breakbone

Kill The Cat, Teh Life, xGMonologues

ang haba nito, maiintindihan ko kung hindi niyo babasahin.

hindi pa talaga ako dapat gagawa ng blog entry–dapat audio file ito pero sa hindi maipaliwanag na dahilan, nakakailang record na ako at sa hindi naman sinasadyang pangyayari palagi na lang may aberyang nagaganap.

hindi na yata ako pinahihintulutan ng blogosperyong kumanta.

marami sa inyo ang nakatanggap ng balita na ipinasok ako sa ospital dahil sa grade 1 dengue hemorrhagic fever at hindi man lang kayo nagkusang dumalaw. mga huwalanghiyah. di niyo man lang ako tanungin kung bakit may grade 1 sa medical diagnosis ko. hindi ko alam, ang tanging alam ko–buhay ako at dahil diyan napatunayan kong totoo ngang masamang damo ako.

ohimsuchagirl.com moment

sandali, naiyak lang ako bigla. naalala ko lang–sana may magalaga sa akin. lagi na lang kasi ako yung nagbibigay ng atensiyon sa iba. ako naman? paranas.

kuhol kills.

sa pagkakatanda ko, kaarawan ng nanay ko tapos nagpunta kami sa isang buffet restaurant. nilantakan ko yung ginataang kuhol. noon lang kasi ako nakatikim ulit ng ginataang kuhol kaya sa sobrang kasarapan ng pagkain na iyon, imbes makalimutan ko ang pangalan ko ay nakalimutan ko na mabilis nga pala tumaas ang presyon ng dugo ko. kinabukasan pumasok ako sa gerbis at doon ko na naramdaman na sumasakit ang ulo ko tapos may kasamang lagnat at sakit ng kasukasuan. inubos ko ang natitirang lakas ko para maglakad papuntang clinic at humingi ng gamot tapos nakasalubong ko yung amo ko. wala lang. nabanggit ko sa kanya na parang may sakit yata ako. hindi ko na nga talaga matandaan kung ano yung eksena namin. siguro kasi hindi mahalaga kaya nakalimutan ko na.

masama na yung pakiramdam ko nung uwian. hindi ko na talaga kakayanin, kaya nagiwan ako ng mensahe sa isang blogger sa messenger. naglambing ako na sunduin ako sa trabaho kaya lang naisip ko na talagang imposible na mangyari iyon kasi matagal pa yung uwian niya. sumagot naman siya at hindi ko makakalimutan yung sinabi niya sa akin na magtext na lang daw ako kung gumagapang na lang ako. cute niya ano? sarap sikuhin yung panga. wala na iyon sa akin, ayos lang iyon. tatandaan ko na lang na kahit kailan, hindi ako hihingi ng tulong sa kanya at hahayaan ko na lang na mamatay ang sarili ko.

natulog ako sa bahay at nagising ako, dalawang araw na pala ang nakakalipas. mataas pa rin ang lagnat ko. masakit pa rin ang ulo ko. hindi nagbago yung nararamdaman ko kaya umiiyak kong sinabi sa nanay ko na isugod na nila ako sa ospital–sa araw kung saan hindi na naman natuloy ang pabidyoke ko sa mga bloggers.

positive ako sa tourniquet test at nadagdagan ng isa ang head count ng mga nagkaroon ng dengue sa lugar namin.

tinanong ako nung nurse, umiinom daw ba ako? kung tutuusin, napakadali lang sagutin iyang tanong na iyan. naging napakahirap lang para sa akin na sagutin iyon dahil kaharap ko yung mga magulang ko nung sinabi ko ang mga katagang occassional drinker ako. walang mali pero hindi ko rin naman sinasabi na tama. oo, umiinom ako. huwag niyong ilihis yung usapan na umiinom ako dahil ang istorya dito ay may dengue ako. ipinagmamalaki ko na wala akong bisyo. ay, mali–meron pala akong bisyo: lalake internet.

