May
30th

wateber ten

ang totoo, hindi ko nabibigyan ng tamang hustisya ang salitang blog. ang dami ko ng nasabi sa datkom pero parang sa palagay ko wala pa rin kayong alam tungkol sa akin. heto bibigyan ko kayo ng sampung katotohanan tungkol sa pagkatao ko.

babala: ang mga sumusunod ay naglalaman ng mga sensitibong pahayag na maaaring hindi maintindihan ng ordinaryong mambabasa. matinding pangunawa ang kailangan.

1.) di ako nakaakyat ng entablado ng may award dahil pinersonal ako ng professor ko
2.) may trabaho ako pero di ako makapagtrabaho dahil sa problema sa pamilya.
3.) meron akong 3bloggers na kinaiinisan–isang babae, dalawang lalake.
4.) nagaalala ako dahil namamana ang bipolar disorder.
5.) bumabalik na naman ang pagiging iritable ko pagdating sa mga lalake.
6.) baon kami sa utang at inaasahan ng lahat na ako ang magbabayad ng mga iyon.
7.) kung meron akong pagsisisihan, yun ay ang natuto ako magblog.
8.) sa ika-3 pagkakataon, sisiguraduhin ko na hindi na ako magmamahal ng blogista.
9.) bukod kay vEx, hindi ko talaga alam kung ilan kaming lahat na magkakapatid.

May
25th

seb

ayon sa natutunan kong paraan ng pagbibilang nung nursery ako, kung di ako nagkakamali hindi lalampas ng 20 bloggers na ang nakakakita sa akin sa personal. karamihan sa mga blogista ay natulala at nabighani ng masilayan ako, kumisay-kisay tapos hindi na gumalaw galaw kaya ayun, nastroke. impernes, yung iba nakarekober na. yung iba naman hayun, kritikal ang kondisyon. gusto ba naman i-mouth to mouth rescucitation ko? yakkers. mas maganda kasi kung gums to gums rescucitation, kaya lang parang masyadong hardkor na yun. mahalay nga lang. maganda kasi ako kaya hindi natin sila masisisi kung bigla na lang silang rumeak na parang aatakihin sa puso na tipong pwede na silang makipagkamustahan kay san pedro.

naalala ko, sinabi ko noon na hindi ako makikipagkita kahit kanino at kapag may nakakita ng litrato ko ng wala akong pahintulot, goodbye blogging na ako.

ganun pa rin naman ang pananaw ko pero hindi ako nagsasalita ng tapos.

nitong mga nakaraang linggo napagpasyahan ko na makipagkita sa ilang mga bloggers kaya lang, pinipili ko kung sino yung mayaman–yung handang manlibre ng lahat ng ituro ko lalo na kung pagkain. patay gutom kasi ako. masama akong nagugutom. hindi niyo gugustuhin na magutom ako. basta pasakan niyo lang ng pagkain ang bibig ko, magiging masaya na ako. magiging masaya tayong lahat. kaya lang hinay hinay sa pagbigay ng pagkain sa akin kasi mabilis akong mabulunan tapos baka hindi na ako makahinga at mamatay ako. hindi naman yata magandang balita para sa blogosperyo na malaman nila na namatay ako dahil sa pagkapatay gutom ko. napakawalang kwenta niyo kung aayain niyo ako lumabas tapos ako pa ang magbabayad. ang titigas naman pala ng mukha niyo, hindi na ako ginalang bilang diyosa ng blogosperyo.

noong una, natatakot talaga ako makipagkita sa mga tao na di ko kilala. hindi kasi ako palakaibigan at matatakutin ako sa tao. hindi ko kinakausap ang mga taong hindi ko kilala. malay ko ba kung kunin nila yung atay ko para gawing liver spread o di kaya naman ibenta nila yung lungs ko ng buy 1 take 3 sa mga poreners? kumita pa sila ng wala akong porsyento. mga buwakaw. sabi ko sa sarili ko: malaki na ako, five feet four inches na nga ako kaya alam ko na dapat ang gagawin. teka. pakiningshitness, kinakausap ko na ang sarili ko. tsk. basta napagpasyahan ko na kunin ang ganitong bihirang klase ng pagkakataon na maipakilala kung sino nga ba ako na hindi maaring tumbasan ng mga letra salita at bantas. hindi naman ako nagkaroon ng problema sa kung paano ko pakikisamahan itong mga bloggers na ito dahil nga pinagkakatiwalaan ko na sila–close kami. sa sobrang close namin, open kami sa isat isa. naniniwala ako na anonymous pa rin ang katauhan ko. alam ko na itong mga blogista na ito ay pangangalagaan ang binuo kong imahe sa blogosperyo. hindi naman ako nagkamali.

hindi ako mukhang blogger dahil mukha akong magandang blogger sa personal. katulad ng lagi kong sinasabi, ako at ang blog ko ay iisa. kung ano ako sa blog ko yun din ako kapag wala ako sa desktop ko. pero kahit ganoon, hindi niyo mahahalata na blogger ako dahil para lang akong paslit na nagtitinda ng sampaguita sa kalsada. dati basahan ang inilalako ko pero nalaman ko na mas malakas pala ang kita sa sampaguita kaya iyon na lang ang ibinebenta ko ngayon. yung iba naman sinasabi na kamukha ko raw si cassandra ponti. ang nakapagtataka, sa pinoy big brother si cassandra ponti pero bakit sinasabi nila na nai-star struck sila sa akin? nakompyus lang ako ng konti–slight lang, hindi ko naman kasi kamukha si rainier castillo. acheche.

may kumakalat na balita na maganda ako. kung ako sa inyo, huwag kayong maniniwala. press release lang ng mga mokong na blogista yan. hindi talaga ako maganda kasi–magandang maganda ako. maganda times two o di kaya naman maganda raised to the second power. minsan pa nga third pero dahil sa humble ako, dun na lang tayo sa second power. ganun ang level ng beauty ko. mas maganda ay tanungin niyo na lang yung mga bloggers na nakakita sa akin tungkol sa kung paano nga ba ako sa personal.

update: ayaw ko na pala na tinatawag ako na maganda. dapat: GUMAGANDA.

medyo nagulat din ako sa kung paano at ano nga ba ang ibang bloggers sa totoong buhay. may malaki at ekslusibong rebelasyon ang nagaganap sa tuwing may makikita akong blogger. nakakatuwa lang pero mas madalas talaga nakakadismaya. kala ko nga yung iba daliri lang o mas malala–artificial intelligence. may binuo akong mukha ng mga bloggers sa isipan ko tapos paniniwalaan ko na sila ang blogger na iyon kaya lang masisira ang ideya dahil sa pagguho ng mundo ko sa oras na dumating ang isang simpleng pagkikita. wala tuloy akong no choice. napagpasyahan ko na lang na matutunang tanggapin ang online at real persona nila. ganun ko sila kamahal.

sige ganito, sa susunod na linggo nasa mall ako. wala lang. sinabi ko lang. masama ba? teka. hanapin niyo ako tapos kalabitin niyo na lang ako kapag nakita niyo ako.