bumili ako ng imbotido mula sa kaopisina ko

magisa ako umuwi ngayong araw na ito–kaiba dun sa nakagawian ko na kasi kadalasan may kasama akong naglalakad tuwing alas kwatro ng madaling araw papunta dun sa sakayan ng bus.

meron akong nakitang grupo ng mga lalake. iisa lang yung direksyon na pupuntahan namin pero lumihis ako kasi baka mamaya masasamang loob pala sila–tipong mangkukuyog para bugbugin ako tapos kunin yung imbotido na iuuwi ko para sa pamilya ko. narinig ko yung isa sa kanila binati ako. hindi ako natuwa, sa katunayan nabastos pa nga ako. parang hindi naman kasi kaigaigaya sa pandinig yung ginawa niya. huminto saglit yung grupo nila sa bangketa tapos sumakay na rin ng ordinary na bus nung may makita silang dumaan.

pumunta ako dun sa pwesto na binakante nila, ako naman yung nagantay ng bus. alam niyo ba na ang tatamad ng mga drayber ng bus na malanday? nasanay tuloy akong maghintay sa tuwing madaling araw. matapang ako kasi awa naman ng diyos, hindi pa ako nagkaroon ng masamang karanasan. lilingalinga: kanan. kaliwa. mahirap na dahil wala naman talaganag nakakaalam kung kelan ka bubulagain ng kutsilyo sa tagiliran. napansin ko may dalawang anino na papalapit sa akin, kinabahan na ako pero pinipilit kong lokohin ang sarili ko at sabihin na hindi naman sila talaga magdadala ng kapahamakan kaya tumitingin na lang ako kunwari dun sa mga plakard ng mga bus na dumadaan. mayamaya, palaki na ng palaki yung anino at nung maaninagan ko, dalawang matanda. may tinatanong sila sa akin pero parang nabingi ako saglit dahil nga sa mga humaharurot na sasakyan. ang pagkakaalala ko cubao, san daw ba yung cubao? hindi ko na sinagot kasi hindi ako nakikipagusap sa mga hindi ko kilala saka nakita ko na rin yung bus na papuntang malanday. iniwan ko yung dalawang matanda tapos tumakbo ako tungo sa bus habang pinapara ko. biglang may malakas na busina at paglingon ko sa kaliwa nakita ko dalawang nakakasilaw na liwanag mula sa rumaragasang bus.

flashback fail.

wala akong nakaraang naalala mula sa kamuntikan kong pagkakabundol. hindi ko alam pero sa sobrang kalungkutan ko bigla akong napaatras ng isang hakbang. natauhan na lang ako nung naramdaman ko yung bus na parang hahagipin na ako.

hindi ako namatay. sayang. naudlot na trahedya.

nakauwi na ako sa bahay, dala ko pa rin yung imbotido. kadalasan kasi kapag bumababa ako ng tricycle, tinatahulan na ako agad ng dalawang aso namin. kinuha ko yung susi ko. binuksan ko yung pinto. sinalubong ako nung isang aso namin na hindi nakatali, si sundae, askal. hindi mo makikita kung masaya siya sa tuwing dumarating ka kasi putol yung buntot niya. hindi niya maikawag–kumakawag siguro pero hindi halata. tinapik ko siya sa ulo tapos hinaplos ng bahagya para sagutin yung paggalaw niya kuno ng buntot niya.

inilagay ko sa refrigerator yung imbotido tapos dumiretso na ako sa likod bahay. nagtaka na ako kasi hindi ako nakarinig ng tahol kaya binuksan ko yung ilaw sa labas, nandun nakahiga si lulu, labrador. gustong tumahol pero hindi makatahol. tinapik ko siya sa ulo pero hindi siya gumagalaw. sabi sa loob ko, problema ito. ginising ko mula sa pagkakatulog yung kapatid ko, veterinary medicine student. gusto niya maging doktor ng mga hayup tulad ng tatay ko. nung una ayaw pa niya bumangon, istorbo daw ako. kaya lang wala na siyang magagawa kundi ang bumangon kasi tinatadyakan ko na siya imbes na yung kama niya.

