darama
Sabihin mo lang kung di ka na maaasahan.
Gustong gusto ko talaga banggitin yan sa harapan ng tatay ko. Nawala ang pagmamahal ko sa kanya noong gabing iyon. alam ko bastos ang bibig ko pero naisip ko na hindi ko rin pala talaga kaya yan sabihin sa kanya. Madudurog ang puso ko sa hindi mabilang na libong piraso oras malaman kong ako mismo ang nakasakit sa tatay ko.
Nagiging sakitin na ako nitong nakalipas na mga buwan pero hindi ko iniinda. martir. Mabuti na nga na ganito para mapatunayan ko sa lahat na hindi ako masamang damo na kailangan pa tapakan para mamatay. Patakaran sa gerbis na liliban ka lang kung mamamatay ka na. Tipong pupunta ka sa kulungan mo karay karay ang death certificate at sariling corona na may sash ng pakikiramay. Ang cool tignan diba? Pero sa lahat ng batas may makakalusot–pwede umabsent basta aabisuhan mo lang si amo, dalawang oras bago tumungtong sa selda. alas singko ng umaga ang pasok. Ngayon, kung may sakit ka at masama ang pakiramdam mo kahit ubusin mo pa ang natitira mong lakas sa mabilisang pagdarasal ng rosaryo hindi ka pa rin makakabangon mula sa pagkakaratay mo sa kama para bumili ng cellphone load. Inaamin ko–kasalanan ko na walang bukas na tindahan ng alas tres ng umaga. Kasalanan ko din na wala akong mautusan para bumili ng cellphone load at higit sa lahat kasalanan ko na nagkasakit ako.
Nakapagtext naman ako. 630 ng umaga. Walang malasakit yung amo ko. Di man lang ginawan ng paraan. tsk tsk. Naiinggit ako sa ibang kapwa ko alipin dahil ang bait ng amo nila. Ewan. Ayaw ng amo ko saken.
Ang haba ng backstory. Eto na yung entry.
Magpasa daw ako ng medical certificate kundi kakasuhan ako at ilalabas ako sa pagkakakulong ko sa gerbis. tatanungin niyo ako kung kamusta yung mga nurse sa clinic ng gerbis? Ayon. Alas tres na ng hapon nakalunch break pa rin. Ang cool talaga sa gerbis ano? Wala kong ibang alam kundi humingi ng tulong sa tatay ko na bihira ko lang makita at makausap.
hindi tatay ang kailangan ko kundi ama.
ala una ako nagtext pero alas nuebe siya tumawag. Sabi ko pagawan ako ng medcert sa kakilala niyang doktor. Sabi niya bukas na lang. Sabi ko dapat maipasa ko bago pumasok kinabukasan dahil nagpalusot lang ako sa amo ko na naiwan ko ang medcert ko. Sabi ng tatay ko gamitin ko ulit yung palusot na yun. Sabi ko ang tanga ko namang alipin kung ganyan din lang ulit ang sasabihin ko.
Debate sa telepono. Nalintikan na. Ayaw ko nakikipagdebate sa telepono lalot may sakit ako at ginising ako ng wala sa hulog. yung doktor na kilala ng tatay ko ayaw magpaareglo na kung pwede doktorin niya yung medcert ko. naisip ko, oo nga naman. parang ang bobo ng dating–redundant kasi. kaya susunduin na lang daw ako ng tatay ko sa bahay namin. angkas daw ako sa motor niya.
may sa manghuhula talaga ako at dinala ko yung ever reliable atm ko. oo, yung machine mismo dinala ko, bakit ba? naunahan ko na–walang dalang pera yung tatay ko para ipagamot ako. hindi niyo lang alam kung gaano ako nasaktan bilang anak na malaman iyon mula sa magulang ko–na wala silang pera pampagamot sa suwail nilang anak. wala naman pinagkaiba kahit mabait akong anak dahil ang dulo ng usapan, wala silang pera noong gabi na iyon.
