scheupid manny

Comments Off

hindi na ako magpapaligoy ligoy pa: nanakaw ang anim na libong piso ko kasama ang atm card ko.

buong araw akong umiiyak na naglalakad sa mall ng walang dalang pera. ang hapdi sa pakiramdam yung may gusto kang bilhin–may pera ka naman pero napunta lang sa iba ng wala kang pahintulot. hindi ko nga alam kung paano ako nakauwi sa bahay kasi natatakpan na ng luha ang mga mata ko. hindi ko alam kung paanong buhay pa ako para lang isulat ang kabobohang ito.

ang sakit, sobrang sakit.

ayaw kong makakadinig mula sa kahit isa sa inyo na ‘para kang tanga xG, anim na libo lang yan. kikitain mo rin yan’ dahil uunahan ko na kayo–mukha talaga akong pera at hindi ako nahihiyang aminin iyan. alam niyo ba na sa buong buhay ko, anim na libo ang pinakamalaking nailabas kong pera mula sa sweldo ko?

anim na libong piso. otso pesos nga lang nanghihinayang na ako ipamasahe, mawalan pa ako ng anim na libo? maging makatotohanan nga tayo–napakalaking halaga niyan. gusto ko na ngang magputa nung araw na iyan maibalik lang ang nawalang pera sa akin. sa inyo siguro barya lang ito, pero para sa akin buong kabuhayan ko yan.

300 order ng palabok
222 hongkong noodles
171 redhorse
143 na pearl milk tea grande
80 tshirt
75 beses na 5 days unlimited text
44 na lasagna
37 sine
33 pares ng sapatos
10 araw na bidyoke
4 na buwang bayad sa internet
3 buwang renta sa bahay
1 digicam

0 pagmamahal

kuripot akong tao. hindi niyo alam kung gaano ako nagtitipid. hindi niyo alam kung gaano kadaming tanghalian ang kinaligtaan ko. hindi niyo alam kung gaano kalayo ang nilalakad ko pauwi. hindi niyo alam kung gaano kadaming bagay ang hindi ko binili para lang umabot sa ganyan kalaki ang perang iyan. ang tagal kong inanatay itong pagkakataon na ito na maibili ang sarili ko ng mga simpleng bagay na magagamit ko pero ano ang nangyari? inalis sa akin ang tsansa na mapaligaya ang sarili ko. ako na nga lang ang nagaalaga sa akin, hindi ko pa nagawa ng matino.

gusto kong magalit. gusto kong bugbugin lahat ng tao na mapagbabalingan ng paningin ko at gawing solid to gas silang lahat. gusto kong pasabugin yung mall. gusto kong nakawin lahat ng paninda na gusto ko. kaya lang, anong silbi? hindi na niyan maibabalik ang anim na libong piso na nanakaw sa akin. isa pa, ang ganda ko namang basagulera?

kasalanan ko dahil masyado akong nagtiwala sa bulsa ko ng short ko. kasalanan ko dahil pwede naman sa isang magarang mall ako mamimili pero nagpumilit ako na doon sa mall na mas mura ang bilihin. kasalanan ko dahil hindi ko iningatan yung pera ko. kasalanan ko dahil masyado akong naging kampante. kasalanan ko dahil nagwithdraw kaagad ako ng malaking halaga. kasalanan ko at wala akong ibang pwedeng sisihin kundi ang sarili ko lang.

ipinapangako ko na oras na matanggap ko ulit yung pinagawang atm card ko, hindi na ako ulit gagastos para sa sarili ko. itatanim ko na lang ang card ko sa ilalim ng paso ng kapitbahay namin at kukunin ko na lang oras na kakailanganin ko ng pera.

nakakatakot. ayaw ko ng gumastos at maglabas ng ganyang kalaking pera kahit kailan.

magtiyatiyaga na lang muna ako sa mga luma kong gamit–ulit. magpapakasubsob na lang ako sa trabaho–ulit.

tama siguro si super boss sa gerbis, nakakaawa talaga ako. naisip ko, huwag na kayong magabala na kaawaan ako dahil ako mismo, naaawa sa sarili ko.

sa iyo, bathalumang sinasamba ko, pwede bang makiusap? kung pwede lang ibigay mo na sa akin lahat ng karma ko para sa lahat ng katarantaduhan ko ngayong taong ito. nakikiusap ako sa iyo, parang habag mo na. alam kong hindi pa ito sapat para pagbayaran ko ang mga kalokohan ko at meron pa akong dapat na matatanggap mula sa iyo pero sana, sana lang naman, paki one time big time na dahil handa na akong harapin ang lahat ng iyan.

sa isang buong taon, bukod sa kaarawan ko ay pasko ang pinakaayaw kong araw dahil lahat ng tao biglang nagkakaroon ng obligasyon sa isat isa. naplaplastikan ako kasi minsan yung mga tao parang trying hard maging masaya. ano ang punto ko at bakit binabanggit ko ito? kahit naman sabihin ko iyang mga masasakit na bagay na yan, walang pa ring magbabago. magtiwala kayo, wala akong intensiyon na sirain ang ligayang dulot ng pagdiriwang ng darating na kapaskuhan dahil gusto ko lang malaman ninyong lahat na marami tayong bagay na dapat ipagpasalamat. pinagpala kayo dahil hindi nangyari sa ang ganito. hindi ibig sabihin ng nawalan, dapat ng magluksa. oo, pwedeng magluksa pero sandali lang–iiiyak lang iyan tulad ng ginawa ko tapos matutulog. kinabukasan, maghahangad tayo na sana maging mas maayos ang susunod na araw. lahat ng bagay na nawawala ay may kapalit na mas malaking biyaya.

yeah right, pampalubag loob.

may nakapagsabi sa akin, ako daw ang nagdidikta ng magiging mood ng blogosphere. ang masasabi ko lang–maging masaya kayo. pasko naman, minsan niyo lang plastikin ang sarili niyo.

ikaw naman papa jesus, di ka na ba mabiro?

araw ni papa jesus ito at wala akong karapatang agawin ang moment niya sa pamamagitan ng pagiging emo. naibuhos ko na lahat ng nadarama ko. ayos na ako ngayon. nakahinga na ako ng maluwag. ang sarap sa pakiramdam ang may mapagbubutungan ka ng sama ng loob. gustuhin ko man kalimutan ang masamang pangyayaring ito, hindi pwede dahil kailangan kong matututo.

« Previous Entries