totoo pala yun ano? galaw galaw para di mastroke. pinuntahan ng kapatid ko si lulu, minasahe ng konti. ginalaw galaw yung katawan. ako naman tinatapik ko ng madaming beses yung ulo ni lulu. noon lang kasi ako nakalapit sa kanya ng ganun kalapit dahil kadalasan dinadamba niya ako. makulit siyang aso. masyadong bibo na umaabot sa puntong nakakapanakit na siya sa sobrang katuwaan niya sa tao. ang taba niya. ang sarap yakapin kaya hindi ko na pinalagpas yung pagkakataon na gawin yun habang kalma pa siya. bigla kong nakita na naglalaway na siya–hindi na kasi niya maigalaw pati bibig niya. sabi ng kapatid ko tawagin ko daw si mama. sabi ko bakit naman? ano maitutulong ni mama sa kanya samantalang siya yung doktor ng mga hayup. sinigawan ako. sabi niya basta tawagin ko na lang daw.

umakyat ako, bumaba si mama. hindi ko na alam yung nangyari kasi nga akala ko kaya na nilang alagaan si lulu. nagbihis ako ng pambahay, matutulog na kasi ako ng bigla akong nakaramdam ng hindi kanaisnais na kaganapan sa baba.

nakita ko si lulu nilipat nila sa may salas, naghihingalo. bigla akong naiyak kasi nararamdaman ko na nahihirapan siya. mahal ko si lulu. hindi ko kayang nakikitang nahihirapan yung mga mahal ko. alam ko alam niya na mahal ko siya nung hinaplos ko yung katawan niya habang ginagawan ng paraan ng kapatid ko kung paano siya makakahinga. kaya lang, biglang lumawit na yung dila niya–maputla saka hindi na gumagalaw. dun na ako talaga humagulgol. nars ako, iisa lang ang kahahantungan nito, kamatayan. hindi ko na nakalamay yung emosyon ko. sinisigawan ko na yung kapatid ko. pinipilit ko siyang gawin niya lahat ng natutunan niya sa eskwela. kaya lang hindi pa sapat yung napagaralan niya. namatay si lulu sa kamay ng hindi marunong. namatay siya dahil hindi namin alam yung gagawin. ang saklap kasi hindi namin siya nailigtas. hindi ko maisara yung mata niya. hindi ko kaya. naalala ko na lang umiiyak ako sa harapan ng kapatid ko habang sinasabi ko na mamimiss ko si lulu at yung pagsalubong niya sa akin araw araw. siya lang kasi ang gising ng disoras ng umaga para iparamdam sa akin na masaya siya na makita akong ligtas.

lahat ng sumunod puro luha na lang saka sipon.

ewan ko kung narinig niyo na yung tungkol sa matandang kasabihan na kapag daw may namamatay na alaga, ibig sabihin parang iniligtas niya yung kaluluwa ng amo niya mula sa kapahamakan. kung baga, isinakripisyo niya ang buhay–ipinangtubos kapalit ng sa amo niya. hindi ko alam sa inyo, pero parang naniniwala na ako.




20k at 5buwang renta sa bahay

ang ayaw ko sa lahat, yung usapan tungkol sa pamilya.

ilang araw na rin akong hindi mapakali dahil nga sa mga problemang ibinibigay ng mga magulang ko sa akin. alam ko nabanggit ko na noon na nagkaproblema sila sa pagbabayad ng upa ng bahay. hindi ko alam kung paano nangyaring nagkautang ako samantalang buwan buwan naman akong nagbibigay sa kanila. ilang linggo lang ang nakakaraan, nagluwal ako ng malaking halaga para lang matustusan yung halos 5 buwan na kulang sa renta. masakit sa dibdib kasi ipon ko yun at inilalaan ko yun para sa kinabukasan ng mga magiging anak at apo ko pero nagkataon na napunta lang lahat sa kamay ng hindi ko naman kilala.

