sweldo na naman?

hindi ko talaga alam kung ano ba talaga silbi ko dito sa opisina kung empleyado ba ako o financier. pare-pareho lang naman kaming sumusweldo sa kumpanya at sa katunayan, mas malaki pa nga ang sweldo na nakukuha ng mga indiong ito kesa sa akin pero bakit naman sa dami ng pwedeng utangan ako pa ang lalapitan?

maniwala ka, lahat na lang yata ng dahilan nadinig ko na–kesyo pambili ng gamit, ultimo sanitary napkin sa akin pa iaasa. pangmatrikula ng kapatid, pambayad ng amilyar ng lupa, pamasahe pauwi, panggatas ng anak. teka, may dede ka naman bakit hindi mo pasusuhin yung anak mo? panginom, pangbayad renta, panlibre sa syota. your emergency is not my emergency. huwag mo sa akin iasa ang kakulangan mo ng pagasa sa pera.

dati, maluwag ako sa pagpapaluwal ng pera. nakakaipon naman ako at wala naman akong masyadong pinagkakagastusan dahil kadalasan ako ang ginagastusan. kaya lang, isang araw naisip ko na panay palusot na lang yung isa kong kaopisina dahil hindi siya makapagbayad. isipin mo, iwan ba naman ng sadya yung atm niya para lang masabi na hindi niya maibabalik yung perang hiniram niya sa araw na iyon? sa kagustuhan kong makatulong, yung iba natututong umabuso. pautangin mo ng isang beses, sa susunod na linggo uutang na naman. aba, meron nga diyan kakasweldo pa lang uutangan na agad ako. gusto ko magtanong kung saan niya dinadala yung pera niya kaso kapag ginawa ko yun parang hindi naman matatapos yung diskusyon at ang malala, ikaw pa magmumukhang madamot.

isa pa, ayaw ko nung hindi tumutupad sa pangako. kapag sinabi mo sa ganitong araw mo ibibigay, aasahan ko na sa ganitong araw mo ibibigay. paano mo naman pauutangin ulit yung mga ganyang klase ng tao? may pangangailangan din ako na pinaglalaanan ko, hindi ba nila naiintindihan na ganun din ang kalagayan ko tulad nila? maswerte nga sila hindi ako nagpapatong ng interes o humihingi ng kahit ano pang kapalit. sana man lang yung tanawin nila yun bilang pakunswelo ko sa kanila. mabuti kung bente pesos lang yan, trenta, singkwenta pwede ko na kalimutan yan pero kung ang pinaguusapan dito limang libo, sampung libo, parang iba na yun.

nakakatawa pa nga kasi meron akong isang kaopisina na hindi ko naman talaga kinakausap kasi ang bigat ng pakiramdam ko sa kanya. nakakatakot siya kasi nakilala siya sa opisina dahil nangangain siya ng tao, rason kung bakit hindi ko siya pinapansin. magugulat na lang ako bigla akong nilapitan para lang umutang. gusto kong sabihin na ‘hindi tayo close, mam’ kaya lang gusto ko pa sanang manatili akong buhay dahil hindi pa ako nakakatikim ng luto ng diyos kaya wala na akong nagawa at pinautang ko na lang. kahit pa sa backpay o 13th month pay ko na lang matanggap, ayos lang. basta wag na muna niya ako kausapin.

minsan napipilitan na lang yung mga tao gumawa ng mga bagay para sa pera. kapit kung kapit sa patalim. hindi mo naman pwedeng turuan ang mga yan na maging responsable sa pera kasi baka sabihin naman na minamasama mo yung panghiram nila ng pera. hindi ko na alam minsan kung saan ako lulugar basta alam ko ayaw ko ng pakiramdam ng may utang. paano kaya sila nakakatulog sa gabi? paanong may mukha pa silang naihaharap sa mga taong pinagkakautangan nila? yung ipapambayad mo sa utang mo, inutang mo lang din.

kita mo, sweldo na naman. dadaan lang yung pera sa palad nila at bukas makalawa may lalapit na naman sa akin. walang katuapusan.




15 Responses
  1. mam, pautang naman….pra maging close tayo. hehehe.

    [Reply]



  2. Next time magdahilan ka na lang din. Ikaw na mismo ang nagsabi na umaabuso na sila. Isipin mo rin na may mga bayarin ka at mahalaga sa iyo yung perang kinikita mo. Madali kasi magpautang pero dito kasi sa kultuta natin pahirapan na pagdating sa bayaran. Minsan yung nagpautang pa yung nahihiyang maningil ng utang. Weird no? Ang mantra ko jan, once is enough. Twice is too much. :)

    [Reply]



  3. Ikaw kasi nagpapaabuso ka naman. Learn to say no rin paminsan-minsan lalo na kung hindi mo naman talaga ka-close. Anong tingin nila sa’yo, walking ATM machine? AMF

    [Reply]



  4. hate ko rin mga ganyan… bilhan mo kaya sila ng pamphlet on budgeting cguro naman magegets na nila un haha

    [Reply]



  5. wag kn kc magpautang pwede nmn kasi un may choice k naman dba….sabihin mo ay ganito “pasensya na ha kasi tulad mo nagamit ko na rin ang pera ko kaya wala akong maipapautang na sayo tengene mo” hahahhahaha

    [Reply]



  6. wah haha parang pareho tayo ng kalagayan ha financier din takbuhan ng nangangailangan… ok lang single naman eh…

    [Reply]



  7. may ka trabahao ako 5 digits nya na sahod parang sang araw lang sa sunod na araw mag memessage na sa skype ko pautang wah…. di ata marunung ng pay yourself first to… ubos biyaya bukas tunganga ang amf….

    [Reply]



  8. Kaydaming friendly user, ‘noh?

    Pero naisip ko lang, maari ka namang tumanggi ‘di ba? Hindi masamang sabihin sa mga ‘yan na may pangangailangan ka rin at hindi ka nagtatahi ng pera.

    [Reply]



  9. kung sasabihin ko sa’yong nangangailangan ako ng pera ngayon pambayad ng renta ng apmnt, pauutangin mo ba ko magandang binibini?

    hinde?

    hmmmkei…magandang araw na lang.

    [Reply]



  10. Hi Idol :)

    Naku hindi rin maganda na lagi nagpapautang dahil baka tuluyan ka ng takbuhan & hindi na makapagbayad. Wala pa naman akong na-encounter na ganyan, minsan ako yung nanghihiram pero binabayaran ko kaagad. Magdahilan ka na lang. Hindi rin kasi ako madaling magpautang lalo sa hindi ko naman ka-close.

    [Reply]



  11. atleast hindi ikaw ang may utang :)

    [Reply]



  12. hulyo na, hulyo. wala pa ring bago? demanding.

    [Reply]



  13. pasalamat kayo at meron kayong sweldong tinatanggap. ako nga matagal nang walang sweldo…

    :-)

    [Reply]



  14. mahirap yung ganyan. mga abusado… sarap sakalin.

    [Reply]



  15. hehehe oo ganun talaga, kada sweldo para may automatic na nanghoholdap sayo. haha cool post!

    [Reply]



Leave a Reply