ang haba nito, maiintindihan ko kung hindi niyo babasahin.
hindi pa talaga ako dapat gagawa ng blog entry–dapat audio file ito pero sa hindi maipaliwanag na dahilan, nakakailang record na ako at sa hindi naman sinasadyang pangyayari palagi na lang may aberyang nagaganap.
hindi na yata ako pinahihintulutan ng blogosperyong kumanta.
marami sa inyo ang nakatanggap ng balita na ipinasok ako sa ospital dahil sa grade 1 dengue hemorrhagic fever at hindi man lang kayo nagkusang dumalaw. mga huwalanghiyah. di niyo man lang ako tanungin kung bakit may grade 1 sa medical diagnosis ko. hindi ko alam, ang tanging alam ko–buhay ako at dahil diyan napatunayan kong totoo ngang masamang damo ako.
ohimsuchagirl.com moment
sandali, naiyak lang ako bigla. naalala ko lang–sana may magalaga sa akin. lagi na lang kasi ako yung nagbibigay ng atensiyon sa iba. ako naman? paranas.
kuhol kills.
sa pagkakatanda ko, kaarawan ng nanay ko tapos nagpunta kami sa isang buffet restaurant. nilantakan ko yung ginataang kuhol. noon lang kasi ako nakatikim ulit ng ginataang kuhol kaya sa sobrang kasarapan ng pagkain na iyon, imbes makalimutan ko ang pangalan ko ay nakalimutan ko na mabilis nga pala tumaas ang presyon ng dugo ko. kinabukasan pumasok ako sa gerbis at doon ko na naramdaman na sumasakit ang ulo ko tapos may kasamang lagnat at sakit ng kasukasuan. inubos ko ang natitirang lakas ko para maglakad papuntang clinic at humingi ng gamot tapos nakasalubong ko yung amo ko. wala lang. nabanggit ko sa kanya na parang may sakit yata ako. hindi ko na nga talaga matandaan kung ano yung eksena namin. siguro kasi hindi mahalaga kaya nakalimutan ko na.
masama na yung pakiramdam ko nung uwian. hindi ko na talaga kakayanin, kaya nagiwan ako ng mensahe sa isang blogger sa messenger. naglambing ako na sunduin ako sa trabaho kaya lang naisip ko na talagang imposible na mangyari iyon kasi matagal pa yung uwian niya. sumagot naman siya at hindi ko makakalimutan yung sinabi niya sa akin na magtext na lang daw ako kung gumagapang na lang ako. cute niya ano? sarap sikuhin yung panga. wala na iyon sa akin, ayos lang iyon. tatandaan ko na lang na kahit kailan, hindi ako hihingi ng tulong sa kanya at hahayaan ko na lang na mamatay ang sarili ko.
natulog ako sa bahay at nagising ako, dalawang araw na pala ang nakakalipas. mataas pa rin ang lagnat ko. masakit pa rin ang ulo ko. hindi nagbago yung nararamdaman ko kaya umiiyak kong sinabi sa nanay ko na isugod na nila ako sa ospital–sa araw kung saan hindi na naman natuloy ang pabidyoke ko sa mga bloggers.
positive ako sa tourniquet test at nadagdagan ng isa ang head count ng mga nagkaroon ng dengue sa lugar namin.
tinanong ako nung nurse, umiinom daw ba ako? kung tutuusin, napakadali lang sagutin iyang tanong na iyan. naging napakahirap lang para sa akin na sagutin iyon dahil kaharap ko yung mga magulang ko nung sinabi ko ang mga katagang occassional drinker ako. walang mali pero hindi ko rin naman sinasabi na tama. oo, umiinom ako. huwag niyong ilihis yung usapan na umiinom ako dahil ang istorya dito ay may dengue ako. ipinagmamalaki ko na wala akong bisyo. ay, mali–meron pala akong bisyo: lalake internet.
palagi kong pinapakita sa nanay ko na may kagat ako ng lamok, pero hindi niya pinapansin. kahit ako minsan hindi ko na rin iniinda na may mga kagat ako ng lamok sa hita. kasalanan niyo ito dahil binibigyan niyo ako ng dahilan para magbabad sa harapan ng computer–medyo madilim yung pwesto ko kaya hindi ko maiwasan na makagat ng lamok.
ako na yata ang kaisaisahang pasyente na may dengue na hindi man lang nakaranas ng sobrang simtomas. ipinagpapasalamat ko na hindi ako kinailangan na salinan ng dugo. ayaw ko kasi yung konsepto ng salinan ng dugo. pakiramdam ko mawawala yung blogging mojo ko. hindi na ako si xG kung gayon. hindi na ganap ang pagiging diyosa ko. yung magkaroon nga lang ako ng 13 tusok sa katawan nakakalungkot na, yung sasalinan pa ako ng dugo? sobra na. dalawang beses ako kung kunan ng dugo sa isang araw para malaman kung gaano na kaarte ang platelets ko. hindi tuloy ako makapaglikot. malikot kasi akong bata. hindi ako makatulog dahil hindi ko maidantay yung ulo ko sa braso ko kaya hindi niyo alam ang ginhawang naramdaman ko nung tinanggal na yung swero ko sa kamay. langit.