hindi ko alam kung bakit sa dami ng tao ako talaga ang nilalapitan kapag nagigipit sila sa pera. mukha akong madumi para mapagkamalang mayaman. siguro kasi nananaba ako at baka nagbigay sa kanila yun ng ideya na may pambili akong extra rice.

hapon iyon, natutulog ako ng biglang may kumalabit sa binti ko. akala ko nananaginip ako hinayaan ko lang pero nung kiniliti na yung talampakan ko, hindi ako nagdalawang isip na tadyakan kung ano man yung umiistorbo sa pagkakahimbing ko. madilim yung paningin ko pero naaninag ko na may tao sa tabi kaya nung iminulat ko na yung mata ko nagulat ako sa nakita ko.

si ate, kapatid ko siya sa ama. marami akong kapatid sa tatay ko at siya yung panganay. hindi ko siya gaano kasundo kasi may angking yabang. kung baga yung ugali ko? ulitin mo ng sampung tiklop, ganun siya kataray. may ere yung tuktok at ubod ng hangin. nagkandaletse ang buhay niya ng hindi inaasahang mabuntis siya. siyempre nagalit yung tatay ko–panganay na babae niya yun tapos mukhang magiging imposible na ang pagtulong niya sa amin dahil malamang uunahin niya na yung bubuuhin niyang pamilya. ito yung dahilan kung bakit sa palagay ko may boses sa likod ng utak ko na nagsasabi na magpakatino ako sa buhay dahil sa ayaw kong matulad sa kanya at ayaw ko na maging dahilan ng atake sa puso ng tatay ko.

naalimpungatan ako saglit. nagsasalita siya, nagkukuwento, pero hindi ko naiintindihan kasi nga mas mahalaga sa akin ang tulog ko kesa sa ano pa man. umikot siya sa kwarto ko at pinansin niya yung mga naipundar ko mula sa trabaho ko–camera, laptop, kung ano ano pang de kuryenteng gamit, damit, sapatos, tiket sa eroplano at kung alin pa na pwedeng mabili ng pera.

tulungan mo naman ako
bigla akong napadilat. sabi ko na nga ba may sabit siya kasi puro pasakalye yung nadidinig ko. teka, bakit siya hihingi ng tulong sa akin? napakawalang kwentang tao ko. imposible na humingi siya ng tulong sa akin kasi hindi naman kami ganoon kalapit sa isat isa para isipin niya na pwede ko siyang matulungan.

kailangan ko lang ng pangplacement
dati sa saudi siya nagtatrabaho pero ngayon nilipat na siya sa qatar. ganun din naman puro disyerto saka arabo pero mas gusto niya doon kasi daw free country. ewan ko. kung bakit gusto nila sa free country ng ibang bansa samantalang free country rin naman ang pinas. isa ito sa mga pagkakapareho namin, gusto namin yung mga bagay kahit walang kongkretong dahilan. nabanggit niya sa akin na sinubukan niya nga daw na maghanap ng trabaho sa call center pero sa kasamaang palad, bumagsak siya sa interview. sa totoo lang, akala ko maabilidad siya pero nagkamali ako. may bumabagsak pa pala talaga sa mga ganung interview? minamani ko lang yun kasi ang dali lang nung mga binibigay na test sa ganyang klaseng trabaho. nakakatawa.

2taon ka na sa trabaho mo, alam ko may naipon ka na
nakaadikan na yata niya yung pagalis ng bansa para magtrabaho. yun na yung kinabubuhay niya simula ng nakilala ko siya bilang ate ko. nakakalungkot kasi parang wala naman siyang naipundar. ang dami niya na ngang gastos wala pa siyang naipon. ako naman, napilitan magtrabaho. hindi niya kami tinulungan nung mga pagkakataon na kumikita siya ng malaki mula sa ibang bansa at kami naman ang nagipit sa pera. hindi niya man lang kami inambunan ng grasya o binigyan ng consuelo de bobo nung wala akong makain. naiintindihan ko naman kasi may panginternet ako pero wala akong pangkain? kalokohan yun diba? saka naiintindihan ko naman, may pamilya siya at iyon dapat ang unahin niya pero hindi bat pamilya rin naman kami? pangalawang pamilya nga lang. sa totoo lang nagdadalawang isip ako na tulungan siya. sabihin niyo ng masama akong tao maiintindihan ko yun pero hindi ko talaga maiwasang timbangin yung mga pagkakataon noon at ngayon.
saka isa pa, napakalaking halaga ng pera yung hinihiram niya. paano kung mamatay siya sa qatar? hindi niya ako mababayaran at oo masama talaga ang takbo ng utak ko basta pagdating sa pera.

