im guilty





fiesta meal number4

naranasan mo na ba na ayain ka ng mga kaopisina mo na kumain sa labas tapos nung nandon na kayo sa lugar–nakahanap na ng mga pinagsamasamang mesa at kumportableng mauupuan sabay ibibigay sa kung kanino ng amo ninyo ang menu at tatanungin kayo kung ano ang gusto niyong kainin?

siyempre natural na eksena yung magtuturuan kayo sa kung sino ang unang dapat na magsabi ng gustong pagkain kaya matatapos ang halos sampung minuto na pinagpapasapasahan niyo ang menu at nakatitig lang kayong lahat sa listahan ng mga kakain. lahat kayo may gusto pero nahihiyang sabihin dahil medyo mahal pero merong isang tao na magsasalita–yung talagang gutom na at sasabihin niya kung ano talaga ang gusto niya mula sa menu kahit di niya kabisado kung anong mga nakasulat.

siya lang pala ang hinihintay ng lahat, sabay sabay na nagsalita ang mga kaopisina mo sa kung ano ang gusto nilang kainin habang natataranta ang waiter sa pagkuha ng mga inorder na kakainin. magaantay ng 15 minuto, papatayin ang oras at magpapanggap sa isat isa na hindi matagal dumating ang pagkain at hindi ka pa nagugutom. ikukubli mo ang lahat ng iyon sa pamamagitan ng paulitulit na pagtingin sa relo at pagkakalat ng mga gawa gawang kwento tungkol sa kapwa kaopisina mo haggang sa dumating na yung pagkain–nagkagulo ang lahat at alam mo kung bakit may isang taong malungkot? dahil yung taong nauna umorder ng pagkaing gusto niya, inubusan na ng mga kaopisina niya.




araw mo ngayon

sabi ng marami, namana ko ang mapupungay kong mga mata mula sa iyo–magkamukha daw tayo pero kahit kailan, ni minsan, hindi ka sumasangayon. parati mong kinokondena at itinatanggi ang ideya na meron tayong pagkakahawig at sa mga oras na iyon hindi na ako nagulat pa.

sa tuwing magkasama tayong lumalabas, marami sa mga pagkakataon na iyon ang napapagkamalan ako ng mga kakilala mo bilang kasambahay–pero ayos lang dahil talaga naman magkaiba tayo ng itsura. mestisa ka, morena ako. nakakapagduda talaga na meron tayong kinalaman sa isat isa. inuunahan ko na lang nga sila ng tawa kapag nadidinig ko iyon pero alam mo sa loob mo na nasasaktan ako.

salamat sa iyo, hindi ko kinagisnan maniwala sa kahit kanino na maganda ako. patuloy akong makukulong sa konsepto na hindi ikaw ang pinakamagaling at pinakamahusay na ina.

alam mo kung bakit? nahigitan mo pa ang lahat ng pinagsamasamang pinakamagagaling na nanay sa buong mundo. kahit marami tayong hindi pagkakapareho, balang araw gusto ko pa rin maging tulad mo.

labas tayo sa araw ng sweldo. pangako, libre ko. ngayon ka lang makakakita ng alalay na manlilibre ng amo. ang cute natin ano?




« Previous Entries