Apr
28th

know thine enemy

nakakahiya naman sa inyo. baka sabihin niyo puro na lang katarantaduhan ang napupulot niyo sa akin at sa site na ito. mahirap naman yung nagiinuman kayo kasama ng mga dabarkads niyo tapos ibibida niyo sa kanila ang kawalang kwentahan ng mga naikukuwento at nailalathala ko. ang kapal ng mukha ko maglathala ng sobrang ubod ng habang entry kaya heto, hayaan ninyo na bigyan ko naman kayo ng kaalaman tungkol sa buhay sa pamamagitan ng maikling video na ito. oo na, alam ko naman na hindi niyo na babasahin ito dahil pipindutin niyo na agad ang play button. mga hayuf.

Apr
25th

operator

up. up. up.
tatlong beses ko pinindot ang up button. tumingala ako at nakita ko na nasa 5th floor pa ang elevator. wala naman talagang magagawa kung higit pa sa isang beses ko pipindutin ang up o kahit na ang down button. trip trip lang. basta magbukas yung pinto, ayos na.

4.. 3.. 2.. G.
narinig ko na ang tunog–hudyat na nasa floor ko na ang elevator. bumukas ang pinto, walang tao. gustong gusto ko talaga kapag magisa lang ako sa elevator. akin ang mundo, tahimik. malayo sa ingay ng totoong buhay. sa sandaling maglalagi ka sa maliit na kwartong ito, madaming papasok sa isip mo. binibigyan ka ng panahon para mag-isip. magmuni. susugurin ka ng mga nakaligtaang alaala na bumalik mula sa nakakatakot na nakaraan.

wait, hold the elevator please.
narinig ko ang tinig na iyon mula sa kinalalagyan ko. pinipindot ko na ang open button pero sumasara pa rin ang pinto ng elevator. nagdadalawang isip ako kung pipigilan ko ba ang mga pinto gamit ang aking kamay. natatakot ako, naipit na kasi ako dati. natuto na ako mula sa katangahan kong iyon at ayaw ko ng maulit pa. pumikit ako kasabay ng pagsasara ng pinto. buntonghininga. hindi ko sinasadya na maiwan at masarhan siya. alam ko iisa lang ang elevator sa building pero, ayaw ko yatang mabuhay na gamit ang isang kamay lang. dahan dahan kong iminulat ang mga aking mga mata–himala, muling bumukas ang pinto.

salamat, akala ko iiwanan mo talaga ako.
nginitian ko siya habang nagtataka sa kung paano ako nagagawang paglaruan ng elevator na ito. pinasalamatan niya ako para sa wala. pumasok siya. teka, parang nakikilala ko na siya. tama, siya nga. matagal ko rin siyang hindi nakita, ngayon na lang ulit at masasabi ko na maaliwalas ang mukha niya. nararamdaman ko na masaya ang disposisyon niya ngayon. pinindot ko ang 19, hindi ako maaaring magkamali dahil alam na alam ko na doon ang floor niya.

alam mo ang floor ko?
oo, nakasabay na kasi kita dati.
ah, ganun ba? salamat.
oo nga naman. bakit nga ba pinangungunahan ko siya sa pagpindot ng floor niya? napaghahalata tuloy ako. inuna ko pa siya bago yung sarili ko. napapailing na lang ako habang iniisip ko sa kung bakit bigla ko na lang napindot iyon. ang mga daliri ko talaga, may sariling utak.

sumara ang pinto. umakyat ang elevator. katahimikan.
alam ko maliit ang elevator pero maluwag iyon para sa aming dalawa. tinitigan ko siya sa gilid ng aking mga mata at napansin ko na mahigpit ang kapit niya sa hand railings. ang maaliwalas niyang mukha ay biglang napalitan ng pamumutla. nanginginig ang katawan niya. nararamdaman ko dahil nakasiksik siya sa akin.

ok ka lang?
sorry, sorry talaga.
bakit, anong meron?
bumukas ang pinto sa 7th floor at sumakay ang barkadahan ng 4 na babae. maiingay sila. nakakairita ang mga boses. kung makaasta akala mo sila ang nagmamayari ng bawat turnilyo na bumubuo sa elevator na ito.