palagi kong pinapakita sa nanay ko na may kagat ako ng lamok, pero hindi niya pinapansin. kahit ako minsan hindi ko na rin iniinda na may mga kagat ako ng lamok sa hita. kasalanan niyo ito dahil binibigyan niyo ako ng dahilan para magbabad sa harapan ng computer–medyo madilim yung pwesto ko kaya hindi ko maiwasan na makagat ng lamok.

ako na yata ang kaisaisahang pasyente na may dengue na hindi man lang nakaranas ng sobrang simtomas. ipinagpapasalamat ko na hindi ako kinailangan na salinan ng dugo. ayaw ko kasi yung konsepto ng salinan ng dugo. pakiramdam ko mawawala yung blogging mojo ko. hindi na ako si xG kung gayon. hindi na ganap ang pagiging diyosa ko. yung magkaroon nga lang ako ng 13 tusok sa katawan nakakalungkot na, yung sasalinan pa ako ng dugo? sobra na. dalawang beses ako kung kunan ng dugo sa isang araw para malaman kung gaano na kaarte ang platelets ko. hindi tuloy ako makapaglikot. malikot kasi akong bata. hindi ako makatulog dahil hindi ko maidantay yung ulo ko sa braso ko kaya hindi niyo alam ang ginhawang naramdaman ko nung tinanggal na yung swero ko sa kamay. langit.

hindi ko rin alam kung bakit pa ako nagnars. ayaw ko talaga sa ospital kasi lahat ng tao may sakit. nakakaasar. hindi ba at malungkot makakita ng isang lugar kung saan nagsamasama ang mga tao na nangangailangan ng pagaruga? ang ospital ang isa sa mga pinakamalulungkot na lugar bukod sa airport. alam ko, hindi naman na talaga kailangan pang banggitin iyon. ang kulit kasi ng tatay ko, mayamaya tinatanong niya kung ano ang gusto kong kainin. mukha talaga siguro akong gutom sa personal. marunong naman ang mga bituka ko, alam nila kung gutom sila o hindi. kakalam lang naman yan kung wala ng laman pero parang tinamad yata sila nung nagkasakit ako. ayaw magpakitang gilas sa tatay ko. alam niyo ba na gustong gusto ng tatay ko na inaayos yung ulunan ng kama ko? hindi ko maintindihan kung anong kaligayahan ang nakukuha niya sa pagaayos ng unan ko, sa pagkuha ng tsinelas ko sa tuwing maglalakad ako, sa pagbili ng paboritong kong ulam, sa pagakay sa akin papuntang banyo, sa simpleng paghagod ng likod ko. hindi masayang gawin ang mga bagay na iyon. maling isipin na ginagawa niya yun para sa sarili niya dahil sa maniwala kayo at sa hindi, gusto akong pasayahin ng tatay ko. naramdaman ko na gusto niyang bumawi sa lahat ng pagkukulang niya sa akin. ito yung perperktong pagkakataon para mapatunayan niya na hindi ko na kailangan pa maghanap ng pagmamahal mula sa ibang tao. ganun din naman yung nanay ko na para akong paslit kung ituring. masarap sa kalooban yung maramdaman mo na bata ka. yung muli mong maranasan na anak ka. yung oras na maisip mong mahina ka at kailangan mo ang kalinga ng magulang mo. kahit hindi ko sabihin ang mga ito, mahal ko sila ng buong puso.

