retreat
bigla ko na lang nakita yung mga bagay at gamit ko na nawawala noon–yung kahit saan ko hanapin hindi ko pa rin makita. sabi ng nanay ko, bibig ko daw yung pinanghahanap ko sa mga gamit ko. totoo naman. ugali ko talaga iyon. ang palusot ko: alam ko kung saan ko inilalapag at inilalagay ang mga gamit ko. oras na mawala yun sa kinalalagyan, ibig sabihin may nangealam sa pamilya.
natagpuan ko na yung mga luma kong gamit. mga stationery na kinolekta ko nung bata ako. mga damit na hindi ko pa nasusuot. mga sulat na binigay sa akin. napaluha ako kasi hindi ko na kailangan itong mga bagay na ito. nalungkot ako kasi nalaman ko na kaya ko pala mabuhay na wala ang mga gamit na iyon.
makakalimutin kasi akong tao at nagkakasya na lang ako sa pagtatabi ng mga basura–kumapit sa alaala. pakiramdam ko may attention deficit hyper activity disorder talaga ako. nagpopokus lang ako sa isang alaala tapos makakalimutan na yung iba pang mahahalagang bagay.
magandang balikan ang nakaraan pero hindi tama ang magpaiwan doon. hindi naman importante ang mga alaala para sa akin dahil nga sa makakalimutin ako. wala akong choice. kusa ko na lang nakakalimutan ang mga bagay. ang binibigyan ko na lang ng buong pagpapahalaga ay ang mga tao na kasama ko na gumawa ng mga alaalang iyon.







