XXVIII discombobulated
sa mga alam at hindi ko alam.
sa mga gusto at hindi ko gusto.
sa mga mahal at hindi ko mahal.
nandito ako ngayon sa isang madilim na kwarto at nagsusulat ng tungkol sa wala akong ideya kung paano ko ipapaliwanag. inuudyok ako ng pagkakataon na maging masalimuot at maging miserable kaya hinayaan ko ang sarili ko na lamunin na lamang ng karimlan. mahirap talikdan ang ganitong bugso ng emosyon. meron akong mga bagay na gustong sabihin sa mga tao sa personal pero mukhang matatagalan at mahihirapan ako, kaya dito ko na lang siguro itatagubilin ang lahat ng aking nadarama.
sa iyo, na alam kong relihiyosong sumusubaybay sa talambuhay kong ito, gusto kong iparating sa iyo na binigyan ko ang sarili ko ng napakaraming pagkakataon para mahalin ka. inantay ko ang punto na titibok ang puso ko para sa iyo pero sa dami ng araw, linggo at buwan na nagdaan–nalulungkot ako dahil naisip kong hindi ako pwedeng magpanggap sa sarili ko. hindi ko kayang suklian kung ano ang naibigay mo.
salamat at nangyari ka sa buhay ko, kaya lang, hindi pa ngayon ang panahon ng pagibig.