sa totoo lang naiinis ako na nagkasakit ako dahil sa gastos. magpapasko pa man din pero sa palagay ko biyaya na rin ang pangyayaring ito. kailangan ko na rin kasi magpahinga mula sa trabaho, mula sa blogosphere at mula sa lipunan. minsan kailangan ko lang maramdaman na tao rin ako–na napapagod at nanghihina. ang laking ginhawa ng malaman ko na sasagutin ng insurance company ko ang gastusin sa ospital. medyo nagkaproblema dahil sinagot namin yung ikatlong bahagi ng bayarin dapat kasi libre ang lahat, iyon ang pangako ng insurance company ko. ganap na sana ang pagmamahal ko sa gerbis kaya lang nabawasan iyon dahil pinagbayad kami. ayos na rin siguro kesa naman sagutin namin yung buong bayarin sa ospital. inilipat ako sa mas magandang kwarto: may sariling banyo, airconditioning unit at telebisyon na hindi gumagana ang remote pero may cable channel. ang cool pa nga kasi yung pagkain ko nakatakip ng metal cover at nakalagay sa plato kumpara sa inalisan kong kwarto na mayroon lamang tray na nakabalot ng plastic wrapper. nauna kasi akong inilagak sa kwarto na malapit sa kalsada–maingay, mausok at magulo. hindi ako kumportable magpagaling sa ganung klase ng lugar. binigyan pa nga ako nung liason officer ng teddy bear. letse, kahit gwapo siya huwag niyo na ako tuksuhin sa kanya. wala lang. pokus muna ako sa karir at oo, napakashowbiz ng sagot ko.

hindi ibig sabihin na nasa magandang kwarto ako, magandang kalidad ng serbisyo na rin ang naranasan ko. kung ikukumpara sa pinanggalingan kong eskwelahan? olats yung mga student nurse na nakasalamuha ko. bakit? nursing students kasi ang kumukuha ng vital signs ko. hindi nila ako pwedeng lokohin dahil aR eN ako. kumbaga sa buhay: papunta pa lang ang mga estudyante na iyan, ako nakaalis na. alam ko na hinuhulaan lang nila ang vital signs ko dahil bukod sa nagkakamot sila ng ulo ay dinadaya ko rin sila–siyempre ginawa ko lang itong kalokohan na ito nung pagaling na ako. alam ko kasalanan yung ginawa ko pero mas malaki ang kasalanan nila. hindi dahil sa naisahan nila ako kundi dahil niloloko nila ang sarili nila. pinapaniwala nila ang mga busilak nilang pagkatao na alam nila ang ginagawa nila. tinatama ko naman ang kanilang mga pagkakamali, iyon ay kung maganda ang gising ko pero kung hindi, umiiral ang pagkalokaret ko. hindi ko naman mapipigilan ang pulso ko kaya pinipigilan ko na lang yung paghinga ko. paanong may naililista silang respiratory rate? mananatili iyang isang malaking misteryo. naiinis din ako na bigla silang pumapasok sa kwarto ko ng hindi sila kumakatok. ano ba naman yung magpasubali sila na gigisingin na nila ako? ayon. sabi ko ayaw ko na tinatarantado ang paggising ko kaya natarayan ko sila. hindi ko sinasadya na maipahiya sila pero kailangan niyan mangyari. maswerte ako na hindi ako nasigawan ng mga kamaganakan nung pasyente nung estudyante pa lang ako. siguro kasi bukod sa alam ko yung ginagawa ko, tama rin yung galaw ko. alam niyo ba na sa tinagal ko sa ospital, wala ni isa sa mga nursing students ang nakaalam na may dengue ako? hindi nila binasa ang chart ko at sa anim na araw, isang nursing student lang ang nakasagot sa tanong ko.

einubenemenyen.

yung doktor ko? ang sungit, hindi naman kagandahang lalake. parang laging tinatagusan sa pantalon. dumadaan lang naman siya tapos magtatanong kung ano nararamdaman ko. kung pwede lang gumawa ng nursing care plan tapos ipakita ko na lang sa kanya para di na ako makaabala sa buhay niya, ginawa ko na. dumating siya at ginising ako mula sa pagkakatulog para lang sabihin na “sa lahat ng doktor, ako ang pinakamataas dito. ngayon, kung hindi mo ako papansinin at hindi mo sasabihin sa akin ang nararamdaman mo magkakaproblema tayo.” minamahal kong blogosphere, ito ang tinawag natin na attitude problem. ano gusto niya? manikluhod ako sa harapan niya sa tuwing darating siya para lang makapagbigay pugay? doc, sana bumawi ka man lang sa ginawa mo sa aking pangiirita at nilagay mong 10days yung recommended rest day ko. yan tuloy, kinailangan ko pa maglagay ng 0 sa tabi ng 1 doon sa medical certificate ko. hindi na kita mahal.

