pacific hub
pangkaraniwang araw na sa akin yung pumapasok ako sa trabaho ng hindi nakakapagayos. tipong gigising ako, magbibihis, magsisipilyo tapos sabay sibat na parang adik na nakahithit ng sinunog na alpombra. noon ko pa problema ang palaging kinakapos sa oras at wala akong balak gawan iyan ng paraan. sa palagay ko kasi mas epektibo akong tao kung palagi akong nagagahol sa oras na para bang mas nailalabas ko pa yung husay at talento ko sa pakikipagsapalaran ko sa buhay.
nagmamadali akong naglakad mula sa MRT papuntang trabaho habang inaayos ko yung buhok kong nagkabuholbuhol dahil nga sa wala na akong oras na makapagsuklay ng biglang may isang lalake na umistorbo sa ginagawa kong multitasking abilities.
lalake: miss anong oras na?
xienahgirl: quarter to 9.
lalake: ano? 8?
xienahgirl: quarter to 9.
bingi lang? hindi ata relo kailangan niya kundi palito na may naka balot na bulak sa dulo para panghinuli. gusto ko rin sanang sabihin na oras na para bumili siya ng relo pero wag na lang dahil wala akong panahon makipagdebate habang kumakandirit ng lakad sa bangketa ng ortigas.
lalake: ang hirap pumasok sa trabaho ng ganitong oras ano?
xienahgirl: sanayan lang
lalake: diyan ka ba sa kanto nagtratrabaho? ako kasi sa kabilang kanto
xienahgirl: ah oo
pagkatapos, dinedma ko na yung lalake. akala ko nga wala na siya at naghiwalay na kami para bumalik sa mga kanya kanya naming buhay pero huwag ka, ang kulit niya at talagang gusto pa makipagusap sa akin.
lalake: ako nga pala si (insert name here) taga (insert company name here)
xienahgirl: shella, gerbis
lalake: balita ko mahirap yung trabaho dun pero maganda kasi madaming incentives
xienahgirl: ahkei
hindi ako nakikipagusap sa mga taong hindi ko kilala at lalo na sa mga hindi mukhang tao. akala mo kung sinong gwapo umasta. nasobrahan ata sa pambobola ng mga magulang niya ito kaya akala niya talagang magandang lalake siya. ano ba bigas na kinakain nito at nagkaron siya ng lakas ng loob para magpakilala sa akin? dapat ipagbawal na sa pilipinas yan. hindi naman sa nanlalait ako pero mas malala pa kasi yung gusto kong gawin–gusto ko pa sana yurakan ang pagkatao niya pero parang ayaw ko na lang sabihin na ang liit niya at mukha siyang tanga–hindi siya bagay sa kahit sinong nilikha ng diyos dahil ang pangit niya.
lalake: pwede ko ba makuha ang cellphone number mo?
xienahgirl: HINDI KO DALA AT HINDI KO KABISADO
lalake: pansin ko nga wala kang bag
xienahgirl: mahirap na sa panahon ngayon dahil napakadelikado
akala ko kapag sinabi ko yung mga piling impormasyon ko, titigilan na ako pero, de puta naman! dumodonromantiko si gago. hindi niya ba alam yung salitang swabe? ang bulok talaga ng style niya na parang gusto ko lang manuntok ng panga ng lalakeng may hawak ng selpon nung mga panahon na iyon. malas lang kasi siya pala yung tinutukoy ko. hindi ako nagsisinungaling sa parteng ito ng usapan namin: hindi ko dala ang selpon ko at hindi ko kabisado ang selpon number ko. ewan ko. parang naisip ko na lang na iwan yung selpon ko sa bahay dahil ginagamit ko lang naman ang selpon ko para gawing alarm clock. isa pa, wala namang premyo kung makabisado ko yung numero ng sim card ko. iyan lang ang mahirap kapag wala kang bag na dala dahil wala na silang ibang makukuha mula sa iyo kundi ang puri mo. asa naman sila na makukuha nila yun agad?
lalake: sige dito na ako shella, nice meeting you.
xienahgirl: …
first name basis? kunwari feeling close. ayaw ko maging bastos pero hinihiling ng pagkakataon kaya ako ganito. wala akong interes sa mga usapan na tulad nito. wala akong balak na magkaron ng emosyon sa mga eksenang tulad na ito. nahalata siguro nung lalake na iniisip kong masama siyang loob kaya nilubayan na ako.
naisip ko, may selpon siya. bakit hindi siya tumingin ng oras dun?
ano ba? 2010 na. nasa bagong dekada na tayo yan pa rin ang mga linya? ang luma. uso pa pala yung mga ganitong klase ng punchline. sanay na ako sa mga ganitong pangyayari. maniwala kayo, ang dami ko ng beses na nakaranas ng mga ganitong klase ng bagay. partida, wala pa akong make-up niyan. pupungas pungas pa ako. hindi ako nakakuntodo postura pero ang lakas pa rin ng dating ko.
proof that im mothafucken gorgeous.
natuto na ako: aalis ako ng maaga sa bahay para hindi ko siya makita at makakasabay sa paglalakad papuntang trabaho.
dahil mahilig ako sa siomai
siguro naman nakasakay ka na sa MRT? nadadaan ka dun sa may ortigas station sa southbound? pagkababa ko sa tren bigla akong nakaramdam ng gutom at dahil merong isang stall doon na nagtitinda ng siomai at maaga pa naman ako para sa pasok ko kinabukasan sa gerbis naisipan kong bumili muna ng mangangata.