Sana ako na lang pala nagpagamot sa sarili ko.
ayan na lang yung nasabi ko sa tatay ko imbes yung naunang linya. umiiling ako na nagwidro ng pera. nagkasakit pa kasi ako, letse. alam ko medyo sarcastic, pero ano magagawa ko? ganun talaga bunganga ko. alam ko nayamot din siya pero wala siyang magagawa, alam niya rin kasi na ganun na ugali ko.
tahimik lang kami na nakasakay sa motor. wala kasi kaming kotse. dati meron, pero ngayon wala na. potah. ang bobo mo kung iisipin mo na lumayas yung kotse namin pero parang posible rin diba? sa kapabayaan na rin siguro ng tatay ko sa pera. nagtampo. alam niyo? hindi ako yung bata na laki sa layaw pero masasabi ko naman na kumportable ang buhay ko dati. kahit kung ituring ako ay parang mayaman dahil sa kung paano ako umasta, marunong pa rin akong kumain ng lupa at sumipsip ng nektar ng santan sa tuwing nakikipaglaro ako sa mga kapitbahay kong iskwater. bago sa akin ang lahat ng ito. patawarin niyo ako, prinsesa kasi ako dati.
mabalik tayo sa motor.
parang ungas lang kasi yung ulan, bumuhos habang bumibiyahe kami–nabasa tuloy ako. parang eksena sa isang music video, kaya lang hindi tungkol sa magsyota kundi tungkol sa dalawang tao na walang pera. naisip ko sa sarili ko, ganito pala yung tatay ko kapag nagtatrabaho siya sakay ng motor. nauulanan. naaarawan. nauusukan. lapitin sa disgrasya. ang hirap pala ng ginagawa niya para sa pamilya namin. basta. mahirap. tapos kung umasta pa ako sa kanya parang tinatae lang yung pera. gago ko talaga.
fast forward, nasa ospital na tayo.
bigla naman ako nasabik sa ospital. hindi lingid sa kaalaman ninyo na ako ay isang empermera. boplaks, empermera hindi esperma. parang gusto ko na ulit bumalik sa pagiging nars at maging tagapangalaga ng sakit.
joke lang.
nagpacheck up na ako. mabilisan lang. sinabi ko na lahat ng mga naramdaman kong sakit sa nakalipas na araw. tama ka sa nabasa mo. MGA NARAMDAMAN KONG SAKIT SA NAKALIPAS NA ARAW. ayaw ko na sabihin yung eksaktong kondisyon ko na parang sa teleserye lang din na ayaw na magalala pa yung mga mahal niya sa buhay kaya ililihim na lang ang sakit na iniinda.
nalaman ng tatay ko ang lahat, sinabi mismo sa harapan niya ng doktor.
tanginang doktor yan, naunahan pa ako basagin ang trip ng tatay ko. ako nga na anak niya di ko siya nasaktan, siya pa na doktor lang at hindi pa namin kakilala. tamang reak lang siyempre. yung sakit na matagal ko ng tinatago, nalaman ng tatay ko. napabili tuloy siya agad ng gamot. sabi ko huwag na, ako na lang. wala akong magawa, masyadong mapilit. mana talaga sa akin.
pauwi na kami, siyempre sakay pa rin ng motor. alangan naman kung bitbitin namin sa balikat yung motor. umuulan pa rin at habang nasa biyahe kami, pinagsabihan ako ng tatay ko–ingatan ko daw yung kalusugan ko. tumulo na yung luha ko. ako kasi dapat yung nagsasabi niyan sa kanya. ako yung dapat na nagpapaala hindi dahil sa obligasyon ko iyon kundi dahil sa mahal ko ang magulang ko. kung ano man ang tinukoy ko na pagmamahal na nawala para sa tatay ko, triplehin niyo iyon ng isang milyong tiklop–ganun ang pagmamahal ko para sa magulang ko. hindi, mali. burahin niyo iyon. hindi masusukat ang pagmamahal ko para sa mga magulang ko.
iyan ang kwento ng medical certificate na ipinasa ko ng hindi ko naman nabasa kung ano ang diagnosis. bow.
Pahabol Sulat
nalaglag ako sa hagdan. dalawang beses. im such a happy staircase user, noh?
isa pang pahabol sulat
nalaman ko na may isang buong palapag na inialay para pagluklukan ng mga locker sa gerbis. nahuli lang pala ako sa balita pero kahit ganito hindi pa rin ako magrerenta ng locker.
evicted
Lumipat kami ng bahay.
