maraming beses nangyayari sa akin ito–pinapatay ko na yung laptop tapos bigla akong dudumugin ng mga salita. nung mapagpasyahan ko naman na buksan ulit para ibuhos ang lahat ng nararamdaman ko, hindi naman ako makatipa sa keyboard at kinailangan ko magrestart ulit.
magrestart ulit? redundant, kaya nagiging napakahabang proseso ng lahat.
kinailangan kong bumalik sa datkom dahil ito na ang huling pagasa ko para hindi ako mawala sa katinuan. hindi mawawala sa sistema ko ang datkom. nakakatulog ako sa gabi pero mabigat ang kalooban ko sa tuwing gigising ako na wala akong ideyang maikwento.
hindi na yata ako marunong magblog at inabot ako ng halos anim na buwan para sabihin kong handa na akong muling ilathala ang mga napagkukwentuhan namin ng sarili ko. kailangan kong hindi matuto para matuto ulit at dahil doon, nahihirapan akong kausapin ang sarili ko. totoo nga pala talaga yung kumakalat sa text messages na pwede mong maging kagalit ang sarili mo. hindi ako makakonekta sa nararamdaman ko, huminto ang bugso ng emosyon, naging manhid ako at alam ng lahat na hindi ko normal iyon.
wala na yung mga taong nakakaalam ng natural ko.
pinakawalan ko ang ilan sa mga itinuring kong totoong kaibigan pero parang mas nararapat yatang sabihin na sila ang kusang kumawala sa akin sa hindi ko mawaring dahilan. nangyari lang. ganun yata talaga, itatapon ka ng ibang tao kapag hindi ka na nila nakikitang kapakipakinabang sa kanila. mahal mo, yun lang, nabalewala. ito yung dahilan ko kung bakit ayaw ko makipagkaibigan sa blog, sa bandang huli malalaman mo na pagpapanggap lang ang lahat. pampadami lang ng comments at pampataas ng hits.
alam ko kung sino yung mga plastikado at kaya kong isaisahin yan sa harapan mo.
kung makikita ko sila sa personal, teka mali, burahin natin yung nasabi ko dahil ayaw ko na pala silang makita sa personal. patas lang dahil wala na rin naman silang pakealam sa akin.
kapag may iniwasan ako? alam na. sus, pwedeng namang magbiro diba? pero sana, sana seryosohin niyo.
hinamon ko ang sarili ko kaya naisipan kong lumabas sa internet para humanap ng mga blogistang nagkatawang tao. ganun ako kadesperado na umabot ako sa punto na kinailangan ko makipagkita sa personal sa ibang bloggers para sukatin at patunayan ang sinseridad nila. nakakatuwa at nakakatawa lang isipin na may mga nakilala akong blogista sa labas ng intarwebs at hindi nila alam si chiksilog. wala silang ideya sa kung ano ang imahe ko sa speryo. wala akong kailangan patunayan sa kanila, kailangan ko lang maging ako. hindi nila kinukwestiyon ang mga nagawa ko sa nakaraan. tinanggap nila ako bilang tao, hindi bilang tautauhan sa blog. sa totoo lang nahihirapan akong ipaliwanag sa kanila na isa akong annonymous blogger. hindi sila naniniwala dahil kung tutuusin, napakahirap patunayan iyon. parang sinabi ko lang na ako si bob ong–minus the etits.
naging abala ako sa trabaho, kinailangan kong maging masigasig dahil medyo malaki ang inaasahan ng amo ko sa akin. naibigay ko na sa kanya ang gusto niya kaya naman nagkaroon na rin ako ng kapayapaan ng pagiisip. ang ayos ng buhay ko nitong nakaraang mga buwan at nakakadiring nasabi ko yan sa inyo. kung ihahack ninyo nga ang admin ng datkom, makikita ninyo na ang laman nito ay puros hindi nailathalang kwento tungkol ko sa pagalis ko sa gerbis. magiisang taon na ako sa akinse ng setyembre at sa loob-loob ko, ayaw ko na muna ituloy ang pagalis gawa ng malapit ng magpasko at marami akong luho na kailangan gastusan para makakuha ng karanasan.
ikinagagalak kong sabihin sa lahat na nakakuha ako ng maliit na parte sa pahayagan. maliit lang. nakiusap sa akin ang kaibigan ko para magsulat sa diyaryo nila. ito pa, siya rin ang dahilan kung bakit ako nasali sa isang short film na malapit ng ilabas. oo, artista na ako pero hindi pa ganap. blogger ako–buhay ko ang sinusulat ko. hindi ako artista at hindi ako kolumnista pero handa akong subukan iyan para maiba lang at meron naman akong maikwento sa magiging mga apo ko sa hinaharap. masaya lang subukan yung mga ganitong klase ng bagay ng walang masyadong nakakaalam. ikaw lang ang pwedeng magtulak sa kung anong magiging desisyon mo.
sa anim na buwan ano naman ang nangyari sa buhay pagibig ko? maraming gustong magtanong ng tungkol dito. hindi ako nagsalita kahit kailan ng tungkol sa kwentong pagibig ko dahil ito yung aspeto ng buhay ko na mananatiling sagrado. nababanggit ko ang tungkol diyan pero mas kailangan basahin ang mga mensahe sa pagitan ng mga linya.
hindi naman talaga ako umalis dahil nandito at nandito lang naman ako. pumili lang ako ng ibang papel na susulatan. hindi naman talaga mahalaga kung saang papel ka nagsulat, ang importate nasasabi mo ang gusto mo. madami akong kwento at babalik ako sa kung paano ako nagsimula.
mukha lang akong seryoso pero pangako ko, ngayon lang ito.