kesa patulugin mo yang pera mo sa bangko sa akin mo na lang ipahiram at tiyak na ibabalik ko yun sa iyo ng may interes. tutubuan ko yan. ibabalik ko sa iyo may 3% na patong. sige na naman.
halos manikluhod sa kadesperaduhan nung sinabi niya yun. hindi ako pumayag. hindi dahil sa ayaw ko na patungan niya yun ng interes kundi dahil alam kong mababa yung patong na yun. alam ko bobo ako sa aritmetik pero kumpara sa kikitain niya sa ibang bansa, barya lang yung interes na ipapatong niya. pakiramdam ko tuloy ako yung tipikal na kasera sa mga teleserye na napapanood tuwing hapon. matapobre, walang puso at taklesa.

bakit naman sa dami ng tao na hihingan mo ng tulong ako pa napili mo?
hindi ito hingi kundi hiram
nagustuhan ko yung sinabi niya. napangiti ako. tulad ko, mataas ang pride niya. alam ko na ang mga taong matataas ang pride ay hindi maaatim na may utang sila kaya gagawan nila ng paraan para bayaran iyon sa abot ng makakaya nila. pinahiram ko na rin siya ng pera dahil bukod sa paulit ulit–natorete ako, hindi ko na rin pinalagpas yung pagkakataon na sinabi niya na ibabalik niya iyon sa akin ng may 5libong dagdag. yun na lang yata yung hinihintay ko. nadadaan naman kasi ako sa kulit. epektib yun sa akin.

pahingi ng papel
para saan?
gagawa akong kasulatan. maigi na ito para may katibayan ka
ano? nagpapatawa ka ba?
saka iiwan ko sa iyo yung bangles ko. mamahalin yun.
aanhin ko naman yung bangles mo?
gawin mong kolateral.
wag na. ano ba yan.
bigla akong nahiya sa mga pinagsasasabi ng ate ko. ginawa naman niya akong pawnshop. ayos na sa akin yung salita niya ang pinanghahawakan ko pero nung naisip ko na teka, baka takbuhan ako nito pinapirma ko na rin siya sa kung ano mang papel ang naabot ng kamay ko.

itext mo nga pala sa akin yung bank account mo

sige sige
saka ano
ano?
baka naman pwedeng dagdagan mo ito ng limangdaan pa?
ha?
sige na ibibili ko lang ng jollibee yung mga bata
talaga naman
ayaw ko na mabawasan itong hiningi ko sa iyo
grabe ka
saka magpapakulay akong buhok
iniisip ko na pareho kami ng ugali pero pagdating sa paghahawak ng pera? doon kami nagkakaiba. sa oktubre ko inaasahan na ibabalik niya yung pera. sa ngayon, higpit muna ang sinturon ko dahil nga pinipilit kong pagkasyahin yung natitira kong pera para sa pagkain, gastos sa bahay at luho ko. araw araw nananalangin ako sa diyos na sana maging ligtas yung kapatid ko sa ibang bansa. sana, maging maayos yung maging takbo ng buhay niya at sana, mabayaran niya yung bente mil na inutang niya sa lalong madaling panahon.




hindi niya maiintindihan kasi tagalog

masama na talaga ito. kadalasan, kulang ako sa tulog pero ibang kaso na ngayon kasi ako na mismo yung nagaantay sa alarm clock ko na tumunog. bigla akong nagkaroon ng napakaraming libreng oras simula ng tinigilan ko na yung ilusyon ko sa pagibig.

