sa comfort room

8 Comments »

ikaw ba kapag nagpupunta ka ng banyo, sinasara mo yung pinto? ayos lang kung sabihin mong hindi pero kung ibahin natin ang senaryo: ikaw ba kapag nagpupunta ka ng pampublikong palikuran, sinasara mo yung pinto?

parang likas na yata sa katawan ng tao na isara ang kahit anong makikita niyang bukas na pinto. hindi naman talaga ako palagamit ng public cr. mas madalas nagsasalamin lang talaga ako, tapos na.

isang mahabang proseso kasi ang paggamit ng pampublikong palikuran, parang kumukuha ka lang ng nbi clearance. tedious process. kapag nakapasok ka na, wala ng atrasan. touch move. ang lumabas ng hindi gumamit ng CR, weak. siyempre pipili ka ng malinis linis na toilet bowl, yung hindi tinapakan yng upuan. hindi maputik na sahig, merong rolyo ng tissue at higit sa lahat yung may umaandar na flush. yung ugali ng iba tatapakan yung bakal para sa flush, kumbinyente sa kanila yun imbes na gumamit ng tissue. hindi ako ganon. nagkakaaminan na rin naman diba? sige na nga. minsan ganun ako at mapupunta ako sa impyerno.

hindi ko alam kung anong mensahe ang nais iparating sa akin ng bathaluman na sinasamba ko para makaranas ako ng 3 magkakaibang magkakasunod na pagkakataon na pumpasok ako sa pampublikong palikuran ay nasasakto ako sa mga tao na hindi marunong magsara ng pinto. gusto kong pilitin isaksak sa kokote ko na walang pinto ang banyo nila sa bahay kundi kurtina lang pero sa panahon ngayon napalaimposible na ganun.

maiintindihan ko pa kung isang beses lang mangyayari sa akin iyon na mabubuksan ko ang pinto ng isang cubicle na may laman na tao, pero 3 beses? sobra na yun. sabi nga 3 is a charm–kung ano man ang charming sa pangyayaring iyon hindi ko talaga makukuhang maisip. ako pa yung nahihiya para sa kanila na hindi sila gumagamit ng kandado. napakahirap bang gumamit ng kandado? pambihirang katamaran naman na yan na sa sobrang kailangan mo ng gumamit ng banyo ay nakakalimutan mo na magsara ng pinto.

meron naman kasing tinatawag na occupied at vacant sign. kung occupied yun merong tao at kung vacant malamang wala at dahil ang pilipinas ay isang third world coutry, minsan hindi na nila kaya pang lagyan ng mga ganon ganon yung mga pintuan ng mga pampublikong banyo kaya nakokontento na lang yung iba na sisilipin yung ilalim ng pinto. hindi makatarungan ang silipin ng kahit sino ang ilalim ng pinto para lang malaman kung may tao nga ba sa loob. mano ba naman na kumatok ka at kung may sumagot ng ‘may tao dito’, siguro sapat na hudyat na yun para magletgo ka na at magmove on sa kabilang cubicle. respeto para sa kapwa. mas madalas napapalamukos na lang talaga ako ng mukha sa mga taong ang hihilig manilip ng mga paanan ng mga nasa loob ng banyo. kabalbalan ng mga walang urbanidad.

bilbil

20 Comments »

ang taba taba ko.

gusto ko sana magpaligoy ligoy pero hindi bagay sa persona ko. mataba talaga ako. kung pupurihin mo ang babae sa kung gaano siya kaganda o katalino, hindi yan maniniwala pero kung sasabihin mo sa kanya–kahit pabiro, na mataba siya? tatatak yan sa utak niya.

