violation unintentional

Ito yung mga pagkakataon na gugustuhin niyo na lang umiyak kaysa sa magalit dahil wala na kayong lakas para maghuramentado—nakakatamad.

Natutuwa akong makita ang reaksiyon ng mga taong nagtatanong dahil interesado silang malaman kung ano ang mga naging karanasan ko pagdating sa pagtatrabaho. Oras na pumanting sa kanilang mga tenga ang pangangamuhan ko sa gerbis, hindi nila maiwasan na mapabilib. bukod pa riyan, nagugulat din sila sa ideya na sa napakabatang edad kong ito, ang tapang ko dahil sa ganitong klase ng trabaho ako napadpad.

Wow.

Hindi ako perpekto at mapapatunayan ko iyan sa pamamagitan ng mga pagkakamali ko sa gerbis. Nakakaramdam ako ngayon ng pagkadismaya. Alam ko sa sarili ko na magaling ako. gustong gusto ko yung sinusubukan ang galing at tatag ng pagkatao ko pero sa trabahong ito? mukhang marami pa talaga akong kakaining bigas at iinuming libreng kape—drink number 7 mula sa vendo machine.

Hindi naman sa pagmamalaki ng bayag pero masasabi ko na mas may brilyo ako ng kaunti kaysa sa mga naging kasabayan ko. Magagaling kami pero meron talagang lalabas na mas magaling at isa ako sa kanila. konting galing lang naman ang agwat ko. Hayaan niyo na ako magyabang ng maiangat ko naman ang aking moral sa sarili kong paraan. Kahit ngayon lang, please?

Hindi ko maipaliwanag kung bakit nangangati ang kanang kamay ko habang tumitipa sa keyboard. Magkakapera nga ba ako o sadyang nalimutan ko lang maghugas ng kamay?

Mabalik tayo sa aking pangungumpisal sa inyo pagdating sa aking bagong tuklas na kahinaan. hindi naman ako ungas na maituturing na walang silbi sa gerbis—hindi ganun at hindi magiging ganun kahit kailan. Ang akin lang, ako kasi yung tao na alam ko na magaling ako. tama ka. nasabi ko na yan kanina pa, inulit ko lang. hindi kasi ako marunong humingi ng tulong. Pakiramdam ko inutil ako. nasanay kasi ako na marunong ako sa mga bagay bagay, pero pagdating dito sa trabaho ko sa gerbis? para akong bagong hango na isda mula sa dagat na itinapon sa banyera na puno ng yelo ng walang awang mangingisda. nakakaabala para sa iba ko pang kasamang mga isda ang sapilitang pagkislot ko. Hindi nakakatulong.

Alam niyo yung kantang booty music ng the deep side? Naaliw ako. kulang na lang mapaos o di kaya naman ay sumabog yung vocal chords ng mga bokalista na yan. napapaindak talaga ako kapag naririnig ko iyang tugtog na iyan. sige, ganito. humanda at magabang na kayo dahil malapit niyo na akong makita na sumasayaw sa saliw ng kantang iyan.

Pangalawang off topic na ba iyon?

Bayanihan ang tema ng gerbis. Hindi niyo lang alam kung gaano ako kasaya ng malaman ko na may mga taong ipinanganak na may mahabang pisi ng pasensiya para turuan ako sa kung ano ang tama na dapat kong gawin. Walang masama sa paghingi ng tulong, kaya lang–hindi kasi ako iyon. Hindi ako marunong humingi ng tulong. Kaya siguro ako nadidismaya dahil naninibago ako sa konsepto na ako yung nagbibigay ng saklolo. Hindi ako ang bida—sa ngayon. Huwag niyong isipin na impyerno ang gerbis dahil ang totoo, mababait ang mga tao doon—ako lang talaga ang may problema at kailangan ko magayos ayos ng buhay.

ako ay inosenteng biktima ng kamangmangan. may tamang lugar para magkamali at hindi gerbis ang isa sa mga lugar na iyon. ako? nagawa kong baguhin iyon dahil sa dami ng beses ko ng nakagawa ng pagkakamali pero katumbas nito ang ilang bagong tuklas na kaalaman na hindi ko matutunan sa ordinaryong silid aralan.

blog ang solusyon sa pagod ko at mapapansin niyo na sobrang napapagod na ako sa ginagawa ko sa dalas ko maglabas ng lathala sa datkom. Bongga. Hindi na masama ang tatlong beses sa isang linggo. Kung kelan walang internet sa bahay at napakasobrang ubod ng abala ko sa buhay, doon ko naman nakuhang asikasuhin itong kalokohan na ito. Oo, pangatlong off topic na iyon.

