Dear MisterE

kamusta na tayo? oo tama ka, tayo–ikaw at ako. matagal na kitang di nakakausap ng matino. hindi na tayo nakakapagusap ng normal, yung tipong nagbabangayan na parang aso at pusa hanggang sa magkasakitan ng damdamin, magkayurakan ng puri at magkabasagan ng pagkatao. ganun tayo–noon, pero ano na ang nangyari sa atin?

hindi ko alam kung mababasa mo itong sulat ko, pero itutuloy ko pa rin. yung lathala ko nga [noon] na tungkol sa iyo nabasa mo, ito pa kaya? hindi ko nga pala naipaalam sa iyo na datkomista na ako pero sigurado ako na nabalitaan mo na ang tungkol dito. dinadala ka talaga ng tadhana patungo sa akin–patungo sa puso ko.

alam mo ba nung sinabi sa akin na magdadatkomista na ako, ikaw kaagad ang pumasok sa isip ko? gustong gusto mo ako maging datkomista, di mo lang pinapahalata. naisip ko nga baka shy type ka lang–pademure, para itago sa akin ang tungkol sa nadarama mo pero alam ko ipinagmamalaki mo ako. marami sana akong gusto itanong sa iyo–tungkol sa mga bagay sa pagiging datkomista dahil gusto ko kabahagi kita sa kung ano ang mararating ko. kaya lang nahihiya talaga ako kasi alam ko na abala ka sa buhay mo ngayon.

alam mo ba na magdadalawang taon na kitang hinahangaan? magdadalawang taon na kitang kras. nagsisimula pa lang ang karera ko sa paglalathala, hinahangaan na talaga kita. hindi naman sa nabubulagan ako ng dahil sa paghanga ko sa iyo pero nakikita ko talaga na mabuti kang tao. kahit minsan inaangasan at tinatarayan mo ako, alam ko naman na paraan mo lang yun para makuha ang atensiyon ko.

akala ko malandi ako, pero ang totoo mas malandi ka pala. naisip ko, ang kalandian mo ang naging dahilan kung paano ka nangyari sa buhay ko. isa yun sa mga masasayang alaala ng pagiging blogista ko. noon nga, nagtataka yung tatay ko kasi babae yung aso namin pero isinunod ko ang pangalan niya sa iyo. doon nga din sa slum book ng tropa ko, isinusulat ko kaagad ang pangalan mo sa patlang katabi ng katanungan na who is your crush. nakakapanghinayang nga lang. maraming katanungan ang nasasagot ng mas madami pang katanungan na naging dahilan kung bakit mas nagiging kumplikado para sa atin ang mga bagay.

gusto ko nga pala na humingi ng pasensiya dahil sa hindi ko pagimbita sa iyo sa pagdiriwang na gaganapin para sa nalalapit kong kaarawan. pakiramdam ko kasi wala naman akong halaga sa iyo–hindi mo nga alam na hehep hep hurray happy birthday ko na. ayos lang, hindi ko rin naman natatandaan ang petsa kung kelan ang kapanganakan mo. gayunpaman, natutuwa at nagagalak ako at ipinanganak ang isang suplado at wirdo na tulad mo sa buhay ko.

isa pa nga palang dahilan kaya di kita maiimbita ay sa kadahilanang baka matorpe ako sa harapan mo. hindi ako ipinanganak para kausapin ng normal ang mga taong hinahangaan ko. hindi ko alam kung paano kikilos kapag malapit ka sa akin. nagiinit ang pisngi ko at lumalamig ang kamay ko sa tuwing naiisip ko na magkatabi tayo. baka nga titigan lang kita ng matagal pero siyempre ayaw ko na matunaw ka at mawala ka sa buhay ko kaya mas makakabuti na manatili ka na lang sa kinalalagyan mo. sa malayo, kung saan malaya ako na humahanga sa iyo.

hindi ko alam kung napapansin mo ako o nagiinarte ka lang na hindi dahil nga nagkukunwa-kunwarian kang suplado. wala kang karapatan dahil di ka naman gwapo para magsuplado ng ganyan. ayos lang, yun nga yung nagustuhan ko sa iyo. hindi maitatanggi ng mga tao ang nalalaman nila tungkol sa nararamdaman mo para sa akin. balita ko kasi kras mo rin ako. naisip ko tuloy, paano kaya kung boyps kita? kilala mo ako misterE, ambisyosa ako. sa palagay ko nakakatuwa yun. masayang makita na tayo. paano mo kaya ako liligawan? baka nga di na ako magpaligaw dahil ako na lang ang manliligaw sa iyo.