Pangatlong beses ko na ito na lumipat ng bahay simula ng nagkatawang tao ako at natutong makipagsapalaran sa mundo. hindi naman ako nagrereklamo sa kung paano ang naging buhay ko ngayon pero pwede ba akong magsumbong sa inyo?
Yung unang sweldo ko naubos lang na pang down payment sa bagong apartment.
Gusto ko makatulong sa pamilya ko, lahat naman siguro–iyan ang unang bagay na kinokonsidera sa pagtratrabaho pero hindi ko naman akalain na ako na ang sasalo sa obligasyon na buhayin kaming maganak. Ang akin lang naman, bente uno anyos pa lang ako. marami pa akong gustong gawin sa buhay. Marami pa akong luho na gustong bilhin. Marami pa akong bagay na gustong mangyari. kung patuloy na magiging ganito na ako ang sasalo sa resposibilidad na hindi naman talaga dapat sa akin, hindi lang ako magkakandakuba sa pagtratrabaho, kundi magiging isang tigang na matandang dalaga pa ako.
Magaaral na ako maggantsilyo at mangausap ng mga halaman sa hardin.
Siyempre gusto ko rin maganak pero mukhang magiging napakalabo.
Wala nga akong nabili na luho para sa sarili ko. Hindi ko man lang nalasap ang katas ng sarili kong paghihirap. Hindi man lang nga ako nakabili ng bagong sapatos o kahit cheek tint man lang. nauubos yung pera ko sa pagkain at pamasahe. Nakakalungkot dahil ang laki ng gutom ko kaya tumaba tuloy ako.
Masaya dahil petiks lang ang trabaho sa gerbis. Akin ang oras at parang nasa bahay lang. ang kinagandahan, binabayaran ako per ora. Ang mahirap ay yung oras ng trabaho at kung paano pumunta sa trabaho.
Tigasan ka? Sa mga taga mandaluyong diyan, pakibahay ako.
Mainam na rin siguro na lumipat na kami ng bahay. ayaw ko kasi na para kaming nasa ilalim ng anino nung matapobreng matandang hukluban na kasera namin. May respeto ako sa matatanda pero siya yung tipo ng magulang na dapat talaga bastusin. Kahit posibleng tarantaduhin ko siya, siyempre hindi ko ginawa at magagawa yun—muntik lang, sa hinagap.
Ang plastik kasi nung matanda. Kapal ng mukha. kunwari nagaalala sa kalagayan naming maganak—neknek mo kang gurang ka. basta marami pa akong reklamo sa kanya.
Ayos naman dito sa bago naming bahay. nasa loob kami ng isang compound. up and down tapos dalawang kwarto—akin yung isa. Pangarap ko magkaroon ng sariling kwarto at ngayon na meron akong matatawag kong akin, saka naman kutson lang at electric fan ang laman nito. Kakalog kalog.
Ang gwapo nung anak ng mayari. Yes. pero hindi ko pa siya nakikita mula ng lumipat kami. No.
Kung kailan na kami nagkaroon ng maluwag na lugar para makapagestima ng bisita saka naman ako nawalan ng kaibigan na pwedeng papuntahin. Hindi, mali kayo sa akala niyo na loner ako–sadyang wala lang ako talagang balita sa mga tropa ko nung highschool at college. Kasalanan ko rin naman, hindi ko binigay ang contact number ko sa kanila. Wala lang. ayaw ko kasi.
welkam sa bahay ko. welkam sa buhay ko. Have a nice life.
lock
halika, magplastikan muna tayo.
bago ako pumasok sa gerbis, nagsaliksik muna ako ng mga tsismakarus na pwede kong maging basehan sa istayl na gagamitin ko sa pangangamuhan ko dito. siyempre hindi ako naniwala sa mga forums forums chever chever na iyan dahil hindi naman ako yung mismong nakaranas nung mga sinasabi nila. malay ko ba kung may angst lang talaga sila at ipinanganak na negative kaya sila ganun magsalita. ngayon na nandito na ako sa loob mismo ng kumpanya–mapapatunayan ko ang ilan sa mga testimonya ng mga taong ito sa pamamagitan ng kwento ko.