may sa demonyo nga talaga yata yung amo ko sa gerbis dahil nalaman na niya na lumabas na ako ng ospital. nagpadala siya sa akin ng text message at sinabi ayos lang na sa enero na ako bumalik sa trabaho. ngayon kung bobo ka, matutuwa ka sa sinabi niya pero dahil sa matalino ako naisip ko na isa iyon sa mga paraan niya para matuluyan ako sa termination. tinanong ko siya kung sesante na ba ako. sagot niya? hindi pa.

wala na rin namang silbi ang pagpupumilit na pumasok sa trabaho dahil sa hindi ako nakapunta sa kaunaunahang christmas party ko bilang alipin. yung pangarap ko na magkaroon ng jacket at christmas basket ay naglahong parang bula. nakakalungkot. isipin mo, magaantay ka ulit ng isang buong taon para lang makaranas ulit ng kris kringle? hindi yun ok. gusto ko pa naman ulit sumali sa parlor games, yung hawakan ng talong. mukhang magiging malabo na iyon mangyari kasi yung huling sinalihan ko na hawakan ng talong, nagwalk out ako. pasensiya na kayo kung maselan ako pero nandidiri talaga ako sa konsepto ng laro. hindi man lang ako nakaranas ng raffle? buntong hininga. hindi man lang nadagdagan ang materyal na pagmamayari ko.

sa kung papaano ko ipagdiriwang ang pasko? mayroon pa rin akong pagasa na magiging masaya ang mga darating na araw kahit nangyari ang lahat ng ito. kung tatanungin niyo ako kung ano ang gusto kong regalo? pwede na yung pangako na magpunta kayo dito sa blog ko para magbasa pero kung galante kayo, simpleng character shirt pwede na sa akin. sa panahon ngayon, wala ng karapatan mamili ang mga pulubi kaya kahit anong ibigay niyo basta tunay ang hangarin, ayos na. huwag kayong masyado magalala, aalagaan ko na ang sarili ko at maghahanap na rin ako ng taong magaalaga sa akin.

ang daming naganap na pagbabago dito sa bahay namin. biglang nagkaroon ng screen yung bintana ko. may bagong electric fan na rin ako. may spray na rin para sa mga lamok. pwede bang bigyan niyo ako ng pagkakataon at hayaan na magaayos ayos muna ng buhay ko? habang abala akong ginagawa iyan, lagi ninyong tandaan na ang tunay na kahulugan ng pasko ay ang taos pusong pagbabahagi sa ibang tao ng bagay na makapagpapaligaya sa iyo–mula sa akin patungo sa inyo, maligayang pasko at manigong bagong taon.

19 Responses to “breakbone”


  1. Tsk. Ano ba yang mga buladasphere people na iyan? Wala man lang kaconcern-concern. Hehe…

    Hindi, alam lang siguro nila na walang makakapagpatumba sa iyo. Sabi mo nga, masamang damo ka.

    Ano na nangyari sa lamok na kumagat sa iyo?

    [Reply]




  2. Binasa ko kahit mahaba! Hehe. = D Pagaling ka Xienah. Saka sana maging masaya nga ang Pasko mo.

    [Reply]




  3. Mabuti na lang at okay na. Takot ako sa dengue, takot kasi ko sa karayom. Eh dyusme kahit wala ng makitang ugat sayo kailangan magpalabas ng dugo para maicheck ang lech na platelets na yan. Tama ka, ospital din ang pinakamalungkot na lugar para sa kin. Hindi ko tuloy malaman kung gugustuhin kong makatapos kung ang kapalit eh matatali na ko dun.

    Nalungkot ako bigla, pero dahil magaling ka na at malapit na ang pasko. Mag-celebrate na tayo…tagay na!