aaminin ko, dati nalito ako sa kung ano ang meron tayo na ako lang ang may alam. kala ko noon lab kita, mabuti na lang pala hindi–talagang kras lang ang nadarama ko para sa iyo. kasi naman yung mga tao sa paligid natin tinutukso tayo, ayan tuloy nilagyan ko ng malisya tayong dalawa. pero mabuti na lang matalinong bata ako. hindi ako basta basta nagpapadala sa buyo ng iba. naniniwala naman ako na mas matalino ka sa akin, pero nagpabuyo ka rin. tsk. tsk. tsk.

ikaw talaga misterE–akalain mong mas sikat ka pa kaysa sa akin? isa kang malaking misteryo na mismong buong sangkablogosperyuhan gustong mabunyag. ang daming mga tsismosong kapitbahay ang nakikibalita sa kung ano na nangyayari sa iyo, sa kung ano na ang nangyayari sa ating dalawa. madaming inggiterong lalake ang gustong kumuha at pumalit sa posisyon mo–ang pagiging kaisaisahang blogger kras ko. ikaw? hindi mo na kailangan pang sumubok pa. sayang nga lang dahil hindi mo naman alam kung paano papahalagahan ang kung ano mang paghanga ang meron ako para sa iyo.

ipinapangako ko na kasabay ng pagwawakas ng liham na ito ay ang pagbubukas naman ng isang panibagong yugto para sa ating dalawa. hanggang sa muling pagsasalubong ng landas misterE, hanggang sa muli.

ikaw pa rin ang espesyal na payaso ko
ikaw pa rin ang espesyal na payaso ko




threesome

sagot sa pagkabagot
xXx.Chiksilog.Com
sagot sa pagkabagot




empermera sa mata ni jojitah

blogtsina of the month

wala akong kamalay malay na nanalo na pala ako sa blogtsina of the month awards ni jojitah. alam ko, walang ibang taong makapagkukwento ng tungkol sa Empermera kundi ako lang din pero mas interesado ako na malaman ang pananaw at tingin ng iba sa kung ano nga ba ang epekto ng Empermera sa kanila.

ang susunod na mababasa ninyo ay ang ginawang pagsusuri ni jojitah sa Empermera:

[start]
Hirap na Hirap akong gawan ng rebyu ang CHIKSILOG dahil madami ang nageexpect na mabigyan ko ng hustisya kung gaano kagaling na blogistatsina si xienahgirl. Pero naisip ko bakit ba ang pagbabasehan ko ay ang magiging expectation ng pans ni xienah na humihithit ng vetsin? Keri na, kahit medyo kinakabahan ako na baka kidnapin nila ako pag hindi sila nasiyahan at kunin ang atay at balun-balunan ko at ipakain sa askal. Bahala na! Nagpapray naman ako once a month.

Hindi alam ni xienah na matagal na akong lurker ng blog niya, although hindi ko naman masasabi na nakuha ko din humithit ng vetsin kalaunan e hindi ko naman nakakalimutan dumaan sa balay niya para tumikim hindi ng pinya kundi ng mainit-init at greaseless pa na talak ni xienah.

Ang totoo naiintimidate ako sa personalidad ni xienah. Hindi dahil insecure ako kundi dahil malakas talaga ang dating ni xienah. Hindi ko alam kung anong dating yun, basta malakas ang dating. Pero nito-nito lang nung sinubukan ko magparamdam, at kalaunan naging hilaw na kumare ko nadin. Hindi ko naman naramdaman na nagpaplastikan kami kasi hindi naman compulsory ang magdalawan kami sa kanya-kanya naming mga balay. Basta wala lang. Yun wala lang.

May sense ba ako? Hayaan niyo na para naman magmukhang mahaba ang rebyu na ito.