hindi ko rin alam kung bakit pa ako nagnars. ayaw ko talaga sa ospital kasi lahat ng tao may sakit. nakakaasar. hindi ba at malungkot makakita ng isang lugar kung saan nagsamasama ang mga tao na nangangailangan ng pagaruga? ang ospital ang isa sa mga pinakamalulungkot na lugar bukod sa airport. alam ko, hindi naman na talaga kailangan pang banggitin iyon. ang kulit kasi ng tatay ko, mayamaya tinatanong niya kung ano ang gusto kong kainin. mukha talaga siguro akong gutom sa personal. marunong naman ang mga bituka ko, alam nila kung gutom sila o hindi. kakalam lang naman yan kung wala ng laman pero parang tinamad yata sila nung nagkasakit ako. ayaw magpakitang gilas sa tatay ko. alam niyo ba na gustong gusto ng tatay ko na inaayos yung ulunan ng kama ko? hindi ko maintindihan kung anong kaligayahan ang nakukuha niya sa pagaayos ng unan ko, sa pagkuha ng tsinelas ko sa tuwing maglalakad ako, sa pagbili ng paboritong kong ulam, sa pagakay sa akin papuntang banyo, sa simpleng paghagod ng likod ko. hindi masayang gawin ang mga bagay na iyon. maling isipin na ginagawa niya yun para sa sarili niya dahil sa maniwala kayo at sa hindi, gusto akong pasayahin ng tatay ko. naramdaman ko na gusto niyang bumawi sa lahat ng pagkukulang niya sa akin. ito yung perperktong pagkakataon para mapatunayan niya na hindi ko na kailangan pa maghanap ng pagmamahal mula sa ibang tao. ganun din naman yung nanay ko na para akong paslit kung ituring. masarap sa kalooban yung maramdaman mo na bata ka. yung muli mong maranasan na anak ka. yung oras na maisip mong mahina ka at kailangan mo ang kalinga ng magulang mo. kahit hindi ko sabihin ang mga ito, mahal ko sila ng buong puso.
sa totoo lang naiinis ako na nagkasakit ako dahil sa gastos. magpapasko pa man din pero sa palagay ko biyaya na rin ang pangyayaring ito. kailangan ko na rin kasi magpahinga mula sa trabaho, mula sa blogosphere at mula sa lipunan. minsan kailangan ko lang maramdaman na tao rin ako–na napapagod at nanghihina. ang laking ginhawa ng malaman ko na sasagutin ng insurance company ko ang gastusin sa ospital. medyo nagkaproblema dahil sinagot namin yung ikatlong bahagi ng bayarin dapat kasi libre ang lahat, iyon ang pangako ng insurance company ko. ganap na sana ang pagmamahal ko sa gerbis kaya lang nabawasan iyon dahil pinagbayad kami. ayos na rin siguro kesa naman sagutin namin yung buong bayarin sa ospital. inilipat ako sa mas magandang kwarto: may sariling banyo, airconditioning unit at telebisyon na hindi gumagana ang remote pero may cable channel. ang cool pa nga kasi yung pagkain ko nakatakip ng metal cover at nakalagay sa plato kumpara sa inalisan kong kwarto na mayroon lamang tray na nakabalot ng plastic wrapper. nauna kasi akong inilagak sa kwarto na malapit sa kalsada–maingay, mausok at magulo. hindi ako kumportable magpagaling sa ganung klase ng lugar. binigyan pa nga ako nung liason officer ng teddy bear. letse, kahit gwapo siya huwag niyo na ako tuksuhin sa kanya. wala lang. pokus muna ako sa karir at oo, napakashowbiz ng sagot ko.