    Merry Xmas! *hugs*

    [Reply]




  4. oi bibisitahin ka dapat namin kaso nakalabas ka na pala.. sorry na

    hindi ako nagpapatake ng VS sa mga student nurse nung naospital ako.. kelangan kong mag inarte may sakit ako karapatan ko yun.. haha

    alam mo nung nag ospital ako doon ko nga lang din nalaman na mahirap pala talagang mawalan ng magulang.. yung nanay ko patay na tas yung tatay ko busy sa madrasta ko.. haha.. napakalungkot ng ospital totoo yan mas lalo akong magkakasakit sa lugar na iyon kahit na may sarili akong kwarto na may aircon at lahat ng kailangan ko eh nandun..

    ayokong maospital.. napakagastos, napakalungkot, napakaboring. saka yung mga nurse hindi ko man lang sila nalandi.. haha

    [Reply]




  5. Grade 1 dengue or stage 1 early stage ng dengue to ganyang ganyan nangyari sa akin 5 years ago. Regular symptoms recurring fever lalo na sa hapon pananakit ng laman errr muscles!. biglaang pag tamlay sa pagkain. And yun kung nag positive ka sa tourniquet test congrats na denggoy kana nga!. Walng gamot dito hanggang ngayon. 2 weeks lang akong naka dextrose laging kinukuhaan ng gamot tanging ang iyong immune system lang ang makakaligtas sayo. kaya yun ang dapat palakasin. .Good to hear na ok kana XG. di biro mag ka dengue. About dyan sa Gerbis hayup sila makak tanggap ng feedback yang mga yan.. lagot sila kay fafa hans forkenvince. ngapala ADD MO NA AKO SA PLURK!!! LOL

    [Reply]




  6. mahaba nga pero okay lang. napagtiyagaan ko namang basahn. wala akong ibang masabi kundi welcome back at salamat nama’t magaling ka na. hindi namin kita pwedeng bisitahin dahil sa blogosphere lang kita kilala. pero kung close tau sa totoong buhay, susunduin kita agad sa gerbis nung time na nag-ym ka. at bibisitahin kitang may dalang fruits at flowers sa ospital. :D

    [Reply]




  7. huhuhu..
    nakakaiyak naman ang kwento mo.
    Emong-emo ang dating ah..

    Pagaling ka Diyosa ng Kagandahan.
    Kung kailangan mo ng magaalaga sayo nandito lang ako.
    Just txt MARKY CIELO(SPACE)ON to 2366 sa globe at 2399 para sa smart and talk n txt subscribers.

    Aalagaan kita ng higit pa sa pagaalaga ko sa pusa namin.

    [Reply]




  8. mahaba haba rin ang nabasa ko ah, pero maikli pa yan, sanay sa pagbasa ng cover to cover ng FHM Bibliya lol.

    Alam mo, January 2008, o pebrero? unang beses ako nakakain ng kuhol sa buong buhay ko, ginataan rin, puta hirap na hirap ako higupin ang laman nung una mula sa shell, pwede naman palang gamitan ng toothpick. ayan ang ayaw ko sa mga hipon, tahong o kung ano mang uri na galing sa dagat na nakakubli sa isang shell para sa proteksyon, ang hirap kumain, mahirap mabusog at mahal ang preso sa palengke.

    nadengoy rin ako nung bata ako, fayb years old ako kaya kindergarden ako, syet kailan ko lang rin nalaman na kindergarten pala ang tama, hindi garden. pota, nasira ang paniniwala ko na alam ko na alam na alam ko na ang mga bagay sa mundo.

    tama ka, isa sa pinakamlungkot na lugar sa mundo ay ang ospital, kaya hindi ako kumuha ng narsing, hindi dahil sa takot ako sa dugo pero takot akong may namamatay na indibidwal, ayaw kong maging madhid sa kamatayan. ayaw kong dumating ang araw na namatay na ang mga mahal ko sa buhay na wala akong maramdaman dahil sanay na akong may pumapanaw.

