparating sa iyo na binigyan ko ang sarili ko ng napakaraming pagkakataon para mahalin ka. inantay ko ang punto na titibok ang puso ko para sa iyo pero sa dami ng araw, linggo at buwan na nagdaan–nalulungkot ako dahil naisip kong hindi ako pwedeng magpanggap sa sarili ko. hindi ko kayang suklian kung ano ang naibigay mo.

salamat at nangyari ka sa buhay ko, kaya lang, hindi pa ngayon ang panahon ng pagibig.

Oct
18th

XVI pinoy henyo

Comments Off

kung sabihin ko kaya sa kanya na ako si xienahgirl, yung bastos ang bibig na may-ari ng isa sa mga pinakawalang kakwentakwentang blog sa internet, sa palagay mo mamahalin pa rin niya ako?

Oct
14th

XII notice

hindi ako lumalabas kasama ang mga lalake na mas malaki pa ang bayag ko kesa sa kinikita nila buwan buwan.

kehoror.

maghanap ka na lang ng ibang babae, yung magmamahal sa iyo ng tunay kahit mas mahirap ka pa sa kanya.