si super boss kasi nagpunta sa kulungan naming mga bihag ng gerbis para maginspeksiyon. katapusan ng buwan. sweldo. kunwari ginagawa niya trabaho niya. pakitang tao. ako bilang baguhang alipin, natural lang maging inosenteng biktima ng kamangmangan at lahat ng pagkakamali na gawin ko ay may katumbas na matamis na kapatawaran. kabilang iyan sa mga hindi naisulat na batas. wala akong malay na bawal maglagay ng mga personal na gamit sa selda. gaya gaya lang naman ako kaya ginaya ko yung ibang mga bihag at naglagay ako ng personal na gamit sa selda ko. hindi ko alam kung ano ang nakain ni super boss kaya natripan niya maginspeksiyon, ayun–nahuli ako, balbon.
wala kang locker. nakakaawa ka naman.
humiwalay sa katawan ko yung kaluluwa ko sa sobrang kahihiyan nung marinig ko mula kay super boss ang mga katagang yan. palagi kong sinasabi na merong tamang paraan para sabihin ang mga bagay pero si super boss? matapobre ang tono. mapangmaliit. hindi ko nagustuhan. kailan pa naging basehan ng pagkatao ang kawalan ng locker?
super boss, dapat may locker kang ipagawa para sa mga alipin mo. teka nga. hindi bat dapat ay matik na meron na talagang locker ang mga alipin? mestisa kang naturingan. ang ginhawa ng katayuan mo sa buhay kung titingnan kaya lang kahit puti ang kulay mo, itim naman ang budhi mo. siguro maitim din gilagid mo? hula ko lang naman. smile nga?
nilagpasan ko lang siya. sayang sisikuhin ko sana si superboss, kaya lang nakaiwas. lucky bitch.
wala akong pambili ng locker. lakihan mo kaya ang sahod ko? no? ok.
siya nga pala, pilosopa na ako sa sasabihin ko pero wala talaga akong locker. hindi ako nagmamayari ng locker kasi nirerentahan iyon. tanga ka super boss, tanga ka. pustahan tayo, wala ka ring locker, ano?
ewan ko sa sarili ko, ang dami kong alam.
hindi pa nga yan yung nakakairitang parte, sasabihin ko pa lang. ito pa lang. hindi pa tapos. hindi nakuntento si super boss na ipangalandakan sa buong kulungan namin na wala akong locker dahil ipinagmalaki pa niya sa mga kaibigan niya na wala akong kakayahan magrenta ng locker.
thanks.
alam niyo? takot rin si super boss sa akin. nagparinig lang siya nung papaalis na ako. babalikan ko sana siya kaya lang kailangan ko pa ng pera pampakabit ng intarnets sa bahay. next time na lang kapag nakakita na ako ng ahenteng magliligtas sa akin sa pamamagitan ng pagkakabit ng iligal na kokensiyon ng intarnets.
ang mas magandang dapat na ginawa niya ay ang iabot ang palad niya sa harapan ko at ako na lang ang bahala magboluntaryio na ihampas ang namimilog kong pisnge sa kaliwang kamay niya. kanenete kasi ako kaya ganun. nakakahiya naman sa kanya at kailangan pa niya bumaba sa lebel ko–lebel ng mga alipin para mapatunayan lang kung gaano kalakas ang kapangyarihan niya.
flavor of the eye talaga ako ng mga powers that be. pansin niyo?
henakoh. pinapaaga niya ang taning ng buhay ko. kung tutuusin di ko naman kailangan sundin yang si super boss. hayaan niyo dahil sa susunod na magkakamali ako, ipapabawas ko na lang sa sweldo ko. masaya sa gerbis at hindi ako magsasawa na paulitulitin yan. hindi maiiwasan ang mga taong ganito–mga mayayabang. lahat talaga ng kumpanya, kahit saan ka mapunta may mga kupaloids na sisira at sisira ng pokus mo na kumita ng pera.
total nagwawasakan na lang rin naman tayo ng pagkatao–dun ka sa gerbis, dito ako sa blogosphere. ano, game ka ba super boss?