kilala mo si aiko melendez? natanong ko lang naman. wala talaga siyang koneksiyon dito sa sinusulat ko pero ang punto ko lang: mataba ako noong bata ako. napapatawad ng lipunan ang mga batang matataba. magandang palusot na pwedeng kainin ng mga bata ang lahat ng gusto nila dahil kailangan sa paglaki, kesyo para maging matalino, hindi maging sakitin, maging matangkad and all that filipino kitchen shiznitz blah blah blah. inaamin ko na naging pananaw din iyan ng nanay ko at ang istayl niya ay ang pagtripan akong hainan ng instant noodles na may itlog araw araw bago ako pumasok sa eskwela. naging matambok ang pisnge ko nung bata ako at sa pagkatuwa ng mga tao, hindi nila ako maiwasan na kurutin. hanggang sa tumagal, nalaman ng pamilya ko na hindi pala talaga bilugan ang pisnge ko kundi manas. tabang tubig. sinugod ako sa ospital dahil sa sakit sa bato. iyan ang dahilan kung bakit wala akong alaala kung paano ko ipinagdiwang ang pasko ko noong grade 1. kahit hanggang ngayon naman marami pa rin ang kumukurot ng pisnge ko pero pagkatapos nila gawin yun, sinisiko ko na sila sa panga. kadalasan dumudugo yung ilong nila dahil sinusuntok ko sila sa mukha. ayos lang naman sila pagkatapos ko gawin iyon.

simula noon, nagkaroon ng limitasyon ang mga kinakain ko. malungkot ang naging kabataan ko dahil ang daming naging bawal. ang maganda lang, hindi ako biniglang papayatin ng magulang ko. dinahandahan nila ang proseso hanggang sa ayun, nagtapos ako ng hayskul na mataba pa rin ako.

nung tumungtong ako ng kolehiyo, ako na mismo ang naghanap ng paraan para pumayat ako at naging epektibo naman. umimpis talaga ako na para akong nagadik sa amoy ng pentelpen pero kahit lumiiit na ang katawan ko, yung pisnge ko ganun pa rin–matambok.

dalawa lang naman ang maaring pagpipilian, ang mamatay ako na payat o ang mabuhay akong mataba. tinatanong ko yung mga kakilala ko–hindi naman daw ako mataba. aaminin ko nagkaroon ako ng tiyan. ok fine, masyado ko lang pinasweet ang salita dahil meron na nga akong bilbil. so, im not pefect after all? simula kasi ng nagkasakit ako ulit, hindi na ako nagpalipas ng gutom. basta kapag nagugutom ako, kakain ako. nagiba na ang prinsipyo ko nung nagtrabaho na ako. kumakayod ako para may makain ako at ang pamilya ko. hindi naman sa gusto kong lumusot sa maling ginagawa ko pero hindi ko na talaga alam kung ano na ba talaga ang kakainin ko. nalilito ako kung agahan tanghalian meryenda o hapunan na ba. hiniling kasi ng trabaho ko na baguhin yung oras ng katawan ko. magugulat kayo na nagtatanghalian ako ng alas onse ng gabi, ako lang ang makikita mo na nagtatanghalian sa madaling araw.

nangako ako na hindi na ako kakain ng rice, fried rice na lang. bago ka magsalita diyan, kalahating fried rice. ayaw mo pa rin? sige. libre kang magpakamatay.

palibhasa kasi marami sa mga kakilala ko pagkain ang ginagawang kapalit para sundin ko ang mga gusto nila. hindi ako nahihiyang sabihin na kahinaan ko ang libreng pagkain. sa tuwing makikipagkita ako sa kanila, aayain ako kumain. hindi napapagod yung bibig ko sa kadadaldal kundi sa kangunguya. nagtataka sila hindi ako umiinom ng softdrinks pero umiinom ako ng beer. hindi ako kumakain ng taba ng barbeque pero kumakain ako ng taba ng sinigang. hindi ko maipapaliwanag kung bakit dahil may mga bagay akong ginagawa ng walang dahilan. kaya marami sa atin ang walang kontrol kasi kadalasan hindi natin alam kung saan nagmumula yung kagustuhan na gawin ang mga ganitong klase ng bagay.

nalaman ko na masaya ako kapag kumakain ako at nagiging buo ang kaligayahan ko kapag paboritong pagkain ko ang binibigay sa akin. hindi katanggap tanggap ito para sa ibang tao dahil kadalasan ang ginagamit nila para humusga ay mata at hindi utak. kahit mataba ako, alam ko maganda ako pero mas madalas hindi. kahit ganito, naniniwala pa rin naman ako na may karisma ako tulad nung dekorasyong biik sa itaas ng tv ng kapitbahay namin.

  Next Entries »