CHIKSILOG
Author: Xienah
Blogging Since: 2006 [di sure]
Writing Style: di din ako sure
Civil Status: di ako sure ulit
Citizenship: Pinay ata [di pa din sure]

LAYOUT. Kahit ipinagkakalat ni xienah na walang kwenta daw ang mga layout niya, hindi yun totoo, konti lang. echos! Ang totoo cute na cute ako sa mga layouts niya. Ano nga sabi nila simple pero rock? Eeeewww… Pero nadidisturb ako sa sisiw feeling ko kasi may namatay at nangangailangan ng katarungan. Pero pinalitan na niya yun at sinaksak na itlog na puti naman. Naisip ko bakit kaya hindi pula yung itlog na sinaksak. Wala lang. Paborito ko kasi ang itlog na pula.

CHOVARLOOS. Aliw ako sa tagboard ng chiksilog, kahit na hindi ako madalas mag-iwan ng mensahe dun dahil sa dami ng pans ni xienah hindi ko na masundan ang topic sa dami ng tumatambay sa balay niya. Gusto ko din yung twitter kahit hindi ako masyadong fan ng twitter. Wala lang. Kapansin-pansin din na konti lang ang nasa blogroll ng chiksilog, ibig sabihin pihikan si xienah. May taste si xienah kasi nasa blogroll niya ko. LOL! Wala lang, maisingit lang.

PUNTO POR PUNTO
~ Walang effort sa pagpapatawa, although ang sabi niya hindi naman talaga siya nagpapatawa. Pero feeling ko sabi niya lang yun. Nagpapatawa talaga siya.
~ Malalim managalog si xienah isa lang ang ibig sabihin nun, best in Filipino siya. Nyenye… oo na, korni.
~ Sarcasm yata ang inaalmusal niya sa umaga, pero charming naman ang dating kaya keri lang.
~ Marami ang nagkakakras kay xienah. Basta madami, feeling ko lang din. Pero damang-dama ko ang pagka-kras niya talaga kay Mr.E. Yiheee…
~ Sabi niya malandi siya, feeling ko ulit hindi naman. Press release niya lang din yun.
~ Ang tagumpay ng chiksilog ay ang misteryo sa kung anumang misteryo ni xienahgirl. Wag niyo kong tanungin kung ano yun, misteryo nga e.
~ Articulate si xienah at inggit na inggit ako. Alam mo kasing pag binasa mo ang “lathala” niya may direksiyones. Pinag-isipan. May art, hindi kagaya ng iba diyan na puro lang arte. Hindi kayo ang pinariringgan ko ang sarili ko.
~ Addictive. Feeling ko sobrang daming vetsin ang blogtsina ni xienah kaya ang tawag ko sa pans ni xienah ay mga nakahithit ng vetsin.
~ Palagay ko apo siya sa tuhod ni madam auring dahil alam na niya ang sikreto nating lahat. wahahahaha! Ang korni ko diba? Buti pa si xienah hindi.

PANGHULING TALAK
Halo ang damdamin ko na si xienah ang bwena mano kong blog rebyu. May takot, inis, agam-agam, kaba, saya, excitement, pasma, rayuma at kung ano-ano pa. Rebyu para sa isang ekstra ordinaryong blogeratsina mula sa isang tralalang blogera loka. Kailangan ko pa ba ieksplain?

Kung susumahin naman hindi naman talaga mahirap ipaliwanang si xienah, isa na rin siguro sa malaking tagumpay ng CHIKSILOG ang pagiging katulad din niya sa atin. Mas kaya lang laruin ni xienah ang mga salita kumbaga sa cook magaling lang siya magtimpla at isa yung talent. Sabi ko na talentada si xienah.

Sana nabigyan ko kahit papano ng hustisya ang CHIKSILOG, kung hindi you may appeal in the Court of Appeals.

Panghuli, CONGRATULATIONS sa CHIKSILOG sa pagpasok sa nakakalokang mundo ng dot com. Oh yeah.. Oh yeah… Magpugay kay xienah at dalawin siya sa kanyang bagong balay.

PAHABOL
Sa mga nagexpect na maglabas ako ng picture ni xienah, sorry to disappoint you guys. Hindi ako namimilit sa mga ayaw magpakita. Kung kailan na lang niya gustong lumantad hayaan na lang natin siya. Basta isa ang paniniwala ko, pareho kaming diyosa ni xienah. Echos!!!!
[end]

abangan niyo sa susunod kong lathala ang sagot na gagawin ko sa masusing pagsusuri na ginawa ni jojitah




« Previous Entries   Next Entries »