    kung may mga pagkakataon na akala ng isang tao na magaling na siya sa isang bagay, may mga pagkakataon rin na alam mong niloloko mo lang pala ang sarili mo. gaya ng sabi mo, nakakakupal ang mga nakaduty na estudyante sa osptial na nagmamarunong sa kung ano mang dapat gawin sa pasyente, eh ikaw bakit hindi mo alam na nadengue ka na pala, eh diba nung estudyante ka palnaga kinabisado mo pa ang ang sintomas nito. parang ako, putang ina pindot ako ng pindot sa calculator pero hindi ko naman alam kung ano ang ibig sabihin ng mga numerong nakikita ko, akala mo may alam ka na pero sa totoo lahat tayo pasulong ang daloy ng kaalaman, walang bumabalik.

    masarap ang pakiramadam na binebeybi ka parin ng mga magulang, peel na peel ko ang pagkakaroon ko ng pagkakataon na halos lahat ng gustuhin ko ay binili, magpakonpayn kaya ako ulit? hahahaha! teka mamimili muna ako kung anong sakit ang gusto ko.

    siguro pwede ka parin namang pumunta sa xmas party niyo, hindi naman siguro na kakagaling mo lang sa sakit eh bawal na, excuse lang ng kumpanya na magpahinga ka muna. sayang yung freebies.

    [Reply]




  9. Andito ako sa school library namin kaya nabasa ko yung buo mong entry. :) Natuwa ako dun sa part na sinabi mong aalagaan mo na sarili mo at maghahanap ka na nang taong magaalaga sayo. Ayikiee.

    Naalala ko tuloy nung nadengue ako, umiyak ako nang umiyak isang beses *kunwari nagwawala. kunwari lang* tas sabi ko hindi ako makahinga. Ayun. Binigyan ako nang oxygen chorva pero tinanggal ko kagad dahil di ko talaga kailangan nun. Joke nga lang na hindi ako makahinga kase. haha. Ngayon ko lang naisip, dagdag ba sa bill yun na babayaran sa ospital? Wala lang. Bka alam mo lang. :D Sinalinan rin pala ako nang dugo, saming magkakapatid kase ako yung pinakamababa ang platelets. Malapit na nga ata akong mamatay nun eh. Buti di ako natuluyan. :P

    MERRY CHRISTMAS ATE :)

    [Reply]




  10. Nako. DHF grade 1. Yan ang case study namin last rotation.

    Atleast Ok ka na. 2x na kong naconfine. ayoko din sa hospital. sobrang gastos! At ayoko narin ng Nursing! Arghhhhhh!

    [Reply]




  11. hello ate ngayn lang ulit napadalaw… busy mode ako merry xmas at get well soon po!

    [Reply]




  12. stronggurl kasi image mu eh, pero sa totoo may weak points din.. gagu aman blogger na yun.

    [Reply]




  13. Si gasti ang nagsabi sakin ng balita tungkol sa pag short time mo sa hospital..

    Gusto ka naming bisitahin pero malabo din naman….ang layo kaya ng lalakarin ko mula cebu patungong dyan..

    mag ingat ka nalang next tym..magsuot lage ng mosquito net para indi ka galawin ng mga lamok..mag lotion ng mosquito repellent at wag mag suot ng blue dahil nakaka atttract yun ng fckin quitos!

    binasa ko lahat..oo..nabawasan ang email time ko dahil nag idle muna ako sandali para naman sabihin na nirerespeto kita..ahahaaha…

    meeri xmas soulmate…be happy nalang..ur safe sa darating na pasko. at pasalamat na din na buo ang pamilya mo at indi ka mag iisa ngayun kapaskuhan…

    take good care of urself. We dont wanna lose a jusa!

    [Reply]




  14. Hindi ko to binasa. Ang sakit sa mata nung monitor eh.

    :p

    DARE nga kita: magsulat ka ng english. Kahit ano. Wala lang. :P

    meron akong english blog. topak nito. ano naman ang kapalit kung magsulat ako sa english, aber?

    [Reply]




  15. uhmm..eow wassap.haha..first time ko lang magbasa ng post mo.:)..haha.XD..wala lang..nakaktuwa..haha..buti kapa nasasabi mo lahat ng bagay na nangyyare sayo sa blog..ako nahihiya ako..haha.un lang.:D..ingat po..lage..wahaha..XD..Godbless!