Kung sino ang xienahgirl na nakilala niyo sa internet, ganun din siya sa totoong buhay. Walang pinagkaiba. Ipinapakita ko kung ano ang nadarama ko. Umiyak ako sa harapan ng amo ko. Huwag niyong isipin na masama ang ugali ng amo ko dahil sa katunayan sobrang bait niya. Hula ko nga mapupunta siya sa heaven tapos makikita niya si father god—ngayon din, ora mismo. Huwag na kayong magano ano diyan para ipaalam sa akin na nakakahiya ang ginawa ko dahil alam ko na yun bago pa ako humingi ng permiso mula sa amo ko na pupunta ako sa banyo para huminga ng malalim. Kailangan mapuno ng pagasa ang nanliliit kong baga at maibuga ko papalabas ng aking sistema ang panghihina ng kalooban ko. Hindi ako napaluha dahil sa masamang karanasan o sa mga pagkakamali na nagawa ko kundi dahil sa pinaghalo halong kaartehan ko sa katawan at sa rason na baka hindi ko malagpasan o maabot man lang ang inaasahan ng grupo ko mula sa akin.

ako nga na itinuring na magaling dinadaga pa ang dibdib, paano pa kaya yung walang galing? magpakamatay na sila.

Saka ko na lang siguro sasabihin yung pangapat na ofttopic, na ang bobo ko na ngayong gumamit ng microsoft word kaya mas tiyatiyagain ko ang makipagplastikan sa inyo gamit ang internet browser. ewan ko kung ako lang pero hindi gumagana yung mga shortcut keys sa ms word.

Kaya ko ito. kesehodang bata pa ako o una ko itong trabaho kaya ito nangyayari sa akin. Maraming dahilan para umayaw pero mababalewala ang alinlangan na iyan ng isang matinding rason para magpatuloy: ang tiwala ng grupo ko na may maiaambag ako para sa ikabubuti ng lahat. patutunayan ko na hindi sila nagkamali. Paniniwalain ko sila sa parehong paraan kung paano ko pinaniwala ang sarili ko.

Magaling ako. magaling ako. magaling ako. confident positive self recitation. Ewan. ako lang nagimbento niyan.

Pustahan tayo, 4 buwan lang ang itatagal ko sa ganitong klase ng paninilbihan sa gerbis. Biro lang, pero pwede niyo rin seryosohin.




mimic

Imitation is a form of flattery.

Naniniwala ka talaga diyan sa kasabihan na iyan? Kung gayon, binibigyan kita ng pagkakataon na lokohin ako basta huwag mo lang lolokohin ang sarili mo.

Palagi kong pinapaalala sa inyo na inggitera ako. hindi ko ikinakahiyang sabihin na likas sa akin ang mainggit pero ito lang ang sinisigurado ko sa inyong lahat: hanggang doon na lang iyon. Hindi ako umaabot sa punto na kailangan makapanakit ako ng damdamin ng iba para lang magkaroon ako ng bagay na wala ako. ako yung tipo na kapag nainggit, gagawa ako ng paraan para makamit ko ang gusto ko. trying hard pero sariling sikap.

Ayaw ko lahatin pero merong mga tao na wala talagang talentong magisip para sa sarili nilang kapakinabangan kaya kinakailangan pa nila tignan ang kung ano ang mayroon ang kapwa nila. Binabalaan ko kayo, hindi basta makakita tayo ng kaaya aya ay pwede na nating gayahin iyon. Hindi lahat ng maganda sa paningin natin, dapat gayahin pero kung alam natin na magiging mainam ito para sa atin–huwag na tayong magatubili na magpatumpik tumpik pa. gora lang ng gora.

Ano nga palang kalokohan yung tinatagalog yung mga english na kanta? Uso ba iyon? para akong timang na tawa ng tawa sa bus nung marinig ko yung katangahang iyon. Kung sino mang nilalang ang nakaisip na gawin iyon, gusto kong ipaalam sa iyo na ang bobo mo. anong kapakinabangan ang naidulot sa kanya nito? Huwag kang magpapakita sa akin dahil susuntukin kita gamit ang buong lakas na natitira sa katawan ko.

Hindi totoo na likas sa mga pinoy ang manggaya dahil lahat ng nilalang, kahit anong uri man ng kultura, basta makita nila na maaari nilang mapakinabangan ang bagay o gawaing iyon, natural–pipiliting kopyahin. Kapag may nakita tayo na alam nating makakabuti para sa atin, hindi na tayo magdadalawang isip pa kunin ang konsepto na iyon. ipokrito ang tao na nagsasabi na kahit kailan hindi siya nanggaya. alam ko hindi tayo dapat magalit sa mga taong nangongopya para sa sariling kapakinabangan pero merong mga pagkakataon na masasabi natin na umabot na sa sukdulan at kailangan na natin umapela.

