sa kagubatan, nandoon ang lahat ng uri ng hayop na walang hinangad kundi ang mabuhay ng matiwasay kagaya ng iba. kahit pinaghihiwalay sila ng pagiging magkakaiba, pilit pa rin silang pinagiisa ng kagustuhan na maging busilak para sa katuparan ng kanilang mithiin.
may pabo na pilit na nangangarap na maging angat sa normal. naghahanap siya ng maaari niyang gawin para mapatunayan ang kanyang sarili sa kagubatan. isang araw habang naglalakbay ang pabo upang hanapin ang kapalaran, napagpasyahan niyang tumingala sa kalangitan. habang nakatitig siya sa alapaap, nakita niya ang isang agila. namangha ang pabo sa taas ng lipad ng agila–sa kung gaano ito kalayang naghahari kasabay ng mga bitwin na mas maaliwas pa sa tagaraw. matapos ang ilang sandali, pinanghinaan ng loob ang pabo dahil alam niya na hindi niya maaaring magawa ang tulad ng ginagawa ng agila kayat minabuti na lamang niya na magpatuloy sa paglalakbay.
hindi nagtagal ay muli niyang naibaling ang kanyang mga mata sa asul na himpapawid at doon nakita niya ang isang manok. hindi lingid sa kaalaman ng buong kagubatan na kahit kailan–hindi maaring lumipad ang mga manok ng kasing taas ng sa agila. kasabay ng pagkagulat sa kanyang nasaksihan ay ang paghanga. noon naisip niya na tulad ng manok, maari din siyang lumipad at dahil doon ay napagpasyahan ng pabo na kunin ang atensiyon ng manok para turuan siya kung paano ikampay ang mga pakpak para makarating rin sa himpapawid.
napansin ng manok na tinatawag siya ng pabo kaya dali dali itong bumaba ng walang pagaalinlangan. kinausap ng manok ang pabo at una pa lamang, sinabi na ng manok na baka masaktan niya ang pabo gamit ang masamang ugali niya na pagputak ng wala sa lugar. hindi gaanong sineryoso ng pabo ang babalang sinabi ng manok. sa pinakitang katapangan ng pabo, napaniwala nito ang manok na kakayanin niya nga ang lumipad.
ginawa ng manok ang lahat ng makakaya nito para makalipad ang pabo. ibinigay ng manok ang lahat ng nalalaman niya para magkaroon ng tamang gilas ang pabo. habang tinuturuan ng manok ang pabo, napansin niya na may mga kahinaan ito. kahit ganito, sinubukan pa rin ng manok na magpasensiya–ganun siya kaengganyo na magturo sa pabo. kahit alam ng manok na may mga katangian ang pabo na maaaring maging hadlang para matuto ito, hindi ito ininda ng manok imbes, nagpursige siya na matupad ang pangarap ng pabo.
lumipas ang araw linggo at buwan–sa wakas, dumating ang paghuhukom. pumunta ang manok at ang pabo sa isang bangin para subukan ang kakayahan ng pabo na lumipad.
nakalipad ang pabo–nagtagumpay ang manok sa pagtuturo. masaya ang manok dahil unti unti ng nakakamtan ng pabo ang kanyang pangarap. maligaya ang manok dahil lahat ng naibahagi niyang kaalaman ay nagdulot ng maganda para sa pabo.
hanggang dumating na sa punto na sabay na silang lumilipad at nakakarating na sila sa ibat ibang lugar. natuwa ang manok dahil sa wakas, may kasama na siyang lumipad. may makakaintindi na sa ugali ng manok. bumilib ang mga hayop ng kagubatan sa nagawang paglipad ng pabo.
mataas ang lipad ng manok, palagi siyang nagiisa. hindi niya magawa na makisabay sa mga agila dahil alam niya sa sarili niya na hindi siya karapatdapat mapabilang sa kanila. walang naging kasabay ang manok lumipad dahil ayaw matuto ng mga kapwa niya manok kung paano ang wastong paggamit ng kanilang mga pakpak. malungkot ang naging buhay ng manok dahil nakagawian lamang niya na ibulong sa hangin ang lahat ng kanyang mga problema pero lahat ng ito ay nagiba ng maging kaibigan ng manok ang pabo. kaya lang–hindi sanay ang manok na magkaroon ng kasama. palaging ang mga ulap lamang ang naging kanlungan ng kanyang mga hinaing at ang init ng sinag ng araw lamang ang sa kanya ay yumayapos.
isang araw, nakita ng pabo na pumuputak ang manok. nagtaka ang pabo sa kanyang nasaksihan dahil malaki ang pinagkaiba ng manok na nakita niyang lumilipad, sa manok na nakita niya na nakatapak sa lupa. nakalimutan ng pabo na binalaan siya noon ng manok–na isa sa mga likas na katangian niya ay ang pumutak. natural lang naman sa manok ang pumutak lalo na kapag naguguluhan siya sa mga nagaganap sa paligid niya. hindi matanggap ng pabo ang nalaman niya tungkol sa ugali ng manok hanggang sa nagkasiraan ang kanilang pagkakaibigan at napagpasyahan na lamang ng pabo na iwan ang manok–tumalikod at maglakad pabalik sa kung saan siya nanggaling.
akala ng manok ay maiintindihan ng pabo ang mga pinagdadaanan niya ngunit nabigo siya. imbes na sisihin ng manok ang pabo sa kung paano ang naging reaksiyon nito sa kanyang nalaman mas minabuti na lamang niyang lumipad sa himpapawid–kung saan siya ay totoong napapabilang.
kung lilipad bang muli ang pabo? walang nakakaalam. kung mananahimik ba ang manok? walang kasiguraduhan. hindi kasalanan ng manok na pumuputak siya. hindi kasalanan ng pabo na hindi siya marunong lumipad. may mga bagay na likas sa isang nilalang na hindi dapat ihinihingi ng kapatawaran. hayaan nating mabuhay ang mga hayop sa paraang pinili nila, iyan ang batas ng kagubatan.