masyado na kasing masakit. umaabot na ako sa punto na para akong tanga na lumuluha magisa. binibigyan ko na nga yung sarili ko ng mga dahilan para itigil na ito. mas maganda na siguro yung ako na yung manakit sa sarili ko kesa hayaan ko pa na saktan ako ng kung sinong lalake lang diyan.

nagkakilala kami dahil sa bato bato pik. sobrang naiinip na kasi ako mula sa pagbabakasyon ko kaya naisip ko na maghanap ng kalaro sa tumblr tapos biglang may nagtanong sa akin, ingles, ano daw ba yung bato bato pik? gusto raw niyang maglaro ng bato bato pik. sa isip ko, walang pilipino na hindi alam ang bato bato pik kaya malamang foreigner ito. ako, bilang magiliw na sarili ko, sinagot ko naman siya ng rock paper scissors. sabi niya sige daw makikipaglaro siya. binigay ko yung yahoo messenger id ko kasi kailangan sa webcam maglalaro. inadd niya ako, inaccept ko siya. nagiwan siya sa akin ng message, sinagot ko at sinabi na kailangan ko muna kumain ng hapunan. ok lang daw, gawin ko lang daw kung ano yung kailangan kong gawin. ako naman, hindi ko masyadong sineryoso yung sinabi niya. estranghero. hindi ko siya kilala. siyempre mauuna yung sikmura ko bago ang alin pa mang kalandian. bumalik na ako sa kwarto namin sa hotel na lasing na. online siya nun kaya lang hindi niya ako kinakausap pa dahil nga alam niya na nalasing ako base sa mga pinagsasasabi ko sa tumblr ko. nalungkot ako, gusto ko pa man din sana kasi ng kausap pero saka na lang siguro dahil inaantok na ako. inantay ko na kasapin niya ako pero hindi nangyari yun. kita mo? sa simula pa lang pinaasa na niya ako. meron kasi talaga akong adiksyon sa mga taong kaya akong paasahin. binasa ko yung blog niya. kung ano ba yung itsura niya. pekeng instik. gusto ko ng mga tsinito pero nakakatakot kasi yung pagkatsinito niya–parang miyembro ng mga mamamatay tao sa japan. nakalimot na ako hanggang sa nakauwi na ako sa bahay namin mula sa bakasyon at hayun, online na naman siya. kinausap na niya ako. sabi ko sa kanya maglaro na kami ng bato bato pik kaya nung pagbukas ko ng webcam, ayun na nga, tinamaan na ako ng lintik. parang love at first sight na hindi naman talaga. ang gwapo niya. nagwapuhan ako sa kanya. siya pala yung tipo ng tsinito na gusto ko. nagusap kami tungkol sa maraming bagay–mula sa jeepney hanggang sa tinuruan ko siya ng mga salitang tagalog hanggang sa inantok na naman ako. tinulugan ko siya. ayos lang daw sa kanya na tulugan ko siya kaya kinabukasan, ganun pa rin. hindi kasi siya yung tipikal na lalakeng pinoy na dadaanin ako sa bola. sanay na ako sa bola. tatay ko nga binobola ako pero hindi ako nagpapadala, ibang tao pa kaya? naging maganda yung takbo ng kwentuhan namin, yung tipo ng kwentuhan na kakailanganin mo ng kape atsaka ng tinapay dahil alam mong maglalamay kayo buong araw at ayaw mo gumalaw mula sa kinauupuan mo dahil ganun ka kainteresado sa kanya. hindi ako nahirapan magbukas loob. mas madali yata talaga ang magsabi ng mga bagay sa taong hindi mo naman kakilala. alam mo kasing hindi ka huhusgahan–kung huhusgahan ka naman, wala kang pakealam kasi hindi mo naman siya makakasama sa bahay o sa trabaho. ang sarap sa pakiramdam na araw araw may nakikinig sa iyo. may interesado sa iyo. dati binabangga ka lang ng mga tao sa MRT tapos ngayon may isang tao na naghihintay sa iyo mula sa trabaho para lang makausap ka. iba ito diba? pinagtutuunan ka ng pansin, inaalala ka, iniintindi ka.