Napansin ko na talamak ang ganitong gawain dahil may ilan sa mga bloggers na kung makaasta sila kala nila orihinal ang konsepto nila. Ang titikas, akala mo kung sinong magaling samantalang kumopya lang naman. kailangan ko pa bang utusan ang mga kokote nila na gumana naman kahit ngayon lang? subukan kaya nila magisip, hindi ba nila alam na makakabuti iyon sa lipunan? Walang masama sa pangagaya lalo na kung bibigyan mo ng pagkilala ang tao na kinuhanan mo ng konsepto pero ang angkinin ang lahat ng papuri? Sumalangit nawa ang iyong kaululuwa.

click

Ayos lang sa akin na gayahin niyo ako. Kung nakikita naman ninyo na kapakipakinabang ang mga bagay na ginagawa ko, libre kayong manggaya. nakakatuwa lang dahil kahit ako, hindi nakaligtas dahil bukod kay XienahGirlish, nadiskubre ko na may mga gumagaya sa akin lalo na sa paraan ko ng pagsulat. Hindi ko na lang pinapansin noon pero ngayon, hindi ko na mapapalagpas ang pagkakataon na ito.

Kilala mo kung sino ka dahil nagbabasa ka dito. Anong tinitingin tingin mo sa katabi mo? ikaw ang pinariringgan ko, nagmamaangmaangan ka pa. Iyan na nga lang ang gagawin mo, hindi mo na nga kailangan magisip dahil gagayahin mo na lang ang ginagawa ko tapos hindi mo pa pinaghusay. Ayusin mo. kokopya kayo tapos kapag pumalpak, ako pa yung mali. Ako nahihiya para sa mga taong tulad niyo.




jepjep

hindi pa tuyo ang kanyang metallic green nailpolish. iritado, hindi dahil sa walang metallic blue na nailpolish kundi dahil sa pinipilit siya ng isang parlorista na magpahot oil ng buhok. walang abnormal na tao na nasa tamang wisyo ang matutuwa na masabihan na magpahot oil dahil buhaghag ang kanyang buhok. sa hindi inaasahang pangyayari, napilitan siya na magbitaw ng pangako, na magpapahot oil siya, kahit alam ng lahat ng tao na wala siyang kakayahang tuparin iyon.

lumabas siya ng salon at damang dama na niya ang alinsangan ng pabagobagong panahon. ang sikat ng araw ay tila init na pumapaso sa kanyang matagal ng sunog na balat. pilit niyang tinatakpan ng kanyang kamay ang kanyang ilong mula sa maitim na usok na lumalabas sa tambutso ng mga saksayan. nagkalat ang mga jeepney, bumubuga ng nakasusulasok na hangin ngunit wala naman talagang nakakaalam kung ano ang tunay na silbi nito sa mundo. isang salot, na hindi maiiwasan. isang kapahamakan, na hindi ka maaaring maisalba.

pinara niya ang paparating na pampasaherong jeep at dagliang sumakay. humawak siya sa malamig na bakal na nagpapanggap para magsilbing gabay. iminuwestra niya ang kanyang mga balakang sa paraang makahahanap siya ng kumportableng pagkakaupo. pinagpag niya ang kanyang dalawang kamay sa kanyang magkabilang bulsa–walang kumalansing na mga barya. napilitan siyang ipasok ang kanyang kamay para ilabas ang isang daang piso. tinignan niya iyon ng maigi at dahan dahan niya itong tinanggal sa pagkakalukot sabay iniabot sa drayber

bayad po
saan itong isang daan?
isang cosmos galing monumento

binasag ng yapak ng mga paa ng mga pasahero ang katahimikan na naunang bumalong sa loob ng sasakyan. hindi siya nagpaistorbo at naisipan niya na sumilip na lang sa bintana upang hayaang yapusin ang kanyang mukha ng preskong hangin na nagmumula sa pagandar ng jeepney.

saan nga ulit itong isang daan?
sa cosmos po galing monumento
heto ang sukli ng isang daan na malanday
pakisuyo na lang ho yung sukli ko
oh, huwag kayong kukuha ng sukli na hindi sa inyo
kulang ang sukli. nagtataka siya, para kanino ba talaga iyon? parang pinaririnig ng manong sa babaeng iyon na para yun sa ibang tao. dahil nagdadalawang isip siya,

sukli daw ng isang daan na bababa ng malanday
walang sumasagot. pinagmasdan niya ang mukha ng mga pasahero. ang bawat kibot. ang bawat paghinga. ang bawat pagpikit at pagmulat ng mata. wala talagang umaangkin kung kanino ang sukli. napataas ang kanyang kilay at ibinaling ang tingin sa mamang drayber. nagtitimpi siya, pinipigil ang galit. nangangatal ang panga. nanlilisik ang mga mata. umaalog ang taba.

kasi manong, ako lang naman yung nagbayad ng isang daan sa inyo at galing ng monumento yun, bababa ng cosmos.
mataray na pagkakasagot niya.

bobo ka manong drayber, bobo ka. isa kang tarantadong kaso ng katangahan. kung nagiisip ka lang sana bago ka magsalita, hindi na humantong ang lahat sa pagpapakita ng natatagong kaungasan na mauuwi lang sa iyong pagkakapahiya.




« Previous Entries   Next Entries »