11th floor.
huh?
what? arent you going to push the button that says 11?
ah kasi ano..
its the number between 9 and 10, in case you didnt know.
ang..
hush. i am never excited by moronic excuses. just push it.
mataray na sinabi ng babae sa akin. hindi na ako umangal. nakakailang ismid na siya sa akin pero hindi ko siya pwede patulan. kung lalake lang siya baka hinamon ko na ito ng suntukan. hindi ko na lang talaga papansinin para walang away. nakakairita. ang iingay nila. parang walang silang ibang taong kasama. nakakailang bato sila ng tingin sa akin, kasabay ng hindi mabilang na hagikgikan. hahayaan ko na lang talaga.

you dont have manners.
excuse me?!
im talking to you, bitch.
what are you saying?
dont you know that you are not supposed to talk if your in a confined space?
but..
you and your friends’ saliva is all over the fucking place
you know..
here is my doctor’s calling card, you can use some medical advice–for halitosis.
i dont need this.
well society doesnt need you either. its the 11th floor, slither away!
whatever
by the way, go back to gradeschool. 11 is the number between 10 and 12.
bumukas ang pinto at nagmamadaling lumabas ang magbabarkada. nakatikim sila. nasampolan din ako. grabe yung tensiyon na yun. hindi ko siya napigilan at naawat sa walang prenong pangangaral niya. parang gusto ko ng lamunin ng mga pader. ang kawawang pader na naging piping saksi sa mga naganap.

pababa ba ang elevator?
hindi, paakyat po.
sige balikan niyo na lang ako
15th floor bumukas ulit ang pinto. may isang matanda na naghihintay na sumakay pero dahil sa paakyat nga ang elevator hindi naman namin siya pwedeng pasakayin muna. nagsarang muli ang pinto. kaming dalawa na lang muli sa aking munting mundo.

napapagkamalan kang elevator operator
hindi na nga ako nagreklamo.
ayos lang yun, ang boring kasi sa elevator.
oo, tama. saktong eksena lang.
natatawa siya. natatakot ako. parang gusto ko ng umalis at maghagdan na lang. napansin ko na makailang ulit ng pumapalya ang pagsara at pagbukas ng pinto ng elevator at ang mga ilaw? hindi sing liwanag ng dati.

whats that noise?
hindi ko alam.
may kakaibang ingay na nagmumula sa itaas ng elevator. sabay kaming tumingala at hinahanap kung saan nagmula ito. bumabagal ang takbo namin. unti unti siyang lumalapit sa akin at hinawakan ng mahigpit ang braso ko. nangyari na nga ang kinatatakutan ko. blackout. trapped kami. malakas na hiyaw ng pagkatakot ang sumunod. nanginginig siyang yumakap sa akin.

ano nangyari sa iyo?
nahimatay siya. ang pagkataranta ang huling bagay na dapat kong gawin sa ganitong pagkakataon. tama, kailangan ko humingi ng tulong. tangina, naiwan ko pa pala yung phone ko. wala na akong ibang magagawa kundi antayin na lang na bumalik ang suplay ng kuryente para muling gumana ang elevator o di kaya naman ang pagkabulok namin. ayos lang kung ako lang ang naiwan dito, kamalas malasan naman na may kasama pa ako. ayos na rin siguro, hindi rin ako mapapanatag kung malaman ko na nagiisa lang siya na nakulong dito.

