massage

masarap sana yung pamasahe na home service o kaya naman yung mga mararanasan mo sa sauna bath pero sa kamalasmasan, ito yung tipo ng pamasahe na binabayad mo sa mga sinasakyan mo. sa kung bakit pwedeng ipagsama ang salitang pamasahe sa sinasakyan? wala na akong kinalaman diyan dahil ikaw na ang may berdeng utak.

sa lipunan ng pilipinas, nandon ako sa pinakamataas na antas ng mga dukha pero nasa ibaba naman ng mga mayayaman at oo, doble ng minimum ang sweldo ko. kahit ganyan, marunong naman ako magpakumbaba sa pamamagitan ng pagititipid. hindi naman siguro bawal sa mga middle class ang magreklamo? medyo, medyo lang naman, medyo ibubuhos ko na lahat ng natitirang pagkamuhi ko sa mga pampublikong sasakyan.

unahin na natin yung trike. alam ko maraming nakakapansin na tumataba na ako pero ibig sabihin ba niyan kailangan doble lagi ibabayad ko? sa pagkakaalam ko magisa lang naman ako na sumasakay sa tricycle pero bakit laging dalawa ang sinisingil nila sa akin? required na ba na kapag trike driver ka bukas yung third eye para makita yung mga kasama mong kaluluwa? hindi naman dapat kasi binabayaran yung mga multo multo kasi hindi sila nagoccupy ng space. hindi sila matter ayon sa grade 5 science teacher ko. maiintindihan ko pa kung singilin nila ako ng mataas kung madaling araw–night differential. pakunswelo ko na lang iyon sa paggising nila ng maaga o sa hindi nila pagtulog sa gabi. kesa naman magalangan yung puri ko o mas malala, buhay ko. wala sa akin yung magbayad ng sobra. mahirap makipagtalo sa mga tao na batas ng lansangan ang pinaiiral.

sos na mga jeep na ito. diba doon sa may cartimar yung eskwelahan ko nung kolehiyo ako? sa araw araw na ginawa ng diyos, hindi ko talaga mawari kung saan ko nakuha yung pasensiya sa pagtiis na magsuot ng uniporme sa tuwing papasok ako sa paaralan. hindi talaga dapat basta driver sweet lover ang motto nila kundi love is blind. kabaliktaran ng mga trike driver ang mga jeepney driver dahil nagbubulagbulagan sila sa tuwing nakakakita ng mga estudyante na nakauniporme. ano yun? matik na dapat na kapag estudyante, kesyo maglalakwatsa yan sa mall, magiinom sa bahay ng kaklase o tatambay sa kung saan mang bilyaran, bibigyan pa rin ng diskwento sa pasahe. pribelehiyo yan ng kabataan para ganahan sa pagaaral kahit hindi naman talaga iyon ang motibo nila sa paggising ng maaga. hindi naman yan magaabala pa na magsuot ng uniporme para makatipid ng mamiso o dos pesos. hindi ka magpapanggap sa ganyan kaliit na diskwento dahil mas mahal pa ang sabong panlaba.

