pasisikatin kita
sabi nga, baliw na matatawag ang taong papatol sa baliw. pwes, nakahanap siya ng katapat niya.
una sa lahat, mayabang talaga ako at matagal ko ng alam na magaling ako sumulat pero hindi ko lang masyadong pinapahalata. yung talento ko? wala sa kalingkingan ng talento na meron ka. kung ikukumpara lang din sa iyo? hindi naman sa pagaano pero nainsulto ako.
pangalawa, hindi ako nagpapanggap sa blog na ito. lahat ng makikita ng mata mo dito ay kapiraso ng pagkatao ko. banal ang bawat titik. sagrado ang bawat kwento. hindi ko kailangan patunayan sa kahit kanino, lalo na sa iyo, kung nagsasabi ako ng totoo. hindi naman ako nandito para paniwalain kayo sa mga kasinungalingan. nagsusulat ako para maglathala, maglabas ng sama ng loob, matuto mula sa pagkakamali, insultuhin ang mga bobong katulad mo, bumuo ng alaala at kausapin ang sarili ko. para sa akin, hindi para sa kahit kanino.
pangatlo, im consistently inconsistent. sana marunong ka makaintindi ng ingles kasi hindi ko alam kung paano pagkakasyahin iyang napakalaking ideya na yan sa kokote mo. ito yung isa sa mga bagay kung bakit ako tinanggap ng tao dahil sa lagi akong merong hindi ko alam.
pangapat, diyos ka kaya huhusgahan mo ako? pwes ako xienahgirl, wala rin akong pakealam pero pasisikatin kita.
thnks fr th mmrs
Comments Off
alam kong hindi sapat ang sabihin sa iyo ang mahal kita ng paulit ulit kahit na habangbuhay pa ang kahulugan nito. kaya ngayon, mas minabuti ko na lang na ipakita at iparamdam sa iyo ang lubos kong pagmamahal sa pamamagitan ng isang pagwawakas.
sa pagkakataong ito, salamat ang namumutawi sa puso ko. ito ang nararapat na salita upang tapusin ang mga alaala na ang tanging naging dahilan kaya ito naging mahalaga at masaya ay dahil sa nakasama kita sa pagbuo ng mga ito.
kung hindi mo ako kayang mahalin, sana huwag mo na lang akong saktan.
hanggang dito na lang tayo.
memasabilang
Comments Off
kamusta na tayong lahat?
kakagising ko lang mula sa 18 oras na pagkakatulog. ewan kung bakit ganito katagal ang tulog ko pero sa pagkakaalam ko may higit sa ilang buwan na din akong hindi maayos ang tulog dahil abala ako sa trabaho, sa paghahanap ng lugar para makapitik ng litrato, sa pagiimbita ko sa sarili ko sa mga inuman ng taong hindi ko naman kilala, sa pagpapatubo ng kalyo sa mga dulo ng daliri ng kaliwang kamay ko mula sa pagaaral kung paano tumipa ng gitara, sa paglalapat ng konsepto sa pelikulang pagbibidahan ko at sa paghahanap ng lalakeng makakapagtimpla ng milk tea para ibigay sa akin sa madaling araw. ang totoo, hindi ko na nga matandaan kung kelan ako huling naligo at nagmahal. ah, kahapon pala naligo ako pero hindi ko pa rin talaga matandaan kung kelan ako huling nagmahal.
maswerte pa pala akong maituturing dahil nakagawa ako ng entry na hindi planado. aaminin ko, halos lahat ng entry na nailathala sa datkom noong nakalipas na taon ay ‘scheduled’ na tipong lumalabas matapos kong isulat ng isa, dalawa o tatlong buwan. mas madalas hindi ko na talaga alam kung anong entry ang nandito sa datkom kaya nalilito ako kung ano yung mga tinutukoy ng nagbabasa sa tuwing nagtatanong sila sa akin.
umasta ako noon na parang isang de susing manika. ginagawa ko ang obligasyon kong makapagsulat ng hindi ko nahahaluan ng emosyon. hindi ko tinutukan ang datkom katulad nung dati na mahal ko pa ang ginagawa ko. nawala na siya sa listahan ng mga dapat na gawin ko sa araw. naisip ko meron akong buhay sa labas ng internet at iyon ang naging dahilan para mapilitan akong gumawa bilang tao. nagustuhan ko iyon.
ipinagpapasalamat ko ang mga tarantadong nagtulak sa akin para hindi muna maglathala. kumawala ako sa mga walang kakwenta kwentang mga lumang isyu. pumili ako ng mga taong kinakausap ko. nabawasan. kumonti. merong mga taong binura ako sa buhay nila bilang kaibigan nila at pabor sa akin iyon dahil mas nasusuklian ko ng karapatdapat na obligasyon ang mga mas hindi naman talaga humihingi nito.
kailan pa naging kawalan ang mga mapagkunwaring kaibigan? andyan kapag nasa rurok ka ng tagumpay pero iiwan ka rin kapag nalugmok ka sa kawalan. hindi nabubulok ang mga iyan kaya habang tumatagal ay nadadagdagan lamang sila. hayaan na lang siguro dahil maiiwan naman silang malungkot at magisa sa buhay kasama ang mga kapwa nilang plastik.
kung walang maisip, walang maisusulat, walang magbibigay ng komento–ganito ang siklo ng blog. mas mabuti na nga siguro ang ganito kaysa naman puro sakitan ng loob ang masasaksihan ng lahat. mabigat sa dibdib. ang hirap huminga.
masaya ang naging buhay ko sa totoong mundo. naranasan ko kung paanong masugatan, magdugo, matawa, magpatawa, umiyak, magpaiyak–naging mas totoo ang lahat dahil kaharapan mo na mismo ang pakikisamahan mo. hindi titik, hindi salita kundi kabuuang nilalang.
ano na nga ba ang nangyari dito? nasa internet na ako mismo pero bakit parang wala na akong balita? siguro kasi desisyon ko rin ang magpalamig muna. naaawa lang ako sa mga tao na nagsasabing ang internet ang buhay nila. isang malaking tipak ng kahihiyan at kasayangan sa lipunan. walang mararating ang mga tulad nila.
oh eh hindi ko naman talaga alam ang punto ko dito. gaya ng dati, magulo pa rin. bigla lang kasing sumagi sa utak ko na bayad pala ang registration at hosting ng datkom–sayang naman kung hindi ko gagamitin.