sandali nga.
dahan dahan akong umupo sa sahig. inaalalayan ko siya. mahirap na, baka kung ano ang mangyari sa kanya, ako pa ang mapagbintangan. kinuha ko ang panyo ko mula sa aking bulsa at sinubukan siyang paypayan para mahimasmasan. kahit madilim ang paligid, nararamdaman ko ang liwanag niya. ang liwanag na nagmumula sa kanya na nagbibigay sa akin ng pagkakataon na mangarap. kung iisipin, maswerte pa rin ako. ang maiwan kasama ang tao na lubos mong hinahangaan ay pangarap ng mga torpeng tulad ko. ito na yata ang pinakamatagal na panahon na nakasama ko siya. ang pagkakataon na pinakamalapit ako sa kanya. hindi naman sa hinihiling ko ang mapahamak siya, gusto ko lang ang makasama siya sa kahit anong pangayayari sa buhay ko.

im sorry.
ok lang yun sa akin.
im claustrophobic.
ikaw si santa claus?
hindi!
pinapatawa kang kita.
im not that comfortable being in closed spaces.
nagising na siya. tinakpan niya ang kanyang mukha sa sobrang pagkahiya at bumangon na mula sa pagkakahiga sa aking nangangalay na balikat. kanina ko pa nga talaga napapansin na natatakot siya. sino ang magaakala na ang matapang na nakita ko kanina ay takot pala na makulong magisa?

sa wakas.
thanks again.
walang anuman.
muling umandar ang elevator paakyat sa 19th floor. hindi siya makatingin sa mga mata ko. naiintindihan ko naman siya. malamang, ito na rin ang huli naming pagkikita. bumukas ang pinto. sa pagkakataong ito, may lalakeng nakatalikod at biglang humarap sa amin.

surprise xienah, happy monthsary!
nagulat siya. hindi niya alam ang gagawin niya ng sumalubong sa amin ang lalakeng may dalang mainit na ngiti at mga bulaklak. nangingilid ang luha sa kanyang mga mata, hayun–napaiyak na nga ng tuluyan. masakit man sa kalooban ko na pindutin ng matagal ang open button, ginawa ko pa rin. kahit may mga luha na pumapatak papunta sa mga pisngi niya masasabi ko na masaya siyang makita ang lalakeng iyon. hindi ko makayanang makita ang mga ngiti niya na para sa akin na napupunta lang sa iba–sa totoong mahal niya. ang katauhang nakita ko sa labas ng elevator ang kanyang kaligayahan. lumabas na siya sa elevator at niyakap ang lalakeng nakaabang sa kanya. sa pagkakataong iyon, hindi ko pa pinipindot ang close button, nagsara na lang basta ang pinto. kapag mahal mo ang tao, hindi ka matatakot na makulong sa mga bisig niya, kung maari lang–gugustuhin mo na matunaw na lang sa mga balikat niya. lumiliit ang mundo kapag kasama mo ang taong mahal mo at umiikot na lang iyon sa inyong dalawa.

salamat.
para saan?
nasabi niya sa akin ang nangyari sa inyo sa elevator.
ah yun ba?
salamat, kung wala ka baka kung ano na ang nangyari sa kanya.
wala yun.
hindi ko alam kung paano na ako kapag nawala siya.
may kamay na pumigil sa pagsasara ng pinto ng elevator. matapang siya. hindi siya natatakot na maipit ang kamay niya sa pinto ng elevator. hindi ko kayang gawin yun. nung mga panahong iyon, nalaman ko na–magiging masaya siya sa kanya. hindi ko pa kayang ibuwis ang kahit ano sa buhay ko ngayon para sa pagmamahal pero darating ang tamang panahon na gagawin ko yun. kinamayan niya ako, tanda ng kaniyang pakikipagkaibigan.

sa huling pagkakataon, muling sumara ang pinto ng elevator. sa sandaling iyon, naging akin siya, nahawakan ko siya–ang taong hinahangaan ko. masaya ako at nakasama ko siya. ang nakakalungkot na parte, babalik na naman ako sa pagiging magisa–magisa sa elevator, sa munting mundo ko.

21st floor.