hindi ibig sabihin na nasa magandang kwarto ako, magandang kalidad ng serbisyo na rin ang naranasan ko. kung ikukumpara sa pinanggalingan kong eskwelahan? olats yung mga student nurse na nakasalamuha ko. bakit? nursing students kasi ang kumukuha ng vital signs ko. hindi nila ako pwedeng lokohin dahil aR eN ako. kumbaga sa buhay: papunta pa lang ang mga estudyante na iyan, ako nakaalis na. alam ko na hinuhulaan lang nila ang vital signs ko dahil bukod sa nagkakamot sila ng ulo ay dinadaya ko rin sila–siyempre ginawa ko lang itong kalokohan na ito nung pagaling na ako. alam ko kasalanan yung ginawa ko pero mas malaki ang kasalanan nila. hindi dahil sa naisahan nila ako kundi dahil niloloko nila ang sarili nila. pinapaniwala nila ang mga busilak nilang pagkatao na alam nila ang ginagawa nila. tinatama ko naman ang kanilang mga pagkakamali, iyon ay kung maganda ang gising ko pero kung hindi, umiiral ang pagkalokaret ko. hindi ko naman mapipigilan ang pulso ko kaya pinipigilan ko na lang yung paghinga ko. paanong may naililista silang respiratory rate? mananatili iyang isang malaking misteryo. naiinis din ako na bigla silang pumapasok sa kwarto ko ng hindi sila kumakatok. ano ba naman yung magpasubali sila na gigisingin na nila ako? ayon. sabi ko ayaw ko na tinatarantado ang paggising ko kaya natarayan ko sila. hindi ko sinasadya na maipahiya sila pero kailangan niyan mangyari. maswerte ako na hindi ako nasigawan ng mga kamaganakan nung pasyente nung estudyante pa lang ako. siguro kasi bukod sa alam ko yung ginagawa ko, tama rin yung galaw ko. alam niyo ba na sa tinagal ko sa ospital, wala ni isa sa mga nursing students ang nakaalam na may dengue ako? hindi nila binasa ang chart ko at sa anim na araw, isang nursing student lang ang nakasagot sa tanong ko.
einubenemenyen.
yung doktor ko? ang sungit, hindi naman kagandahang lalake. parang laging tinatagusan sa pantalon. dumadaan lang naman siya tapos magtatanong kung ano nararamdaman ko. kung pwede lang gumawa ng nursing care plan tapos ipakita ko na lang sa kanya para di na ako makaabala sa buhay niya, ginawa ko na. dumating siya at ginising ako mula sa pagkakatulog para lang sabihin na “sa lahat ng doktor, ako ang pinakamataas dito. ngayon, kung hindi mo ako papansinin at hindi mo sasabihin sa akin ang nararamdaman mo magkakaproblema tayo.” minamahal kong blogosphere, ito ang tinawag natin na attitude problem. ano gusto niya? manikluhod ako sa harapan niya sa tuwing darating siya para lang makapagbigay pugay? doc, sana bumawi ka man lang sa ginawa mo sa aking pangiirita at nilagay mong 10days yung recommended rest day ko. yan tuloy, kinailangan ko pa maglagay ng 0 sa tabi ng 1 doon sa medical certificate ko. hindi na kita mahal.
may sa demonyo nga talaga yata yung amo ko sa gerbis dahil nalaman na niya na lumabas na ako ng ospital. nagpadala siya sa akin ng text message at sinabi ayos lang na sa enero na ako bumalik sa trabaho. ngayon kung bobo ka, matutuwa ka sa sinabi niya pero dahil sa matalino ako naisip ko na isa iyon sa mga paraan niya para matuluyan ako sa termination. tinanong ko siya kung sesante na ba ako. sagot niya? hindi pa.
wala na rin namang silbi ang pagpupumilit na pumasok sa trabaho dahil sa hindi ako nakapunta sa kaunaunahang christmas party ko bilang alipin. yung pangarap ko na magkaroon ng jacket at christmas basket ay naglahong parang bula. nakakalungkot. isipin mo, magaantay ka ulit ng isang buong taon para lang makaranas ulit ng kris kringle? hindi yun ok. gusto ko pa naman ulit sumali sa parlor games, yung hawakan ng talong. mukhang magiging malabo na iyon mangyari kasi yung huling sinalihan ko na hawakan ng talong, nagwalk out ako. pasensiya na kayo kung maselan ako pero nandidiri talaga ako sa konsepto ng laro. hindi man lang ako nakaranas ng raffle? buntong hininga. hindi man lang nadagdagan ang materyal na pagmamayari ko.
sa kung papaano ko ipagdiriwang ang pasko? mayroon pa rin akong pagasa na magiging masaya ang mga darating na araw kahit nangyari ang lahat ng ito. kung tatanungin niyo ako kung ano ang gusto kong regalo? pwede na yung pangako na magpunta kayo dito sa blog ko para magbasa pero kung galante kayo, simpleng character shirt pwede na sa akin. sa panahon ngayon, wala ng karapatan mamili ang mga pulubi kaya kahit anong ibigay niyo basta tunay ang hangarin, ayos na. huwag kayong masyado magalala, aalagaan ko na ang sarili ko at maghahanap na rin ako ng taong magaalaga sa akin.
ang daming naganap na pagbabago dito sa bahay namin. biglang nagkaroon ng screen yung bintana ko. may bagong electric fan na rin ako. may spray na rin para sa mga lamok. pwede bang bigyan niyo ako ng pagkakataon at hayaan na magaayos ayos muna ng buhay ko? habang abala akong ginagawa iyan, lagi ninyong tandaan na ang tunay na kahulugan ng pasko ay ang taos pusong pagbabahagi sa ibang tao ng bagay na makapagpapaligaya sa iyo–mula sa akin patungo sa inyo, maligayang pasko at manigong bagong taon.