sabog
ibahin niyo ako, pangatlong entry ko na ito sa araw na ito–yung dalawa nasa [empermera] at kung gagawa pa ako ng isa pa ay mas maigi na lapida na lang ang ibigay ninyo sa bertdey ko. malamang niyan, baka tuluyan na akong pagmaktulan ng blogosphere sa pagkamatay ko mula sa pagkatigang. ang aarte pa naman ng mga nagbabasa dito.
fain. fain. sorry na nga, ang kulit. ayaw ko na magpalusot. wala akong magandang idadahilan kaya tanggapin na lang natin na basag ang datkom gayun din yung may ari. kayo naman, pabago bago pa at hindi na nasanay.
parang ang sarap mag-ulit ng blog, palagay niyo? joke.
kung pahihintulutan ako ng pagkakataon na ibalik ang lumang lathala, ibabalik ko. kung hindi naman–walang masamang mag-ulitan diba? parang naglalaro lang tayo. nadaya ka? ulitan. hindi mo nakuha ang rules ng game? ulitan. ayaw mo na ikaw ang taya? ulitan. natalo ka? ulitan. ayaw mo ng kalaro mo? ulitan. nabobo ka? ulitan.
wan mant
oh? dalawang entry sa isang araw? baliw lang.
ang dami dami kong gustong sabihin kaya lang dahil sa sadyang pakialamera ako at nawasak ko ang datkom na hindi ko sinasadyang gawin, dito na lang muna ako magkakalat.
siya nga pala, mamamaalam na ako sa gerbis. sa wakas, tatapusin ko na rin ang anim na masasaya at malulungkot na buwan kong inilagi doon. bilib ako sa mga taong tumatagal ng sampu hanggang sa higit sa tatlumpung taon sa trabaho. ang tibay kasi ng konsensiya nila para hindi mabagot sa paulit ulit na gawain. ako? masakit iwan ang unang trabaho pero parang mas masakit ang magtrabaho ng wala naman talagang kinalaman sa totoong propesyon. sa pagkakaalam ko, wala sa hinagap ko ang balak na tumagal doon. ang gusto ko nga lang talaga mamera at lumandi–totoo, malaki ang naipon ko sa gerbis at tama rin na maraming gwapo doon. kung pera pera lang din naman ang paguusapan, pinagkakitaan nila ako at pinagkakitaan ko rin sila. quits. amanos. patas. inalagaan ako ng gerbis ng sobra pero merong mga bagay na dapat ginagawa para sa personal na pagunlad ng sariling kapakanan. meron din kasing punto ng buhay ko na para na akong mababaliw doon–paiba iba ng emosyon ang kinahinatnan ng pagpapaaliping ginawa ko sa gerbis. kung pera ang kapalit ng katinuan ko–magkalimutan na lang tayo. mas gugustuhin kong umuwi sa bahay namin na nakikilala ko pa rin kung sino ang dahilan ng pagtratrabaho ko: pamilya ko.
kapag nagtratrabaho ako–trabaho talaga. ipinagmamalaki ko na propesyunal akong tao at wala akong habol na pakikipagobligasyon sa mga kapwa trabahante ko. kaya lang, sadyang may mga bagay na hindi naiwasan. talagang magkakaroon at magkakaroon ka ng mga kaibigan. bibihira lang kasi yung mga tao na nakakatiis sa pagiging madaldal ko at dahil hinihiling ng trabaho namin ang dinggin ang kapwa, dun siguro nila nakuha ang ugali ng wastong pakikinig na may halong pagiintindi sa akin. nahihirapan tuloy ako umalis dahil sa mga nabuong ugnayan ko sa kanila. kahit nagdadalawang isip sila sa kung dapat ba akong umalis alam ko na sasabihin naman nila na sundin ko ang makakapagpasaya sa akin.
salamat sa biruan. salamat sa kalokohan. salamat sa kabaliwan. salamat sa lahat.
wala talaga akong maidahilan kung bakit ako aalis sa gerbis. wala akong maisip na tamang palusot. wala akong maisip na problema. wala talaga. mahal ko ang gerbis. malaki ang makukuha kong pera sa lilipatan kong kumpanya. mas malaking pera equals mas mahirap na trabaho. simpleng aritmetik. kung sasabihin niyo naman na mukha akong pera, pwes itong binabansagan ninyong mukhang perang lang naman ang nakakapagipon para makatulong sa pamilya. ikaw? ano ka? mapanghusgang parasitiko na walang ginawa kundi mangtsismis sa buhay ng iba.
eto na naman
ang gulo gulo.
hindi ko nga kasi maayos yung isang blog ko kaya sa awa ng mahabaging panginoong diyos ay meron tayong isa pang malinaw na pagasa sa ngalan ng blogspot.
oh hullo thurr blogspot, miss me much? no? kei.
ayoko na sa wordpress, masyadong madugo dun kaya dito na lang ako sa kung saan ako naunang nakilala. sa kung saan ako unang natagpuan. sa kung saan ako totoong napapabilang–sa free hosting.
kung magbablog pa ako sa datkom? hindi ko alam. palagi na lang kasing sumasabog. may mga bagay na nakakasawa kapag paulit ulit na lang nangyayari. may mga bagay na hindi na masisikmura kahit buong puso mong ginagawa.
naalala ko, february 28 ko talaga sinimulang buksan ang datkom pero march 3 ako opisyal na naglathala. bakit natagalan? kasi sumabog din ang datkom noon.
history repeats itself.
oh well, im just me. im just back to being the same old me.