    [Reply]




  16. may DHF ka pala. awww. pero wala kang gaanong sintomas? at ayaw mo din magpa-BT? hahaha. edi dextran na lang.lols

    DAT EDCF. hehehe. yan dapat sinabi mo sa tatay mo. hahaha

    nakakaloko mga nsg students ngaun noh. hinuhulaan na ung v/s. sana ako nlng SN mo, paramis. totoo makukuhang v/s sau. hahaha

    at sa mga doctor. sana nga bngyan mo ng ncp. un nga lang, di nila magegetz agad un. mga doctor un eh. iba talaga pag nurse ang magaalaga. :D

    sayang. wait ka ng one yr. sayang ung raffle at monito monita.

    nasasagwaan din ako sa larong hawakan ng talong. hehehe

    helfff.
    restwell ka-tams :D

    [Reply]




  17. dagdag ko lang:

    “all my life i render love and care, wipe tears,ease pain and give hope. but when i realizedwhen i myself is breaking, who will do the samefor me? -emoterang nurse. hehehe

    [Reply]




  18. okay lang na umarte ka dahil hindi naman vital ang rr sa taong may dengue, buti na lang di nadadaya ang bp ahehe… oo totoo yun kahit ako minsan Q-tingin na lang ang mga vs ng patient dahil sa dami nila mas kelangan mong gawin ang mas importanteng bagay katulad ng makapagbigay ng gamot (pinipili ko naman ang mga iqq-tingin ko-ung mga di naman vital talaga sa kaso nila)…
    pero yang mga estudyante na yan, wala silang karapatan dahil vs lang naman ang gagawin nila!!!!
    oo, ang sarap ibigti ng stetho habang hinahampas ng mercurial sphygmomanometer ng mga doctor na may God Syndrome… tinatawanan ko lang yung mga duktor na yan dahil alam kong di rin naman talaga nila alam lahat… sumisimple pa rin naman ng tingin yan sa mims at sa blue book kaya wag silang mag inarte na tipong nanguya na nila lahat ng pages na libro nila… lalo na yung mga residente na sobrang gagaspang ng ugali na feeling mo naman eh walang alam pagalingin kungdi lagnat lang at magreseta ng paracetamol… ako, alam ko marami pa akong kakaining bigas kaya never akong umasta na mala-florence nightingale, kaya dapat wag din silang umasta na parang sinaniban sila ng kaluluwa ni hypocrates dahil alam kong mas marami pa silang di alam para maging duktor…(parang may poot ang part na to)

    tungkol naman sa di pagkatok ng mga estudyante, tamang sinampolan mo sila.. dapat nga kinatok mo yung noo nila para makaintindi… kabaligtaran naman ako sa lagay nila, dahil kung maka-katok ako sa mga pinto ng pasyente eh sobrang lakas.. akala mo sa gate of troy ako kumakatok, akala mo hindi papapasukin (ahehe-inaalagaan ko lang ang privacy nila lalo na kung mag-jowa)

    pag nakakita ka ng lamok na stripes patayin mo na ng katakot-takot yun dahil lamok na may dalang dengue na yan…

    may tanong ako bakit di mo pinaparaktis ang pagiging nurse mo?

    ang haba ng comment ko noh? ang haba kasi ng entry mo.. gumaganti lang ako.. ahehe–wala lang napagtripan ko lang magcomment ng mala sampung kabanata ang katumbas…

    mula sa iyo patungo sa amin na ibinabalik ko naman uli sa’yo– maligayang pasko at manigong bagong taon…
    ingatan ang sarili.. bili na ng baygon.. prevention is better than cure.. cheers;p-glesy the great… gusto ko pang dagdagan yung comment ko kaya lang baka di mo na iapprove ahaha… cheers ulet

    [Reply]




  19. ng dahil sa lamok nakagawa ka ng mahabang entry na tulad nito.

    mahusay ka pa din talaga. wala pa ring kupas. kelan kaya ako gaganahang magsulat ulit? nakakamiss kasi yung panahon na ikaw pa lang halos ang nagbabasa ng blog ko. hahaha.

    [Reply]



Leave a Reply