hanggang sa isang araw, kinailangan niyang bumalik sa probinsiya nila. naisip ko, para siyang droga na bigla mong inihinto. may withdrawal syndrome. walang gamot sa withdrawal syndrome. alam ko sa sarili kong gustong gusto ko pa siya kausapin pero hindi pwede kasi walang internet sa bundok. wala akong nagawa kaya binalikan ko na lang ulit yung blog niya. nagbasabasa, hanggang sa may nakita akong litrato ng babae. sabi niya miss na miss na raw niya yung babae. nagbasa pa ako ulit, hanggang sa nalaman ko na may syota na pala siya.

hindi niya sa akin sinabi na may syota siya.

nasaktan ako, akala ko yun na. akala ko ito na. hindi pala. ano na naman ba itong katarantaduhang napasok ko? ayaw ko ng ganito pero gusto ko talaga siya. gustong gusto. mali siguro na gustuhin ko siya. mali talaga na gustuhin ang mga taong may karelasyon na. dalawa lang yan, lalayo ako at palalagpasin ko yung pagkakataon na maging masaya, babalik ako sa simula at maghahanap ako ulit ng iba o pipilitin ko na kumapit dun sa nararamdaman ko sa kanya, magpakatanga tapos kidnapin yung syota niya itago sa warehouse hanggang sa pakasalan ako nung pekeng intsik. kung alam niyo lang, lahat na yata nagawa ko para ipasok sa utak niya na gusto ko siyang makipaghiwalay sa syota niya. hindi ko direktang sinabi pero nagbibigay ako ng mga maliliit na senyales na ako na lang yung piliin niya. kaya lang imposible, parang sinabi mo na rin na magiba siya ng magulang.

sige ayos lang, pagtyagaan. pinilit niya ako na iadd siya sa facebook, sabi ko wag kasi alam ko magkakaproblema kami at ano pa nga ba? tama ako. tapos sinabi niya na wag ko siyang tratuhin tulad ng ibang lalake at pinagbigyan ko siya. kaya lang ngayon biglang nagsisi siya at ayaw na niya. tapos bumuo siya ng mga plano niya sa kung paano kami magkikita. dumating na nga sa punto na gusto niya na siya na ang sasagot ng tiket ko para lang makita niya ako pero hindi ako pumayag kasi ayaw kong isipin ng mga tao na inaabuso ko yung kabaitan niya. isa pa, ang kapal naman ng mukha ko na ako pa yung pupunta doon. ayaw ko magmukhang desperada. sinabi niya sa akin na mabuhay kami sa kasalukuyan at wag masyadong intindihin yung mga mangyayari sa hinaharap. nagdalawang isip ako pero sinunod ko pa rin siya kasi mahal ko. hindi na ako nagisip nung mga sumunod na eksena.

yung buhay may nalalaman na combo yan. hahabulin ka na nga ng problema sasampalin ka pa ng tadhana. gagawin ang lahat para iwan kang nakahandusay sa kung saang reyalidad ka nararapat. natauhan yung pekeng intsik tapos biglang tinubuan ng konsensiya. hindi ko alam kung anong pangalan nung rugby na hinithit niya nung araw na yun pero masasabi ko na nakasama yun sa kung ano mang meron kami. bigla na lang siyang lumayo sa akin. hindi na niya ako kinausap. naiwan ako sa ere. masaklap. sa tuwing naiisip ko na wala na siya para akong naduduwal. gusto kong sumuka pero wala naman akong isusuka kasi hindi naman ako nagkakakain nitong mga nakaraang araw. hindi ko yata kakayanin sa ngayon na mawala siya. ayaw ko pa na mawala siya.

kaso huli na ang lahat dahil iniwan na niya ako. konting pasensya lang. hayaan niyo, mga isa o dalawang entries pa tungkol dito tapos balik na ulit ako sa sarili ko.




« Previous Entries