ito na talaga yung malupit–bus drivers. kumbaga, sila yung koopa ni mario tapos yung princess si claire de la fuente. sa katunayan, panatiko ako ng mga ordinary bus. limang piso na lang idadagdag mo sa pamasahe mo makakarating ka na sa langit. yun bang sa tuwing sasakay ka parang nakikipaglaban ka kay kamatayan para sa buhay mo. yung kaluluwa mo mapipilitan na humiwalay sa katawan mo. roller coaster, the deadlier version. meron kasi akong hilig sa mga ganitong klase ng karanasan kaya para sa akin kakampi ko itong mga ito lalo na kapag tinatanghali ako ng gising. kahit madalas ako malaslasan ng bag sa bus nila, ayos lang. yung normal na 45minutong biyahe ko mula bahay papuntang gerbis ginagawa lang nilang 15-20minuto. partida pa iyan kasi kasama na sa minuto yung trapik. minsan alam na nga na puno na yung sasakyan, hala sige pa rin yung kundoktor sa kakahanap ng pasahero. san mo naman isisiksik yan kundi doon sa daanan ng tao. hassle lang talaga kapag ganyan na punuan. hindi ko maintindihan yung paiba ibang singil nila. kung sino pa yung maganda yung bus, yun pa yung mababa ang singil. ang kakapal lang ng mukha nung mga bus na galing ng japan. japan nga ba talaga yun o sa taiwan pero malamang china, basta yung mga sinusurot yung upuan. kasabayan ng mga ipis na natira sa mundo yang mga bus na yan nung panahon ng mga dinosaurs. ang alam ko kasi 28pesos ang binabayad ko mula tarbaho papuntang bahay kaya nung nagbayad ako kanina, 30pesos yun at may sukli dapat na dos. sigurado ako kasi hindi ako naglalagay ng piso sa wallet. ibahin niyo ako dahil ang barya ko lang dito tig dadalawang daan. im rich like that. ewan ko nga kung bakit may trenta pesos na sumulpot sa pitaka ko kaya iyon na lang ang ibinayad ko. alam mo kung ano? hindi binalik yung sukli kong dos. sabi nung kumag na kundoktor 26pesos daw yung pamasahe tapos yung binayad ko bente, lima saka piso. kelan pa natutong magpanggap ang piso na maging limang piso? hindi yun nangyayari sa totoong buhay. nakipagdebate ako–kako kaya nga 30pesos binigay ko kasi alam ko 28pesos ang singilan sa pasahe tapos sasabihin mo bente, lima at piso ang binigay ko? sige na at pakakawalan ko na ang isang ito. abuloy ko na lang yun sa nalalapit na lamay niya. magkita na lang kami sa impyernong kinabibilangan ko.

kaya hindi tayo umuunlad mula sa kahirapan dahil ginugulangan tayo ng mga taong nagdadala sa atin sa landas na dapat nating patunguhan. sayang pa rin yung dos ko, pambili rin ng kendi yun sa tuwing nauumay ako sa mga paninda sa pantry ng gerbis.




ang tanong

hindi lahat ng taong prangka, may kredibilidad. ako yung isa sa mga tao na ipagmamalaking sabihin na meron ako ng dalawang katangian na iyan. sa buong kasaysayan ng paglalathala ko, aminado naman ako sa una pa lang na wala akong nabanggit sa datkom na kahit anong lihis sa katotohanan.

kasama ko ang 3 sa pinakamalalapit na kaibigan ko sa speryo sa isang kwarto ng maganap iyon. habang abala akong nagliligpit ng mga gamit ko, bigla na lang akong nagulat sa ibinulalas na tanong ng isa sa mga babaeng kaibigan ko.

xienah, bisexual ka ba?

the shit has landed. hindi talaga namin alam kung saan nanggaling yung ideya niyang iyan. ang tanong niya ay nagsilbing delubyo na naging dahilan ng mabilis na pagguho ng mundo naming lahat na nasa kwarto.

panandaliang katahimikan.

kung tutuusin, hindi ito biro. napakaselang usapin nito dahil pinagduduhan ang pagkatao ko ng isa sa mga pinakamalalapit na kaibigan ko. alam ko na ngayon yung naging sitwasyon ni jimboy, kung naaalala mo pa siya yung boypren boyprenan ni mahal, nung tinanong siya kung bading ba siya. hindi ko sinasabi na hindi siya bakla dahil ang sa akin lang, ganun pala yung pakiramdam na malagay ka sa pangyayaring yon. parang gusto mo manapak pero ayaw mo kasi kakalagay mo lang ng lotion sa kamay mo.

sa totoo, lang natuwa pa nga ako ng may nagtanong sa akin para linawin ang tungkol diyan. ang alam kasi ng lahat bayag ang meron ako at hindi matres.

babae ako at lalake lang ang gugustuhin, mamahalin at titikman ko. kilala si chiksilog sa pagiging babaeng bakla pero kung tutuusin, nauuna pa rin ang pagiging babae ko kesa sa pagiging bading. ikinalulungkot kong sabihin sa inyo na alam ng lahat na hindi ako bakla sa personal.