walang tao sa stall, ako lang at yung tindera. tumingala ako para tignan kung ano yung mga klase ng siomai na meron sila at napansin ko ang isang malaking japanese siomai sa karatula. isipin mo, saan ka nakakita ng japanese siomai sa pilipinas? japanese siomai sa ortigas. noon lang ako nakakita ng ganun kaya sabi ko sa sarili ko hindi ko papalampasin ang pagkakataon na tikman ang siomai haponeso.
nagaritmetik na agad ako ng babayaran ko, pakitang gilas ba. nilabas ko na yung pera na gagastusin ko sa ate siomai tindera para cool effect. ganun sa mga pelikula na may eksena sa restawran diba? iniiwan lang yung bayad sa mesa. gusto ko iiwan ko rin yung bayad ko sa takip ng lalagyan ng gulaman pandan.
tinanong ako ni ate siomai tindera kung gusto ko daw ba palagyan ng chili yung siomai ko, aba sabi ko hindi ko tatanggihan yan lalo na kung libre. iyon na ang hudyat, ready get set go na para kumain. ginawa ang siomai para muli akong makaramdam ng pagmamahal. bumilis ang tibok ng puso ko na para bang pinagtagpo talaga kami ng tadhana sa mga segundo na iyon. pangalan pa lang parang punong puno ng halimuyak ng rosas yung pagkain na yun at hindi nga ako nabigo. nilagyan ko agad ng toyo ang mga mumunting siomai haponeso. hindi ko na nga pinigaan ng kalamansi, ganun ako kasabik ngumuya para sipsipin ang linamnam mula sa laman ng pagkaing ito. bawat subo at kagat ay para bang nakakarinig ako ng mga anghel na nagsisiawitan ng papuri para kay hesus.
eksaherado pero totoo, masarap talaga–sobrang sarap. hindi sapat ang salitang sarap para ilarawan ang lasa. malinamnam, sa sobrang linamnam nakalimutan ko ang pangalan ko. nakailang inom na ako sa gulaman pandan pero wala pa rin ako sa wisyo. wala ako sa sarili ko–hindi ko napansin na naglalakad na ako palayo hanggang sa ginising ako ng isang boses mula sa isang magandang panaginip.
miss, yung bayad niyo po?
ayun naman pala, hindi lang pangalan ko yung nakalimutan ko kundi pati na rin yung bayad ko. may nalaman pa akong prepare prepare ng bayad at aritmetik aritmetik tapos makakalimutan ko din naman pala? anak ng siomai. nakakahiya pero babalikbalikan ko si ate siomai para patunayan sa kanya na magbabayad ako sa mga susunod na pagkakataon na kakain ako. wag nga siyang umasta, baka bilhin ko pa yung buong stall niya para lang sesantihin ko siya.
naisip ko, hindi talaga dapat xG ang pangalan ko, dapat talaga pG–patay gutom.
i am sorry
mataas ang pride ko, natural ko na iyon. kung alam ko na may kasalanan ako, na bihira lang naman mangyari dahil sa perpekto akong tao, inaamin ko naman agad ng buong puso.
may ginawa akong kasalanan. hindi ko naman sinasadya na ginawa ko iyon pero dahil sa walang pwedeng sisihin kung hindi ako lang, mukhang aakuin ko na nga yata talaga ang pagkakamaling ito.
nagutom ako kaya bumaba ako sa pinakamalapit na convenience store mula sa opisina. pumunta ako sa kahera at sinabi ko na gusto ko subukan yung siomai meal na may kasamang rice. nagbayad ako sabay binigyan ako ng styropor na may kutsara at tinidor, toyo at chili sauce at kanin sabay tinuro sa steamer para kunin ang isang oder ng siomai. gutom na kaya nagmamadali akong nagtungo sa steamer at nakita ko na meron na lang 3 siomai na natitira. nagduda ako dun sa isang order–parang nginuya na kaya napilitan akong kunin yung siomai na alam kong kapag kinain ko makakatulog ako ng mahimbing sa gabi. nagiingat naman ako pero hindi ko talaga alam kung paanong nangyari ang hindi ko inaasahan.
nahulog yung isang order ng siomai sa sahig.
isang order.
apat na piraso.
42 pesos.
siyempre nagulat ako. nanlaki yung mata ko. nalumo ako. nanginig yung tuhod ko. lumingalinga ako baka may naman nakakita sa ginawa ko, na hindi ko naman talaga ginawa–siyempre wala. sana wala. ang pinakamalaking problema ko ay yung security camera, hindi ko madadaya yun. swerte ko na lang kung wala pero imposibleng hindi nagkakabit ng security camera ang mga convenience store para bantayan ang mga empleyado nito kung nangungulangot b o dinuduraan yung timpla ng iced tea. mabuti kung hotdog yung nahulog, magagawa ko pang sipain yun para gumulong sa gilid ng dingding para hindi makita pero siomai yung nalaglag–isang order, apat na piraso, ang hirap itago at tadyakan niyan. kung sisipain ko yan, magkakalasog-lasog pa. kakalat sa sapatos ko at magpuputik. lalo akong mahahalata ng may ginawang kalokohan.
matalino ako kaya naisip ko na wala pa namang 5 minutes, wala pa ngang 3minutes ang nalaglag na siomai kaya binalik ko sa steamer at kinuha ko yung isang order na natira sabay karipas ng alis sa tindahan. ganun talaga, nangyayari ang mga bagay bagay na hindi inaasahan at tulad na lang nito, sinong magaakala na malalaglag ang siomai mula sa steamer? sinong magaakala na ako pa ang makakalaglag ng siomai? simula noon, hindi na ako nakakatingin ng diretso sa mata ng kahera ng convenience store na iyon. hindi ko alam kung paano ako makakabawi pero sana, sana talaga hindi rin nailaglag ng hindi nagiingat na gaya ko ang siomai na nabili ko.







