con yelo
hindi na ako magpapaligoy ligoy pa. merong nagiwan sa akin sa blogsikret ng mensahe, corny daw ako.
tanging ina niya.
sa loob ng dalawang taon na naglalathala ako, ngayon lang ako nasabihan ng CORNY. hindi naman ako naiinis. hindi rin ako nagagalit. ang totoo, nagulat lang talaga ako dahil sa wakas, may bumatok sa akin na ihinto ko na ang pagiging ambisyosa ko para magising ako sa katotohanan. yun nga lang–napalakas, kaya medyo masakit.
hayaan ninyo na magbigay ako sa kanya ng maikling mensahe:
una. ang tibay naman ng mukha mo para tawagin akong tol. ano akala mo sa akin? manginginom sa kanto na nakikipaghabulan saksak sa kapwa tambay at kung sino ang mataya ko, dead? ang kikay ko kaya. ang landi ko na nga ng lagay na ito tatawagin mo pa ako ng tol? ulol.
pangalawa. sana nagiwan ka ng pangalan o kaya tirahan man lang ng sa gayon masusundo kita mula sa bahay niyo para maihatid kita sa kabilang buhay at makita mo si san pedro. hindi ko kasi alam ang daan papuntang impyerno. ang bait ko pa nga dahil kay san pedro kita ihahatid, at least may chance ka pa na makapunta sa langit. anak ka rin naman ng diyos.
pangatlo. yung corny na tinatawag mo, number 2 nga pala sa top10 humor blogs. ang pagiging corny ko ang nagluklok sa akin sa pwesto na iyon.
i love you so much. mahal na mahal kita. take care. god bless.
kung sino man siya, maraming salamat. sa sobrang pagpapasalamat ko sa kanya, gusto ko ilagay ang ulo niya sa frame tapos yung balikat niya ipapako ko sa pader namin para maganda at pantay ang kanyang pagkakasabit. aalayan ko pa nga siya ng cookies at magsisindi pa ako ng esperma tuwing ala sais ng gabi.
pwera biro.
hindi totoo ang kasabihan na manahimik na lamang kung wala kang masasabing maganda. mahirap para sa tao ang ituring na papuri ang mga puna at lunukin iyon ng buo ng hindi na nginunguya, pero ako? kaya kong gawin yun. bilib ako dahil bibihira lang ang mga matatapang na tao na nakakapagsasabi ng kapintasan ko–perfect kasi ako. wala naglalakas loob na ipamukha sa akin ang mga kahinaan ko. ako kasi yung tipo ng tao na ginagawang inspirasyon ang sarili kong kahinaan. alam ko madami ang naaangasan, nasusupladahan at natatarayan sa akin gayunpaman natutuwa ako dahil nirerespeto ako bilang blogista. hindi nga ako ang nagpauso ng blog pero taas noo kong masasabi na nakamit ko ang respeto ng karamihan sa mga blogista ngayon, lalo na yung mga baguhan–hindi dahil sa napapatawa ko sila kung hindi dahil sa natutumbasan ko ng higit pa ang respesto na ibinibigay nila sa akin.
ang ikinasasama lang ng loob ko, hindi ako ginalang–kahit hindi na bilang humorista o blogista, kahit bilang tao na lang. kahit bilang babae. babaeng bakla. naniniwala ako na merong tamang paraan para sabihin ang lahat ng bagay. nakakalungkot lang dahil hindi pwedeng hanapin sa google at matutunan sa wikipedia ang katangian at paraan ng tamang pagrespeto. naiintindihan ko naman, pet lover kasi ako.
ito ang isa sa mga punto ko kung bakit ayaw kong mapasama sa kategorya ng humor blogs–hindi naman talaga pagpapatawa ang layunin ko sa paglalathala. wala akong balak na gawin ang lahat posibleng paraan para pumasa ako sa kategorya ng joke para sa kahit na sino. naglalathala lang ako at masasabi ko na dagdag na puntos na lang ang mga ngiti at tawa na naibigay ko sa inyo.
kung corny ako, ano na lang ang itatawag natin kay ganito at saka kay ganyan? parang ayaw ko ng malaman. hindi ko gustong palakihin ang isyu. gusto ko lang malaman ng lahat na hindi perya ang buhay ko. hindi ko kayang pasayahin ang lahat ng nagbabasa sa aking blog. ako ang sagot sa pagkabaog, pero kahit kailan–hindi sa kalungkutan. hihingi sana ako ng tawad sa pagiging corny ko pero hindi ko magagawa yun dahil bukod sa hindi ko siya pinilit na basahin ako hindi rin ako binabayaran ng kahit sino para mapatawa kayo.
sa susunod na dudura kayo, siguraduhin niyong hindi kayo nakatingala. sa gayon, hindi natitilamsikan ng laway niyo ang mga katabi niyo. panghuli, pipiliin niyo yung babanggain niyo–yung walang kaibigan na handang sumugod dahil may kakayanan sila na maglocate ng IP address.
tangina, ang corny ko talaga.