im boyish but it doesnt follow that im bisexual. siyempre makapagenglish lang para kunwari sopistikada ako. marami akong kaibigang BTLG at wala akong kahit anong masamang tinapay sa kanila. hindi pa ako nagkakaboypren. nagaral ako ng elementarya at hayskul sa isang eksklusibong paaralan para lang sa kababaihan at hindi na bago sa akin ang mga ganitong klaseng sitwasyon. oo, nagagandahan ako kay lucy torres, mikee cojuangco at taylor swift dahil ang puputi at ang papayat nila pero hindi ibig sabihin niyan ay may malisya ako ng pakikipagrelasyon sa kanila. hindi pumasok sa isip ko. kahit sa bangungot, hindi talaga.

hindi ko alam kung ano ang mga salitang dapat gamitin para mapagaan ang kalooban ninyo para mapatunayan na babae ako at lalake ang hanap ko pero handa akong patotohanan iyan sa paraang malalaman pa lang natin sa mga susunod na araw. darating din tayo diyan. ganun kabilis, insta-fast results.




sa comfort room

ikaw ba kapag nagpupunta ka ng banyo, sinasara mo yung pinto? ayos lang kung sabihin mong hindi pero kung ibahin natin ang senaryo: ikaw ba kapag nagpupunta ka ng pampublikong palikuran, sinasara mo yung pinto?

parang likas na yata sa katawan ng tao na isara ang kahit anong makikita niyang bukas na pinto. hindi naman talaga ako palagamit ng public cr. mas madalas nagsasalamin lang talaga ako, tapos na.

isang mahabang proseso kasi ang paggamit ng pampublikong palikuran, parang kumukuha ka lang ng nbi clearance. tedious process. kapag nakapasok ka na, wala ng atrasan. touch move. ang lumabas ng hindi gumamit ng CR, weak. siyempre pipili ka ng malinis linis na toilet bowl, yung hindi tinapakan yng upuan. hindi maputik na sahig, merong rolyo ng tissue at higit sa lahat yung may umaandar na flush. yung ugali ng iba tatapakan yung bakal para sa flush, kumbinyente sa kanila yun imbes na gumamit ng tissue. hindi ako ganon. nagkakaaminan na rin naman diba? sige na nga. minsan ganun ako at mapupunta ako sa impyerno.

hindi ko alam kung anong mensahe ang nais iparating sa akin ng bathaluman na sinasamba ko para makaranas ako ng 3 magkakaibang magkakasunod na pagkakataon na pumpasok ako sa pampublikong palikuran ay nasasakto ako sa mga tao na hindi marunong magsara ng pinto. gusto kong pilitin isaksak sa kokote ko na walang pinto ang banyo nila sa bahay kundi kurtina lang pero sa panahon ngayon napalaimposible na ganun.

maiintindihan ko pa kung isang beses lang mangyayari sa akin iyon na mabubuksan ko ang pinto ng isang cubicle na may laman na tao, pero 3 beses? sobra na yun. sabi nga 3 is a charm–kung ano man ang charming sa pangyayaring iyon hindi ko talaga makukuhang maisip. ako pa yung nahihiya para sa kanila na hindi sila gumagamit ng kandado. napakahirap bang gumamit ng kandado? pambihirang katamaran naman na yan na sa sobrang kailangan mo ng gumamit ng banyo ay nakakalimutan mo na magsara ng pinto.

meron naman kasing tinatawag na occupied at vacant sign. kung occupied yun merong tao at kung vacant malamang wala at dahil ang pilipinas ay isang third world coutry, minsan hindi na nila kaya pang lagyan ng mga ganon ganon yung mga pintuan ng mga pampublikong banyo kaya nakokontento na lang yung iba na sisilipin yung ilalim ng pinto. hindi makatarungan ang silipin ng kahit sino ang ilalim ng pinto para lang malaman kung may tao nga ba sa loob. mano ba naman na kumatok ka at kung may sumagot ng ‘may tao dito’, siguro sapat na hudyat na yun para magletgo ka na at magmove on sa kabilang cubicle. respeto para sa kapwa. mas madalas napapalamukos na lang talaga ako ng mukha sa mga taong ang hihilig manilip ng mga paanan ng mga nasa loob ng banyo. kabalbalan ng mga walang urbanidad.




« Previous Entries